2015
Isang Panalangin sa Family History Center
Agosto 2015


Isang Panalangin sa Family History Center

Susana Magdalena Gos de Morresi, Tierra del Fuego, Argentina

Matapos akong tawagin bilang family history consultant para sa branch namin sa Ushuaia, Argentina, nadama ko ang matinding pangangailangang hanapin ang aking mga ninuno. Mahirap ang gawain, at walang araw na nagdaan na hindi ko sinubukan ang isang bagong istratehiya para tuklasin kung sino sila at saan sila nagmula sa Italy.

Noong 2006 tinawag akong mangasiwa sa family history center. Gayunman, patuloy akong nalungkot sa kabiguan kong makahanap ng impormasyon tungkol sa aking pamilya. Lalo pa akong nadismaya nang magtagumpay ang asawa ko sa pagsasaliksik sa kanyang mga ninuno. Sa taong iyon, nakakuha si Ruben ng mahigit 5,000 pangalan ng kanyang mga ninunong nanirahan sa San Ginesio, Macerata, Italy.

Isang hapon sa family history center nang sunud-sunod na makita ni Ruben ang kanyang mga ninuno sa microfilm, masaya at paulit-ulit niyang ibinulalas, “Heto pa ang isa!” Pinanghinaan ng loob, at may luha sa mga mata, ipinahayag ko ang aking kalungkutan, at sinabi ko pa na hindi ko alam kung ano ang gagawin para makita ko ang aking mga kapamilya. Nang makita ang lungkot ko, iminungkahi niya na manalangin kami. Ginawa namin iyon, at nagsumamo kami sa Espiritu Santo na liwanagin ang aming isipan para mapabilis namin ang gawain alang-alang sa aking pamilya.

Habang nagdarasal, biglang naalala ni Ruben ang isang partikular na website na nagtatampok sa mga apelyidong Italyano. Pagkatapos naming magdasal, agad naming tiningnan ito. Sa loob ng ilang minuto nakakita kami ng apat na tao na ka-apelyido ko sa pagkadalaga, na Gos, sa telephone directory ng munting bayang Italyano ng Iutizzo, sa hilagang Italy.

Agad akong nagpadala ng mga liham sa bawat isa sa kanila. Sumulat ang isa, na sinasabi na kaapelyido ko ang asawa niya, pero hindi siya kabilang sa angkan. Gayunman, kilala niya ang isa sa mga yumaong kapatid na babae ng lolo ko, at nag-alok siyang tulungan ako na makontak ang isang kaanak, na buhay pa.

Ilang buwan pagkaraan, noong Disyembre 2006, nakatanggap kami ng tawag sa telepono mula sa malayong lugar.

“Ito ba si Susana Gos?” tanong ng tinig ng isang lalaki.

“Oo,” sagot ko.

“Ito ang pinsan mo mula sa Italy,” sabi niya.

Ang tumawag, si Giovanni Battista Tubaro, ay anak ng kapatid na babae ng lolo ko na si Maria!

Noong Marso 2008, binisita kami ni Giovanni at ng kanyang asawang si Miriam sa Argentina. Ipinaalam namin sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo at sa gawain sa family history, at ilang araw kaming nag-usap tungkol sa aming mga ninuno. Ngayon bawat isa sa kanilang mga pangalan anim na henerasyon mula sa amin ay nakatala na at may kasaysayan.

Ang family history ay nagtulot sa akin na mag-ambag sa isang mahalagang bahagi ng gawain ng Panginoon. Mas nailapit din ako nito sa aking mga ninuno—mga anak ng ating Ama sa Langit na hindi ko sana nakilala kailanman kung hindi dahil sa panalangin nang may pananampalataya sa family history center.