2024
Siya ay Hindi Nakakalimot sa Atin
Disyembre 2024


Mga Tinig ng mga Kabataan

Siya ay Hindi Nakakalimot sa Atin

Edson S., edad 16, Georgia, USA

Mahilig sa marching band, paglalaro ng anumang uri ng sports, at paggugol ng oras sa piling ng kanyang pamilya.

binatilyo

Napakahirap ng freshman year ko sa high school. Naka-online school ako noon dahil sa COVID-19. Noong taong iyon, nagka-COVID ang tatay ko at pumanaw. Kinailangan kong kayanin ang kanyang pagkawala sa buong taon. Eksaktong isang taon kalaunan, pumanaw ang lolo ko. Noong junior year ko, pumanaw ang lola ko. Nasa kuwarto niya ako nang pumanaw siya.

Lagi kong ramdam ang kahungkagan dahil sa mga bagay na ito na nangyari sa buhay ko. Pakiramdam ko ay may mali siguro akong ginagawa o pinagbabayaran ko ang mga pagkakamali ko o anuman. Noong panahong iyon, hindi rin maganda ang mga ginagawa ko. Hindi ko hinayaang mabanaag ang liwanag ni Cristo sa akin.

Isang araw, habang binabasa ang mga titik ng himnong “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115), naantig ako sa taludtod na “Malilimot ba Kanyang pag-ibig at awa?” Nang mabasa ko iyon, napunan ang kahungkagang nadarama ko. Napahinto at napaisip ako ng mga salitang “malilimot ba.” Sa buong buhay ko, sa lahat ng bagay na pinagdurusahan at nararanasan ko, gusto kong makalimot. Gusto kong makahanap ng mas madaling paraan, magsaya, at gumawa ng mga bagay na hindi tama, na hindi umaasa kay Jesucristo.

Kahit nasa madilim na lugar ako at nagtatangkang lumihis, hindi hinayaan ni Jesucristo na malimutan ko ang Kanyang awa at pagmamahal. Noong lungkot na lungkot ako, hindi Niya ako nalimutan. Kaya, kung hindi Niya ako kinalimutan, hindi ko Siya dapat kalimutan.

Naniniwala ako na kahit nasa madilim na lugar ka at sa tingin mo ay hindi ka bibigyan ng Diyos ng pangalawang pagkakataon, bibigyan ka Niya. Mahal ka Niya at nagmamalasakit Siya sa iyo.