2015
Paghihintay nang May Pananampalataya
Agosto 2015


Paghihintay nang May Pananampalataya

Ang awtor ay naninirahan sa Ceará, Brazil.

Naghintay ako nang maraming taon pero hindi ako nawalan ng pag-asa na sasapi sa Simbahan ang mga magulang ko.

Larawan
Illustration depicting a young women whose arms are the hands of a clock.

Paglalarawan ni Joel Castillo

Ipinakilala ako sa Simbahan ng aking tiya at tiyo, na nakatira malapit sa bahay ko. Pitong taong gulang lang ako noon, at gustung-gusto kong magsimba para makasama ang ibang mga bata. Hindi miyembro ang mga magulang ko, pero hinayaan nila akong magsimba tuwing Linggo kasama ang tiya at tiyo ko. Sinabi ng mga magulang ko na mas mabuti pang sumama ako sa simbahang nagtuturo tungkol kay Jesucristo kaysa manatili sa lansangan at masangkot sa gulo.

Madalas pumunta ang mga missionary sa bahay namin para turuan kami. Gustung-gusto ng mga magulang ko ang mga talakayan, pero ayaw nilang tanggapin ang ebanghelyo. Hindi pa raw sila handa dahil ang pagpapabinyag ay isang mabigat na pangako. Patuloy na nagpunta ang mga missionary sa bahay namin, pero lagi silang umaalis na malungkot dahil sa mga sagot ng mga magulang ko. Gayunman, alam ko na balang araw ay mabibinyagan sila.

Noong walong taon na ako, handa na akong gumawa ng tipan sa binyag. Tinanong ako ng nanay ko kung iyon talaga ang gusto ko. Kapag nabinyagan na raw ako, hindi na ako puwedeng magbago ng isip at na babaguhin ng binyag na iyon ang buong buhay ko. Sinabi ko na ang mabinyagan ay isang bagay na pinangarap ko mula pa noong una akong sumali sa Primary.

Matapos akong mabinyagan at makumpirma, patuloy akong nagsimba, pero bihirang pumunta sa mga aktibidad ng Primary ang mga magulang ko. Masakit para sa akin na makita ang lahat ng iba pang bata na kasama ang mga magulang nila. Pero umasa ako na balang-araw ay mabibinyagan sila at mabubuklod kami sa templo, at magkakatotoo ang pinakamatayog kong pangarap.

Noong tinedyer ako, patuloy pa rin ang mga missionary sa pagtuturo sa mga magulang ko, pero ayaw pa rin nilang magpabinyag. Gayunman, paminsan-minsa’y nagpupunta sila sa simbahan, na nagbigay sa akin ng kaunting pag-asa. Pinangarap ko pa rin na sumapi sa Simbahan ang mga magulang ko, pero nasimulan ko nang isipin na hindi ito mangyayari kailanman sa buhay na ito.

Pagkatapos isang magandang araw ng Linggo noong 17 na ako, muling sumama sa aking magsimba ang nanay ko. Habang papauwi kami may sinabi siya sa akin na parang naririnig ko pa rin sa puso’t isipan ko. Sinabi niya na nagpasiya na siyang magpabinyag. Nagulat ako! Matapos maghintay nang napakatagal, inisip ko kung totoo nga ito. Noong Mayo 2010, nagpabinyag na ang nanay ko. Napakasaya ng araw na iyon.

Pagkatapos ng binyag tumingin ako sa tatay ko at sinabi ko, “Kayo na lang po ang hindi pa nabibinyagan.” Sumagot siya na matagal pa iyon dahil ayaw niyang magpabinyag. Muli akong nalungkot—natupad na ang isang bahagi ng pangarap ko, pero parang malayo pang mangyari ang iba. Bagama’t mahirap iyon, sigurado ako na may mangyayaring pagbabago. Laking tuwa ko dahil muling sinagot ang panalangin ko dalawang buwan pagkaraan nang magpabinyag ang tatay ko. Iyon ang pinakamasayang sandali sa buhay ko. Pakiramdam ko ay parang nag-aawitan ang kalangitan.

Matapos sumapi ang mga magulang ko sa Simbahan, natanto ko na natupad na ang isa pang bahagi ng pangarap ko pero kailangan naming mabuklod para sa kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon. Sinabi sa akin ng mga magulang ko na hindi sila handa, na wala silang sapat na pera para sa mahabang paglalakbay papuntang Recife Brazil Temple, at na walang magbabantay sa bahay namin habang wala kami. Nalungkot ako, pero patuloy kong ipinagdasal na makamit ang pagpapalang iyon, batid na sasagutin ng Panginoon ang aking mga dalangin.

Dumating ang panahon na nakaramdam ang nanay ko ng matinding pagnanais na pumunta sa templo, kahit lagi itong ipinagpapaliban ng tatay ko. Matapos makausap nang maraming beses ang bishop, nagpasiya ang mga magulang ko na parehong pumunta. Walang pagsidlan ang saya ko!

Noong Setyembre 2011, nagpunta kami ng nanay at tatay sa templo sa unang pagkakataon sa aming buhay. Nabuklod ako sa aking mga magulang kinabukasan, at talagang masasabi ko na, matapos maghintay nang 11 taon, iyon ang pinakamagandang araw sa buhay ko.

Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit para sa lahat ng ibinigay Niya sa akin, lalo na sa pagsagot sa aking mga dalangin at pagtupad sa pinakamatayog na pangarap ko: ang makita ang aking buong pamilya sa bahay ng Panginoon.

Paglalarawan ni Joel Castillo