2015
Ang Sabbath ay Kaluguran
Agosto 2015


Ang Sabbath ay Kaluguran

Limang paraan para maging mas makahulugan ang inyong mga Linggo.

Sa mga hamong nangyayari sa paligid, lalong nagiging mahalagang igalang ang araw ng Sabbath dahil tinutulungan tayo nito na manatiling espirituwal na matatag. Ibinahagi ng mga kabataan mula sa Eastern Europe kung paano sila napapalakas ng Sabbath—at kung paano rin kayo mapapalakas nito.

Maging Mas Malapit sa Panginoon

Ang Sabbath ay isang araw na lubos kong mailalaan ang sarili ko sa Panginoon. Sinisikap kong huwag magsayang ng oras at sa halip ay ginagamit ito para magpakabuti at mapalapit sa Ama sa Langit. Tuwing Linggo talagang masaya akong makapaglingkod sa mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pag-upo na malapit sa kanila upang ipakita na hindi sila nakaligtaan. Ang paglilingkod sa iba ay nagpapasaya sa akin.

Para sa akin, ang araw ng Sabbath ay araw para mag-aral, magsaya, at magalak habang natututo akong maglingkod sa Panginoon. Pinananatili kong banal ang araw ng Sabbath hangga‘t kaya ko. Ang pagtitiwala sa Ama sa Langit sa lahat ng bagay ay magpapagalak at magpapaligaya sa atin sa lupa at sa langit sa piling Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Arvis B., edad 18, Latvia

Tumanggap ng Sakramento

Araw-araw kong inaasam na makapagsimba at makatanggap ng sakramento. Halos hindi na ako makapaghintay na isuot ang aking damit-pangsimba, ihanda ang aking sarili, magsimba, at muling magpanibago ng mga tipan sa Diyos.

Kung minsan pagbangon ko sa umaga, parang matamlay ako. Pero kapag nagsimba na ako at tumanggap ng sakramento, dumalo sa mga miting, at nag-aral ng mga banal na kasulatan, nadarama ko ang Espiritu Santo, at sumisigla ang pakiramdam ko. Mahalagang makatanggap ng sakramento linggu-linggo, dahil ipinakita sa atin ng Tagapagligtas mismo kung ano ang kailangan nating gawin.

Diana D., edad 14, Latvia

Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan Kasama ang Iba

Ang pagdalo sa mga miting tuwing Linggo at pagtanggap ng sakramento ay pinupuspos tayo ng Espiritu sa buong linggo. Mas nakakakuha tayo ng impormasyon mula sa mga banal na kasulatan, at ang mga karanasan ng ating mga guro ay tumutulong sa atin na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan. Kapag sama-sama nating pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, nakakakuha tayo ng mga bagong kaalaman mula rito at natututo tayo sa isa’t isa.

Antonina B., edad 18, Central Federal District, Russia

Pumili ng mga Aktibidad para Mapanatili ang Espiritu

Ang pakiusap ni Jesus na samahan Siya at makipagpuyat sa Kanya (tingnan sa Mateo 26:38) ay nakaantig sa puso ko at nagpaunawa sa akin na ang araw ng Sabbath ay araw na maaari tayong makatanggap ng sakramento bilang tanda ng pag-alaala sa paglilingkod Niya sa atin.

Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong ninanais na makilala pa Siya. Dahil dito mas natutulungan akong piliin ang mga tamang bagay sa araw na walang mga alalahanin ng mundo: ang araw ng Linggo. Kabilang sa mga ito ang pagbabasa at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa aking pamilya, panonood ng nagbibigay-inspirasyong pelikula, pagbabahagi ng espirituwal na kaalaman sa mga kaibigan, at pagdarasal sa tuwina. Habang lalo kong ibinabaling ang puso ko kay Jesus, lalo ko Siyang nakikilala at lalo akong napapalapit sa Kanya. Wala akong maisip na anumang pagpapala na mas maganda pa kaysa rito.

Sister Aleksandrovna C., edad 25, Russia Novosibirsk Mission

Mainspirasyunan ng Espiritu

Para sa akin ang araw ng Sabbath ay pagkakataon para pag-aralan ang ebanghelyo ni Jesucristo nang mas matindi. Walang duda, ang isang tao na dumarating nang handa sa simbahan at nais tumanggap ng sakramento at sinisikap na matuto ay tatanggap ng mga pagpapala at maiinspirasyunan ng Espiritu, hindi lamang sa araw ng Linggo kundi sa sumunod na buong linggo.

Maraming pagkakataon sa labas ng simbahan na mapapanatili nating banal ang araw ng Sabbath: pag-uukol ng oras sa pamilya, pagtulong sa mga missionary, paglilingkod sa ward, at pagbabasa ng mga materyal ng Simbahan. Ang araw ng Sabbath ay panahon para maunawaan ang mga batas ng Diyos. Kapag naunawaan natin ito at nagpasalamat tayo sa Diyos sa pagkakataong ito, hindi tayo mahihirapang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

Elder Vladimir Aleksandrovich Z., edad 18, Russia Novosibirsk Mission

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson