2015
Punuin ang Mundo ng Mensahe ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng Social Media
Agosto 2015


Punuin ang Mundo sa pamamagitan ng Social Media

Mula sa mensaheng ibinigay noong Agosto 19, 2014, sa Campus Education Week sa Brigham Young University.

Larawan
Elder David A. Bednar

Ipalaganap sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan.

Larawan
Black boys looking at a tablet computer.

Nabubuhay tayo sa isang tunay na kakaibang dispensasyon.

Ang dispensasyon ng ebanghelyo ay isang panahon kung saan matatagpuan sa mundo ang kinakailangang awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at kaalaman sa doktrina upang maisagawa ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Kanyang mga anak. Mahalaga sa pagtatatag ng isang dispensasyon ang isang awtorisadong lingkod ng Diyos, isang pinuno ng dispensasyon, na nagtataglay at gumagamit ng awtoridad at mga susi ng banal na priesthood. Ang mga dispensasyon ng ebanghelyo ay itinatag sa pamamagitan ni Adan, Enoc, Noe, Abraham, Moises, Jesucristo, Joseph Smith, at iba pa. Sa bawat dispensasyon ang katotohanan ng ebanghelyo ay muling inihahayag—o ibinibigay—nang sa gayon ang mga tao sa panahong iyan ay hindi lubos na umasa sa nakaraang mga dispensasyon para sa kaalaman tungkol sa plano ng Ama sa Langit.

Nagkaroon ng apostasiya mula sa katotohanan sa bawat nagdaang dispensasyon. Gayunman, ang gawain ng kaligtasan na nagsimula pero hindi natapos sa mga naunang panahon ay nagpapatuloy hanggang sa huling dispensasyon. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na dahil dito, ang pagsulong ng kaluwalhatian sa huling araw, maging ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, “ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon.”1

Sa pinakadakila at huling dispensasyong ito ng ebanghelyo,“isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay dapat mangyari, at ipahahayag mula sa mga araw ni Adan maging sa kasalukuyang panahon. At hindi lamang ito, kundi pati na yaong mga bagay na hindi pa ipinahahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, subalit maingat na itinago mula sa matatalino at marurunong, ipahahayag … dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (D at T 128:18).

Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon at Teknolohiya

Mapalad tayong mabuhay, matuto, at maglingkod sa lubos na kagila-gilalas na dispensasyong ito. Ang isang mahalagang aspeto ng kaganapan na makukuha natin sa espesyal na panahong ito ay ang mahimalang pag-unlad ng mga inobasyon at imbensyon na nagbigay kakayahan at nagpabilis sa gawain ng kaligtasan: mula sa tren, telegraph, radyo, kotse, eroplano, telepono, transistor, telebisyon, computer, satellite transmission at internet—at sa halos walang katapusang listahan ng teknolohiya at kasangkapan na magpapala sa ating buhay. Lahat ng pag-unlad na ito ay bahagi ng pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain sa mga huling araw.

Noong 1862 sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Lahat ng pagtuklas sa siyensiya at sining, na tunay at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay ibinigay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Diyos, bagamat iilan lamang ang kumikilala dito. Ito ay ibinigay na ang layon ay ihanda ang daan para sa ganap na tagumpay ng katotohanan, at ang pagtubos ng mundo mula sa kapangyarihan ng kasamaan at ni Satanas.”2

Mangyaring isipin ngayon ang mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), na binanggit noong 1974, nang ilarawan niya ang mangyayari sa gawaing misyonero sa hinaharap:

“Naniniwala ako na masayang maglalaan ang Panginoon sa atin ng teknolohiya na halos hindi maiisip natin na mga pangkaraniwang tao. …

“Sa pagbibigay ng Panginoon ng mga himalang ito ng pakikipag-ugnayan, at sa dagdag na pagsisikap at katapatan ng ating mga missionary at nating lahat, at ng lahat ng iba pa na ‘isinugo,’ tiyak na maisasakatuparan ang banal na kautusang na ito: ‘Sapagkat, katotohanan, ang tunog ay kinakailangang humayo mula sa lugar na ito hanggang sa buong daigdig, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo—ang ebanghelyo ay dapat na maipangaral sa bawat kinapal’ (D at T 58:64).”3

At noong 1981 itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Tiwala tayo na habang lumalaganap ang gawain ng Panginoon, bibigyang-inspirasyon niya ang mga tao na magkaroon ng mga paraan kung saan ang mga miyembro ng Simbahan, saanman sila naroon, ay mapapayuhan sa magiliw at personal na paraan ng kanyang hinirang na propeta.”4

