Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko malalaman na ang binabasa ko sa Aklat ni Mormon ay totoo?”
“Napakahalagang ipagdasal ang binabasa mo. Kapag nakakatanggap ako ng sagot mula sa Ama sa Langit, may nagpapakalmang kapayapaan na hindi ko maitatanggi. Habang nagbabasa ka, lalago ang iyong patotoo at lalago ang kakayahan mong umunawa.”
Lilia W., 13, Utah, USA
“Tuwing binabasa ko ang Aklat ni Mormon, sinisikap kong iwaksi ang lahat ng maaaring makahadlang sa akin na madama ang Espiritu. Pinatototohanan ng Espiritu ang katotohanan ng lahat ng bagay, at kapag nag-ukol ka ng oras na pakinggan ang Kanyang tinig, malalaman mo na ang binabasa mo sa Aklat ni Mormon ay totoo.”
James Z., 15, Utah, USA
“Malalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo dahil ang mga bagay na ipinropesiya sa Aklat ni Mormon ay natutupad na sa ating panahon. Gayundin, tulad ni Nephi, nagdasal ako at nagtanong sa Diyos kung ito ay totoo.”
Azuonwu P., 16, Nigeria
“Kasalukuyan akong nag-aaral ng pangalawang wika sa paaralan, at kamakailan lang ay sinimulan kong basahin din ang Aklat ni Mormon sa wikang iyon. Kapag ginagawa ko ito, tinutulungan ako nitong pagnilayan nang mas malalim ang mga salita ng mga sinaunang propeta dahil kailangan kong magdahan-dahan at pag-isipan talaga ang binabasa ko para maunawaan ito. Sa gayo’y mas madaling makukumpirma ng Espiritu na ang binabasa ko ay totoo.”
Amelia C., 15, Arizona, USA
“Gustung-gusto ko ang pambungad sa Aklat ni Mormon na nagsasabing: ‘Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Ang mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo [sa] katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:3–5).’”
Obediah, 19, Nigeria
“Ang Aklat ni Mormon ay isang aklat na isinulat ng kamay ng Diyos at ng Kanyang mga alagad. Ang Espiritu Santo ay darating sa iyo at ipadarama sa iyo na ang binabasa mo ay totoo. Pansinin ang damdaming iyon matapos mong basahin o habang binabasa mo ang Aklat ni Mormon. Maaari mo ring ipagdasal ito!”
Colton N., 13, Utah, USA
“Kapag nagbabasa ka, huwag ka lang magbasa para makumpleto mo ang nasa listahan mo. Tiyaking ginagawa mo ito para sa iyong espirituwal na kapakanan. Tutulungan ka nitong mas marinig ang Espiritu. Maaari ka ring magdasal para malaman kung ito ay totoo.”
Jacob W., 15, Utah, USA
“Itinuro ni Elder David A. Bednar na kailangan nating ipamuhay ang mga katotohanang natutuhan natin mula sa mga banal na kasulatan. Magagawa natin ito para sa mga katotohanang itinuro sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagdarasal na magkaroon ng patotoo tungkol sa aklat. Kung maganda ang mga resulta, nagmumula iyon sa Diyos. Sinasang-ayunan palagi ng Espiritu ng Panginoon ang katotohanan.”
Joseph N., 17, Kolwezi, Democratic Republic of the Congo
“Maaari kong malaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo sa nadarama ko kapag binabasa ko ito. Tinutulungan ako nitong magsimula sa panalangin. Mayroon din akong scripture journal para itala ang mga iniisip at nadarama ko para maalala ko ang nabasa ko.”
Anna K., 11, North Dakota, USA
“Tuwing binabasa mo ang Aklat ni Mormon, magdasal sa Diyos na tulungan kang malaman kung ang binabasa mo ay totoo. Manalangin din na tulungan ka Niyang makaunawa. Kung gagawin mo ito nang buong puso at nang may pananampalataya, tatanggap ka ng impresyon na ang binabasa mo ay totoo, sa tulong ng Espiritu Santo.”
Onyinyechi O., age, location