2015
Saklolo! May Nakikipagdiborsyo
Agosto 2015


Saklolo! May Nakikipagdiborsyo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Larawan
Product Shot from August 2015 Liahona

Kapag nagdiborsyo ang mga magulang, kadalasa’y mga anak ang natatakot, nag-aalala, nababagabag, nagagalit, nalilito, nagiginhawahan, o nalulungkot—kung minsa’y sabay-sabay nila itong nararamdaman. Kung nangyari na ito sa inyo o sa isa sa mga kaibigan ninyo, narito ang ilang ideya na maaaring makatulong.

Pakiramdam ko nag-iisa ako. Parang lahat ng tao ay perpekto ang pamilya maliban sa akin.

Walang perpektong pamilya, kahit mukhang perpekto ito.

Tandaan na ang iyong mga magulang, bishop, guro sa Primary, kapitbahay, at kaibigan sa ward ay mahal ka.

Kung minsan maaaring may masabi ang mga tao na nakakasama ng loob mo nang hindi sinasadya. Kapag nangyari iyan, huwag matakot na sabihin sa kanila kung ano ang nadarama mo at tulungan silang makahanap ng mas magandang paraan na makausap ka tungkol sa diborsyo.

Galit ako sa nanay at tatay ko.

Madaling magalit kapag wala kang magawa tungkol sa isang sitwasyon. Maaari mo pa ngang gustuhing ibunton sa iba ang galit mo. Kahit mahirap, patuloy na sikaping magpakita ng pagmamahal sa pamilya mo. Humingi ng tulong sa panalangin na maging katulad ng pagtingin ni Jesus ang pagtingin mo sa mga magulang mo. Mahal Niya sila, at ang buong pamilya ninyo.

Kung hindi mo mapigilang magalit, kausapin ang nanay o tatay mo o sinumang pinagtitiwalaan mo. Matutulungan ka nilang makahanap ng mabuting paraan para gumaan ang pakiramdam mo, tulad ng pag-eehersisyo o paglikha ng sining.

Makakasama ko ba sa langit ang mga magulang ko?

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesus, magiging maayos ang lahat pagkamatay natin. Hindi mo kailangang mag-alala. Anuman ang mangyari, lagi kang magiging bahagi ng iyong mga magulang sa langit. Kung sisikapin mong piliin ang tama, mapapasaiyo ang lahat ng pagpapalang ipinlano ng Ama sa Langit para sa iyo.

Kasalanan ko ba na nagdiborsyo ang mga magulang ko?

Maaari mong isipin na sana ay natulungan mo ang mga magulang mo na hindi maghiwalay. Pero ang totoo hindi mo kasalanan iyon. Sila ang nagdesisyong magdiborsyo. Hindi responsable sa diborsyo ang mga anak sa pamilya.

Natatakot ako sa susunod na mangyayari.

Kapag may nangyaring malalaking pagbabago, natural lang na mag-alala tungkol sa hinaharap. Kausapin mo ang nanay at tatay mo. Gusto nilang malaman kung galit ka, at matutulungan ka nila sa anumang mga problema at tanong mo. Tiyaking ipagdasal na mapanatag ka.

Talagang nalulungkot ako palagi.

OK lang na malungkot. Ang maging malungkot dahil sa isang malaking pagbabago ay mahalagang hakbang para gumaan ang pakiramdam mo kalaunan. Kahit nalulungkot ka kung minsan, gawin mo pa rin ang mga bagay na gustung-gusto mong gawin. Maglalabas ka. Magbasa ng magandang aklat. Makinig sa masayang musika. Magsikap sa pag-aaral. Magsaya kasama ang mga kaibigan. Manalangin sa Ama sa Langit.

Kung talagang magtagal ang lungkot mo at hindi ka makatulog, makakain, makatuon sa pag-aaral, o makagawa ng mga bagay na dati mong gustong gawin, kausapin ang isang nakatatanda na pinagtitiwalaan mo para matulungan ka niyang gumaan ulit ang pakiramdam mo.

Magiging maayos ang mga bagay-bagay

Anuman ang pakiramdam mo ngayon, gagaan ang pakiramdam mo kalaunan. Samantala, patuloy na ipagdasal sa Ama sa Langit na mapanatag ka. Alalahanin na ang Ama sa Langit at si Jesus ay laging nakamasid sa iyo at hinding-hindi ka iiwang mag-isa. Mahal ka Nila at ang iyong mga magulang at tutulungan kayong lahat. Bibigyan Nila kayo ng lakas para mapayapa at sumaya.

Paglalarawan ni Katie Payne