Ang mga mensahe at larawang dating naipapadala at natatanggap sa loob ng ilang araw, linggo, at buwan ay maipaparating na sa buong mundo nang ilang segundo lamang. Salamat, O Diyos, sa aming mga propeta na nagturo at naghanda sa atin para sa panahong ito na nabubuhay tayo—at na naghikayat sa atin na gamitin ang teknolohiya para suportahan ang patuloy na misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.5

Pinabibilisan ng Panginoon ang Kanyang gawain, at hindi nagkataon lamang na ang kapaki-pakinabang na mga inobasyon at imbensyong ito sa komunikasyon ay nangyari sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang mga social media channel ay kasangkapang magagamit ng buong mundo na personal at positibong makakaapekto sa maraming tao at pamilya. At naniniwala ako na dumating na ang panahon para sa atin bilang mga disipulo ni Cristo na gamitin ang mga inspiradong kasangkapang ito nang tama at mas epektibo upang patotohanan ang tungkol sa Diyos Amang Walang Hanggan, ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, at Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang Tagapagligtas ng mundo; upang maipahayag ang katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw; at magawa ang gawain ng Panginoon.

May ilang mahahalagang tuntunin na dapat sundin kapag ginagamit natin ang social media para ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo:

1. Maging Totoo at Tapat

Larawan
Filipino young woman using a cell phone.

Una, tayo ay mga disipulo at dapat ay totoo ang ating mga mensahe. Ang isang tao o produkto na hindi totoo ay mali, huwad, at madaya. Ang mga mensahe natin dapat ay totoo, tapat, at tumpak. Hindi tayo dapat magmalabis, magpasobra, o magkunwaring ibang tao o isang bagay na hindi naman totoong tayo. Ang ating mensahe dapat ay mapagkakatiwalaan at makabuluhan. At ang hindi pagpapakilala sa Internet ay hindi nagbibigay sa inyo ng karapatan na magkunwari.

Ang pagiging totoo ay napag-iibayo ng pagiging tapat. Ang mga mensahe ng ebanghelyo na ibinabahagi ninyo ay mas madaling tanggapin kung ang inyong halimbawa na katulad ng kay Cristo ay nakikita sa inilalagay ninyo sa inyong social media post.

Si Sister Bonnie L. Oscarson ay matinding halimbawa ng pagiging totoo sa social media. Nang tawaging maglingkod bilang Young Women general president noong Abril 2013, dumoble sa loob ng isang araw ang kanyang mga tagasunod sa kanyang Pinterest account. Ang huling pins ni Sister Oscarson sa Pinterest ay naglaan ng maraming katibayan ng kanyang integridad, na humimok sa isang blogger na magtanong sa lahat ng, “Ang inyo bang Pinterest page ay pasado sa test ni Bonnie Oscarson? … Ano ang iisipin ng tao sa inyo kung ang alam lang nila tungkol sa inyo ay ang nakikita lang nila sa inyong social media page?”6

2. Nagpapasigla at Naghihikayat

Pangalawa, tayo at ang mga mensahe natin ay dapat magpasigla at maghikayat sa halip na nakikipagtalo, nakikipagdebate, nanghuhusga, o nanghahamak.

Ibahagi ang ebanghelyo nang may tunay na pagmamahal at malasakit sa iba. Maging matapang at malakas ang loob, ngunit hindi mayabang sa pagtataguyod at pagtatanggol sa ating mga paniniwala, at iwasang makipagtalo. Bilang mga disipulo, ang dapat na layunin natin ay gamitin ang mga social media channel bilang kasangkapan sa pagpapakita ng liwanag at katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo na lalo pang napupuno ng kadiliman at pagkalito.

3. Igalang ang Intellectual Property

Pangatlo, tayo at ang mga mensahe natin ay dapat na gumagalang sa pag-aari ng ibang tao at organisasyon. Ibig sabihin nito hindi kayo dapat lumikha ng sarili ninyong content gamit ang sining, pangalan, retrato, musika, video, o iba pang content ng ibang tao nang walang pahintulot. Ang content sa Media Library sa LDS.org, maliban kung iba ang nakasaad, ay inaprubahang gamitin ng mga miyembro nang hindi na kailangan pang humingi ng pahintulot mula sa Simbahan. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa paggamit ng media ng Simbahan ay matatagpuan sa social.lds.org.

Kapag nagbabahagi kayo ng mga mensahe online, tiyakin na nauunawaan ng iba na kayo ay nagpapahayag ng personal ninyong ideya at damdamin. Mangyaring huwag gamitin ang logo ng Simbahan o ipahiwatig sa anumang paraan na kayo ay nagsasalita bilang opisyal na kinatawan ng Simbahan.

4. Maging Matalino at Maingat

Pang-apat, maging matalino at maingat sa pagprotekta sa inyong sarili at sa mga taong mahal ninyo. Dapat nating tandaan na anuman ang ilagay ninyo sa Internet ay hindi lubusang naaalis. Katunayan, anumang ipinahayag ninyo sa pamamagitan ng social media channel ay mananatili roon magpakailanman—kahit nangako pa ang app o program na aalisin ito. Magsabi lamang kayo o mag-post kung gusto ninyong ma-access sa buong mundo ang inyong mensahe o larawan sa lahat ng panahon.

Ang pagsunod sa mga simpleng tuntuning ito ay magtutulot sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo na makalikha at maibahagi ang mga mensahe ng ebanghelyo na magiging dahilan upang ang liwanag ay “magningning mula sa kadiliman” (Mormon 8:16).

Paanyaya ng Isang Apostol

Ang nagawa na sa dispensasyong ito sa pagbabahagi ng mga mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng social media ay isang magandang simula—ngunit isang maliit na patak pa lamang. Ngayon inaanyayahan ko kayo na tumulong na gawing malaking baha ang isang patak. Simula sa araw na ito, pinapayuhan ko kayo na ipalaganap sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng tunay, nagpapasigla, at maipagkakapuri—at literal na paabutin sa buong mundo gaya ng isang baha (tingnan sa Moises 7:59–62).

Dalangin ko na hindi lamang tayo makikibahagi sa isang biglaang pagtaas ng pagbaha at pagkatapos ay mabilis din ang paghupa. Hindi ko iminumungkahi ang minsanang pagsisikap kung saan agad tayo lumilipat sa susunod na nating gawain sa ebanghelyo. Hindi natin kailangang maging eksperto o panatiko sa paggamit ng social media. At hindi natin kailangang mag-ukol ng napakaraming oras sa paggawa at pagpapalaganap ng detalyadong mga mensahe.

Isipin ang magiging impluwensya natin kapag libu-libo at milyun-milyong miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ang mag-aambag sa tila maliliit na paraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nawa ang ating maraming maliliit at indibiduwal na pagsisikap ay magbunga ng patuloy na pagbuhos ng kabutihan at katotohanan na unti-unting magiging napakaraming batis at ilog—at sa huli ay nagiging isang malaking baha na lalaganap at aabot sa buong mundo. “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).

Tayo ay pinagpala at pinagpapala sa napakaraming paraan; at siya na binigyan ng marami ay marami ang hihingin. Dalangin ko na mas lubos ninyong maunawaan ang espirituwal na kahalagahan at pagpapala ng pamumuhay sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, na malinaw ninyong makita kapwa ang mga posibilidad at mga patibong ng kahanga-hangang mga teknolohiya na magagamit natin sa panahong ito, na maragdagan ang inyong kakayahan na gamitin ang mga kasangkapang ito nang angkop, at na makatanggap kayo ng inspirasyon at patnubay tungkol sa tungkuling dapat ninyong gampanan sa pagtulong na mapuno ang mundo gaya ng isang baha ng katotohanan at kabutihan. Kapag sumusulong kayo sa banal na gawaing ito, ipinapangako ko na pagpapalain kayo sa buhay na ito sa indibiduwal, partikular, at mahalagang paraan na maghahanda sa inyo sa kawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 215.

  2. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 18–19.

  3. Spencer W. Kimball, “When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 10–11.

  4. Gordon B. Hinckley, “Faith: The Essence of True Religion,” Ensign, Nob. 1981, 5.

  5. Tingnan sa “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.

  6. “Would Your Pinterest Page Pass the Bonnie Oscarson Test?” latterdaysaintwoman.com.

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, at hindi nagkataon lamang na ang kapaki-pakinabang na imbensyong ito sa komunikasyon ay nangyari sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

Pinapayuhan ko kayo na palaganapin sa mundo ang mga mensahe na puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng totoo, nagpapasigla, at maipagkakapuri.