2015
Ang Bisa ng Home Teaching
Agosto 2015


Paglilingkod sa Simbahan

Ang Bisa ng Home Teaching

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Paano namin maho-home teach ang isang pamilyang ni ayaw kaming pagbuksan ng pintuan?

Larawan
Two men are shaking hands in a driveway by a car. There is a yellow toy truck behind the back wheel of the car.

Inatasan akong mag-home teach na kasama si Brother Erickson, isang nakatatandang miyembro ng aking ward na isang masigasig na home teacher. Ako ang pinag-iskedyul niya, at ayos lang iyon sa akin.

May isa kaming pamilya, ang mga Wright (binago ang pangalan), na hindi aktibo sa simbahan. Nang tumawag ako sa bahay nila, sabi ni Brother Wright, “Huwag ka nang tatawag dito kahit kailan.”

Ikinuwento ko kay Brother Erickson ang nangyari. Nang sumunod na buwan, nang patawagin niya akong muli sa mga Wright, ipinaalala ko sa kanya na ayaw na kaming patawagin ni Brother Wright. Iginiit ni Brother Erickson na tumawag pa rin ako, kaya tumawag nga ako. Nang sagutin ni Brother Wright ang telepono, hiniling ko na huwag niya akong babaan ng telepono at sinabi ko na iginiit ng home teaching companion ko na tumawag ako. Itinanong ko kung puwede namin siyang i-home teach sa pagtawag lang buwan-buwan. Pumayag siya.

Mula noon, tinawagan ko na ang mga Wright buwan-buwan. Tuwing tatawag ako, sinasabi ni Brother Wright, “Nakatawag ka na.” Pagkatapos ay ibababa na niya ang telepono. Wala akong problema roon, at wala nang ibang hiniling si Brother Erickson.

Ngunit makalipas ang ilang buwan, iminungkahi ni Brother Erickson na mag-ayuno kami para sa mga Wright. Pumayag ako, kaya isang araw ng Linggo ay nagdasal kami at nag-ayuno upang makahanap ng paraan na makausap si Brother Wright. Kinaumagahan pagdaan ko sa bahay ng mga Wright papunta sa trabaho, palabas ng bahay si Brother Wright. Nakita ko ang isang laruang trak sa ilalim ng isa sa mga gulong sa likuran ng kanyang sasakyan, kaya tumigil ako at itinuro ko iyon. Pinasalamatan niya ako.

“Siyanga pala,” sabi ko, “ako po ang home teacher ninyo.”

Pinasalamatan niya akong muli at tumuloy na ako sa trabaho.

Tinawagan ko si Brother Erickson para ikuwento sa kanya ang nangyari. Inutusan niya akong tawagan si Brother Wright para mag-set up ng home teaching appointment para sa kasunod na gabi, na sinunod ko. Kapwa nalugod at nagpaunlak si Brother Wright. Naging maganda ang pakikipag-usap namin sa pamilya at nag-set up kami ng isa pang appointment. Nilisan ko ang bahay nila na may mas malakas na patotoo tungkol sa pag-aayuno at panalangin at sa kahalagahan ng pagiging home teacher.

Kalaunan noong linggong iyon nalaman namin na pinayagan ni Brother Wright ang mga full-time missionary na simulang turuan ang kanyang 15-taong-gulang na anak na babae. Ilang buwan nang ipinagdarasal nito na lumambot ang puso ng kanyang ama at hayaan siyang magpabinyag. Sa paglipas ng panahon nagsimulang magsimba ang pamilya, at kalaunan ay pumayag si Brother Wright na mabinyagan ang kanyang anak. Katunayan, siya ang nagbinyag dito.

Nagpapasalamat ako na nakaayon si Brother Erickson sa Espiritu. Ang kanyang mga ideya sa karanasang ito ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas malaking patotoo tungkol sa bisa at kayang gawin ng masigasig na home teaching.