2015
Makakakuha Ba Ako ng Aklat ni Mormon?
Agosto 2015


Makakakuha Ba Ako ng Aklat ni Mormon?

Joni Hilton, California, USA

Larawan
Illustration depicting an open purse and its scattered contents.

Inalis ko ang laman ng bag ko, at naroon sa ilalim na kasama ng boarding pass ko, ang isang isyu ng Ensign.

Pagpasok ko sa airport para umuwi mula sa pagbisita sa dati kong mga kaibigan, nadismaya ako na hindi ko naibahagi ang ebanghelyo sa biyaheng ito. Lagi akong may dalang Aklat ni Mormon sa bag ko para maalala kong ipagdasal na makakita ako ng isang taong mapagbibigyan nito, pero madalas ay nananatili ito sa bag ko. Pumalya na naman ako sa biyaheng ito.

Bumuntung-hininga ako at tahimik na humingi ng paumanhin sa panalangin. Pakiramdam ko wala akong silbing member missionary.

Nang papasok na ako sa security line, nainspirasyunan akong kausapin ang babae sa unahan ko. Nag-usap kami tungkol sa aming mga destinasyon at pagkatapos ay naghiwalay na ng pila. Gayunman, nang papunta na ako sa gate na papasukan ko, nakita ko ulit ang babaeng iyon. “Hi ulit,” sabi niya. “Masaya akong makita ka!”

Tinanong ko siya kung anong oras ang lipad ng eroplano niya. “Naku, mamaya pa—maaga lang ako.”

“Halika, tabi tayo sa upuan!” sabi ko.

May 45 minuto pa ako bago sumakay ng eroplano, kaya naupo kami malapit sa gate na papasukan ko at nag-usap tungkol sa aming trabaho. Binanggit ko ang ilang isinusulat ko para sa mga Banal sa mga Huling Araw, at biglang umaliwalas ang mukha niya.

“Mormon ka?” tanong niya. “Matagal ko nang gustong makaalam pa tungkol sa mga Mormon. Paano ako makakakuha ng kopya ng Aklat ni Mormon?”

“Aba,” sabi ko, sabay bukas ng ng bag ko, “may isa ako rito.”

“Ay, talaga,” sabi niya. “Palagay ko talagang pinagkilala tayo ngayon.”

Napuspos ng pasasalamat ang puso ko. Nang itanong niya kung ano ang ipinagkaiba ng mga Banal sa mga Huling Araw sa ibang relihiyon, nadama kong ginabayan ako sa isasagot ko.

Sinabi ko sa kanya na ipapakontak ko siya sa mga missionary, at pagkatapos ay narinig ko na ang tawag na sumakay na kami sa eroplano. Binuksan ko ang bag ko para kunin ang boarding pass ko pero hindi ko ito makita. Inalis ko ang lahat ng laman ng bag ko. Naroon, sa ilalim na kasama ng boarding pass ko, ang isang isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign! Ibinigay ko ito sa kanya at nagpasalamat ako sa Panginoon na kinailangan kong hanapin ang boarding pass ko. Binanggit niya na karaniwan ay nagdadala siya ng babasahin pero napakiramdaman niya na hindi siya dapat magdala sa pagkakataong ito.

“Siguro para mabasa ko ito,” sabi niya. Hawak ang boarding pass ko, niyakap ko siya at nagpaalam na ako.

Ngayon nag-uusap na kami linggu-linggo, at ikinukuwento niya sa akin ang mga pag-uusap nila ng mga sister missionary. Isang taon na ngayon, at sana balang-araw ay makita ko siyang mabinyagan. Hindi ko alam kung mangyayari iyon, pero namamangha pa rin ako sa tulong ng Ama sa Langit na magkasalubong ang aming landas. Pinasasalamatan ko Siya sa pagdinig sa aking panalangin at pagkakaloob sa akin ng simpleng pagkakataong maibahagi ang Aklat ni Mormon.