2024
Ang Inyong Buhay, Mabuti, at Higit na Mainam na Pag-asa
Disyembre 2024


Ang Inyong Buhay, Mabuti, at Higit na Mainam na Pag-asa

Si Jesucristo ang mapagkukunan ninyo ng espirituwal na kaloob na pag-asa ngayon at magpakailanman.

Jesucristo

Jesus ng Nazaret, ni Jay Bryant Ward

Binigyang-diin ni Apostol Pedro at ng mga propeta sa Aklat ni Mormon na sina Jacob at Moroni ang espirituwal na kaloob na pag-asa kay Cristo sa gayon ding mga paraan.

Ipinahayag ni Pedro na tayo ay may “buhay na pag-asa kay Cristo.

Ipinahayag ni Jacob na ang pagsampalataya kay Cristo ay naghahatid sa atin ng “mabuting pag-asa.”

At sinabi ni Moroni na tayo ay may “higit na mainam na pag-asa dahil kay Cristo.

Ano ang Pag-asa kay Cristo?

Ang espirituwal na kaloob na pag-asa kay Cristo ay ang masayang pag-asam sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” at sa matinding paghahangad sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan. Ang mga salitang “buhay,” “mabuti,” at “higit na mainam” ay naglalarawan sa ating pag-asa kay Jesucristo. Ito ay isang patuloy na lumalawak at masiglang katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli at ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya.

Ipinaliwanag ng propetang si Mormon, “Ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa. Paanong kayo ay [magtatamo ng] pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?

“At ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya. …

“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.”

Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama

Ang inyong buhay, mabuti, at higit na mainam na pag-asa kay Cristo ay nagsisimula sa kaalaman na ang Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay. Siya ay inyong Ama. Kayo ay literal na Kanyang espiritung anak na lalaki o anak na babae, at nagmana kayo ng mga banal na katangian mula sa Kanya.

Ang Ama ang may-akda ng plano ng kaligayahan. Bilang Kanyang espiritung anak na lalaki o anak na babae, inyong “tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang [mga] tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”

Kayo ay may dalawang bahagi. Ang inyong espiritu, ang inyong walang-hanggang bahagi, ay nadadamitan ng pisikal na katawan na sumasailalim sa mga pagnanasa at gana ng mortalidad. Ang plano ng kaligayahan ng Ama ay dinisenyo para maglaan ng gabay sa inyo, tulungan kayong makauwi nang ligtas sa Kanya na may nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan, at matanggap ninyo ang mga pagpapala ng walang-hanggang kagalakan at kaligayahan.

Ang Tungkulin ni Jesucristo Bilang Manunubos

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Amang Walang Hanggan. Pumarito Siya sa mundo upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos dahil dinaig Niya kapwa ang kamatayan at kasalanan.

Ipinropesiya ni Alma: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; …

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.

“… Ang Anak ng Diyos ay magdurusa [rin] ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”

Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa at nasa Tagapagligtas at binibigyang-kakayahan tayong magtiwala sa Kanya at magkaroon ng lubos na tiwala sa Kanyang kapangyarihang iligtas tayo mula sa kamatayan, linisin tayo mula sa kasalanan, at biyayaan tayo ng lakas na higit pa sa ating sarili.

Pinatototohanan ko na kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan. Siya ay nabuhay na mag-uli at “nagsasakatuparan ng [ating] pagkabuhay na mag-uli [at] katubusan.” Siya ay buhay. Siya ang tanging pinagmumulan ng buhay, mabuti, at higit na mainam na pag-asa.

Isang Angkla sa Kaluluwa

Pinatotohanan ng propetang si Eter, “Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.”

Sa espesyal na panahong ito ng pagdiriwang ng pagsilang ng sanggol sa Bethlehem, nawa’y lagi ninyong tandaan na si Jesucristo ay naparito sa mundo upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Inaalok Niya sa inyo ang napakahalagang espirituwal na mga kaloob na buhay, liwanag, pagbabagong-buhay, pagmamahal, kapayapaan, pananaw, kagalakan, at pag-asa.

Si Maria at ang Sanggol na si Jesus

The Days Were Accomplished [Ang mga Araw ay Natupad na], ni Justin Kunz

Inaanyayahan ko kayo na hangarin nang angkop ang espirituwal na kaloob na pag-asa sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga turo at patotoo ng mga sinauna at makabagong propeta tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at literal na pagkabuhay na mag-uli. Kapag ginawa ninyo ito, ipinapangako ko na lalakas ang inyong patotoo sa kabanalan ng Manunubos. Lalalim ang inyong pagbabalik-loob sa Kanya. Madaragdagan ang hangarin at determinasyon ninyong tumayo bilang Kanyang magiting na saksi. At mabibiyayaan kayo ng isang angkla sa inyong kaluluwa—maging ng buhay, mabuti, at higit na mainam na pag-asa.

Kasama ang mga Apostol na nagpatotoo sa Kanya sa lahat ng panahon, masaya kong ipinapahayag ang aking patotoo na si Jesucristo ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Siya ang ating nabuhay na mag-uling Manunubos. Dahil sa pagtubos at pakikipagkasundo sa Diyos na ginagawa Niyang posible para sa buong sangkatauhan, maaari ninyong matanggap ang espirituwal na katiyakan at ang isang buhay, mabuti, at higit na mainam na pag-asa na “kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”