2015
Mga Tanong at mga Sagot
Agosto 2015


Mga Tanong at mga Sagot

Mga Tanong at mga Sagot

“Ikinasal sa templo ang mga magulang ko, pero ngayo’y nagdiborsyo na sila. Galit ako dahil sinira nila ang pamilya namin. Paano ko sila mapapatawad?”

Larawan
A young teen girl stands by as her parents are fighting.

Malungkot at mahirap ang diborsyo para sa lahat ng miyembro ng pamilya. Normal lang na magalit, mabigo, at masaktan. Gayunman, kapag mga negatibong damdamin ang pinairal mo hindi ka mapapayapa at mapapagaling. Manalangin sa Ama sa Langit na tulungan kang alisin ang mga mapanirang damdamin at maunawaan ang mga magulang mo. Unawain na sila rin ay nasasaktan.

Alalahanin na si Jesucristo—na nagdusa para sa lahat ng ating kalungkutan at kasalanan—ay handang patawarin ang bawat isa sa atin. Dapat din nating patawarin ang iba. (Tingnan sa talinghaga tungkol sa mga may utang sa Mateo 18:23–35.) Pasasalamatan ka ng mga magulang mo kapag pinatawad mo sila. Kapag inalis mo at ng iyong mga kapamilya ang galit at paninisi, mapapalakas ang buong pamilya mo at mas madali nang matanggap ang sitwasyon. Yaong mga nagpapatawad ay “aangat … sa mas mataas na antas ng paggalang sa sarili at kagalingan” (James E. Faust, “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2007, 68).

Sa panahong ito ng pagsubok, mahalagang patuloy na patatagin ang relasyon mo sa iyong pamilya, lalo na sa iyong mga magulang. Sa mga darating na panahon, masasandigan at mapapahalagahan mo ang mga relasyong iyon. Huwag hayaang hadlangan ng galit ang pagtibay ng mahahalagang relasyong ito.

Manalig sa plano ng Ama sa Langit para sa iyo at sa inyong pamilya. Maniwala na “lahat ng bagay … [ay] para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7). Maniwala na patuloy Niyang gagabayan at pagpapalain ang iyong buhay. Maniwala na maaari kang magkaroon ng masayang buhay-may-asawa balang araw at na ang Diyos ay maglalaan sa iyong pamilya sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan.

Ang pagpapatawad ay isang proseso at kailangan ng panahon. Matiyagang pagsikapang mahalin, patawarin, at unawain ang mga magulang mo. Asamin ang kapayapaan at kaligayahang dulot ng pagpapatawad.

Ipagdasal na Makaunawa

Nang magdiborsyo ang mga magulang ko, nahirapan kaming magkakapatid. Ilang taon ang lumipas bago ko napatawad ang tatay ko. Kinailangan kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan at manalangin nang buong puso. Kumausap pa ako ng tagapayo. Pagkatapos ay ipinagdasal ko na maunawaan ang tatay ko. Naliwanagan ako, at naunawaan ko siya, at natulungan ako nitong mapagaling. Nagawa kong magpatawad, at nakalaya ako sa galit na umalipin sa akin nang mahabang panahon. Alam ko na ang Pagbabayad-sala ay totoo. Mahal tayo ng Panginoon at hinding-hindi tayo iiwang nagdadalamhati.

Hindi ibinigay ang pangalan

Magtiwala sa Ama sa Langit at Magpatawad

Naranasan ko ang sitwasyong ito, at alam kong mahirap. Mahalagang maunawaan na bagama’t hindi na mahal ng mga magulang mo ang isa’t isa, mahal ka pa rin nila dahil anak ka nila. Gayundin, magtiwala sa Ama sa Langit. Iniutos niya sa atin na patawarin ang lahat. Kilala ka Niya at may plano Siya para sa iyo. Kung patuloy tayong mamumuhay nang marapat, alam ko na maaari nating matanggap ang pangako na magiging walang-hanggan ang pamilya natin, hindi man gaanong matatag ang ating pamilya rito sa lupa.

Alisha M., edad 17, Texas, USA

Ipakita ang Pagmamahal Mo

Isipin kung gaano mo kamahal ang mga magulang mo. Alalahanin ang lahat ng masasayang sandaling kasama mo sila bago nangyari ito. Kuwentuhan sila tungkol sa mga sandaling ito at magplano na makasama ang nanay at tatay mo sa magkabukod na aktibidad. Makipaglaro ka sa kanila at ipakita mo sa kanila ang pagmamahal mo.

Sierra J., edad 15, Idaho, USA

Sikaping Umunawa

Sikaping ilagay ang sarili mo sa sitwasyon nila. Hindi magiging madali na patawarin sila kung hindi mo uunawain ang kanilang sitwasyon. Magtiwala na may plano ang Diyos para sa iyo at sa inyong pamilya at na may mga pagsubok tayo sa buhay na ito para tayo matuto at umunlad. Kung minsan hindi natin makokontrol ang ating sitwasyon, pero makokontrol natin ang ating pag-uugali. Bagama’t maaaring mahirap, sikaping laging hanapin ang mabuti sa mga magulang mo at isipin kung paano ka makakatulong.

Elder Caten, edad 20, Argentina Córdoba Mission

Magpatulong sa Iba

Nalagpasan ko ang diborsyo ng mga magulang ko at napatawad ko sila sa tulong ng mga taong nakapaligid sa akin. Tinulungan ako aking mga kaibigan, lider, kapatid, at kapamilya sa lahat ng bagay. Nakapagpatuloy ako sa buhay sa tulong ng lahat.

Geena C., edad 18, New Mexico, USA

Kalimutan ang Hinanakit

Ang paghihinanakit ay nakakasama at salungat sa mga turo ng Simbahan. Manalangin sa Ama sa Langit, mag-ayuno, at basahin ang mga banal na kasulatan para makahanap ng sagot. Kung patuloy kang maghihinanakit, hinahayaan mong impluwensyahan at sirain ni Satanas ang pamilya mo dahil alam niya kung gaano kahalaga ang pamilya sa plano ng ating Ama sa Langit.

Carol M., edad 14, Honduras

Hangaring Sumaiyo ang Espiritu Santo

Una, walang sinuman sa atin ang perpekto, maliban sa ating Panginoong Jesucristo. Sisikapin kong tingnan ang sitwasyon ayon sa pananaw ng mga magulang mo. Pumili ng isang magandang pagkakataon na makausap sila. Huwag pulaan ang mga magulang mo dahil sa ginawa nila. Pangalawa, maraming tao na naghihinanakit kapag may ganitong mga pagsubok, kaya sikaping sumaiyo ang Banal na Espiritu. Mag-aral ng mga banal na kasulatan at magdasal araw-araw.

Ashley P., edad 15, Utah, USA