“Limang Tanong ni William McLellin,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Limang Tanong ni William McLellin,” Konteksto ng mga Paghahayag
Limang Tanong ni William McLellin
Sa loob ng dalawang buwan matapos siyang binyagan noong ika-20 ng Agosto 1831, si William E. McLellin, isang dating guro sa paaralan, ay nagkaroon ng malalim na kaugnayan sa kuwento ng panunumbalik. Pagkatapos ng kanyang pagbabalik-loob, inorden si McLellin bilang elder at ipinangaral ang ebanghelyo kasama si Hyrum Smith sa loob ng ilang linggo bago naglakbay patungong Orange, Ohio, noong huling bahagi ng Oktubre para sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Nabanggit ni McLellin sa kanyang journal na sa kumperensyang ito niya “unang nakita ang kapatid na si Joseph ang Tagakita, gayon din ang mga kapatid na sina Oliver [Cowdery], John [Whitmer] & Sidney [Rigdon] at napakaraming iba pang Elder.” Sa pagpupulong, inordenan si McLellin bilang high priest at narinig si Joseph na nagtuturo tungkol sa mga kapangyarihan at tungkulin ng katungkulang iyon. “Ang kumperensyang ito ay dinaluhan ko nang may lubos na espirituwal na kasiyahan & kaaliwan sa aking puso,” ipinahayag niya.
Doktrina at mga Tipan 66
Pagkatapos ng kumperensya, naglakbay si McLellin patungong Kirtland at, sa kanyang paglalakbay, siya ay “natisod sa isang malaking troso at napilayan nang husto ang aking bukung-bukong”—kaya’t nakiusap siya kay Joseph na pagalingin siya. “Ipinatong niya ang kanyang mga kamay” sa bukung-bukong, isinulat ni McLellin sa kanyang journal, “at ito ay gumaling bagama’t ito ay namaga nang husto at napakasakit.” Makalipas lamang ang ilang araw, nagpasiya si McLellin na subukin ang tungkulin ni Joseph Smith. Matapos magpunta sa tahanan ni Joseph sa Hiram, Ohio, noong ika-29 ng Oktubre, si McLellin ay “lihim na nanalangin sa Panginoon, at ako’y lumuhod at humiling na ihayag ang mga sagot sa aking limang tanong sa pamamagitan ng kanyang Propeta.” Nang hindi ipinabatid kay Joseph kung ano ang limang tanong na ito, hiniling ni McLellin kay Joseph na ibigay sa kanya ang kalooban ng Diyos. Ang ibinigay na paghahayag—na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 66—ay sagot sa limang tanong ni McLellin para sa kanyang “ganap at lubos na kasiyahan.” Bagama’t kalaunan ay tumalikod siya sa Simbahan, sinabi ni McLellin na itinuturing pa rin niya ang paghahayag na ito bilang katibayan ng pagiging propeta ni Joseph, “na”, sabi niya, “hindi ko mapapabulaanan.”
Doktrina at mga Tipan 65
Isang araw lamang ang lumipas matapos ibigay ang paghahayag na ito, dumalo si McLellin sa isang pulong ng Simbahan sa tahanan ni John Johnson, kung saan nakatira si Joseph, at nagsalita sa mga dumalo roon nang isa’t kalahating oras. “At hindi ako iyon kundi ang espiritu at kapangyarihan ng Diyos na nasa akin,” paliwanag niya. At sa parehong pulong, si Joseph ay nakatanggap ng isa pang paghahayag, na ngayon ay kinilala at tinanggap bilang Doktrina at mga Tipan 65. Sinabi ng paghahayag na “ang mga susi ng kaharian ng Diyos” ay muling “ipinagkatiwala sa tao sa Mundo” at ang ebanghelyo ay “lalaganap hanggang sa mga dulo ng Mundo … hanggang sa mapuno nito ang buong Mundo.”
Doktrina at mga Tipan 68
Pagkaraan ng dalawang araw, noong ika-1 ng Nobyembre, dumalo si McLellin sa isang pagpupulong ng mga elder na nagtipon sa Hiram, Ohio. Bagama’t nakatanggap na siya ng paghahayag sa pamamagitan ni Joseph na nagpabatid ng kalooban ng Panginoon para sa kanya, sumama si McLellin sa tatlo pang lalaki sa kumperensya—sina Orson Hyde, Luke Johnson, at Lyman Johnson—sa pagsamo kay Joseph na ihayag “ang kaisipan & kalooban ng Panginoon” hinggil sa kanilang mga responsibilidad. Naalala kalaunan ni McLellin na noong siya ay inordenan bilang high priest, “hindi [niya] naunawaan ang mga tungkulin ng katungkulang iyon.” Marahil ang hindi pagkaunawang iyon ang isang dahilan ng kanyang kahilingan, dahil ang sumunod na paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 68—ay nagbigay kay McLellin at sa kanyang mga kasama ng impormasyon tungkol sa mga tungkulin ng mga high priest at mga elder na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo.
Doktrina at mga Tipan 1
Binigyan ng responsibilidad na iyon na mangaral, at binigyan ng paghahayag noong ika-30 ng Oktubre na nagsasaad na ang ebanghelyo ay “lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo,” kinakailangang mailathala ang mga paghahayag na natanggap na ni Joseph. Naalala ni McLellin kalaunan na “maraming oras ang iginugol” sa kumperensya sa pagtalakay kung ilalathala ba ang mga paghahayag na ito bago “napagpasiyahan sa wakas na ipalimbag ang mga ito.” Ayon sa naaalala ni McLellin, siya, si Oliver Cowdery, at maaaring kasama si Sidney Rigdon ay itinalaga na gumawa ng paunang salita para sa Book of Commandments. Subalit nang ipakita ng kalalakihan ang paunang salita sa kumperensya, ang mga kalahok dito ay “nakakita ng maraming kamalian” at “humiling kay Joseph na magtanong sa Panginoon tungkol dito.” Matapos yumuko upang manalangin sa kumperensya, ayon kay McLellin, “idinikta [ni Joseph] ang paunang salita sa pamamagitan ng Espiritu,” habang nakaupo sa tabi ng “isang bintana ng silid kung saan idinaraos ang kumperensya.” Naalala ni McLellin na “nagsasalita ng ilang pangungusap si Joseph at isinusulat naman ni Sydney [Rigdon] ang mga ito, pagkatapos ay binabasa niya ang mga ito nang malakas, at kung tama, si Joseph ay nagpapatuloy at nagsasabi pa ng marami.” Ayon kay McLellin, “sa pamamagitan ng prosesong ito, ang paunang salita”—na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 1—“ay naibigay.”
Doktrina at mga Tipan 67
Nais din ni Joseph Smith na ang mga naroon sa kumperensya ay magbigay ng kanilang patotoo sa banal na pinagmulan ng mga paghahayag. Ang ilan ay nag-atubili na gawin ito, kaya isa pang paghahayag ang idinikta, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 67. Sa paghahayag na ito, nagbigay ang Panginoon ng paraan upang matukoy ng mga elder kung ang paghahayag ay galing sa Diyos: “Kung mayroon sa inyo na makagagawa ng isang tulad” ng mga paghahayag na ito, wika nito, “sa gayon kayo ay may Katwiran sa pagsasabing hindi ninyo alam na ang mga yaon ay totoo,” subalit kung walang sinuman ang “makagagawa ng isang katulad nito, kayo ay nasa ilalim ng sumpa kung hindi kayo magpapatotoo na ang mga ito ay totoo.”
Ayon sa isang salaysay, nagboluntaryo si McLellin na subukang magsulat ng sarili niyang paghahayag ngunit siya ay nabigo nang husto. Pagkatapos niyon, inilagay ni McLellin, kasama ng iba pang mga dumalo sa kumperensya, ang kanyang pangalan sa isang patotoo, na inihanda ni Joseph, na nagsasabi na “ang diyos ay nagbigay ng patotoo sa ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinuhos sa atin na ang mga kautusang ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos & kapaki-pakinabang para sa lahat ng tao & tunay na totoo.”
Doktrina at mga Tipan 133
Pagkatapos ng kumperensya, nanatili si McLellin kay Joseph Smith nang dalawa pang linggo, kinokopya ang mga paghahayag at naghahanda para sa paparating na misyon kasama si Samuel H. Smith sa mga estado sa silangan. Maaaring naroon pa siya noong ika-3 ng Nobyembre nang matanggap ni Joseph ang magiging apendiks sa Book of Commandments, na makikita sa kasalukuyang Doktrina at mga Tipan bilang bahagi 133.
Tulad ng Doktrina at mga Tipan 1, nagbabala ito sa mga naninirahan sa mundo tungkol sa nalalapit na pagbabalik ni Cristo at sa pangangailangang magsisi at tanggapin ang tagubilin ng Diyos na nakasaad sa mga paghahayag na ibinigay Niya kay Joseph. Pinalakas ng salita ng Diyos, umalis si McLellin para sa kanyang misyon kasama si Samuel Smith noong ika-16 ng Nobyembre at ipinangaral niya ang ebanghelyo sa loob ng ilang linggo
Kalaunan ay tatawagin si McLellin bilang isa sa mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kasamaang palad, hindi siya nanatiling tapat sa kanyang patotoo; tumalikod siya sa Simbahan at sumali pa nga sa mga nang-uusig sa mga Banal sa Missouri. Subalit sa loob ng ilang maikling linggo noong taglagas ng 1831, siya ay saksi sa pagiging propeta ni Joseph Smith, nasaksihan ang ilang paghahayag, kabilang ang mga direktang ipinahayag sa kanya, at nakilahok sa desisyon na ilathala ang mga paghahayag bilang Book of Commandments. Ipinahayag ni McLellin, kasama ng iba pang mga kalahok sa isa pang kumperensya noong Nobyembre 1831, na ang mga paghahayag na ito ay “napakahalaga sa Simbahan tulad ng mga kayamanan ng buong Mundo” at naglalaman ang mga ito ng “mga Susi ng mga hiwaga ng Kaharian, & ang mga kayamanan ng Kawalang-hanggan sa simbahan.”