Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko mapaglalabanan ang tukso kapag patuloy akong nagkakamali?”
“Maaari mong kausapin ang Ama sa Langit tungkol sa lahat ng bagay sa panalangin. Kung taos-puso kang nagsisisi at nais na maging mas mahusay, tutulungan ka Niya, pero kailangan mo ring magsikap. Alisin ang mga bagay na nakakatukso sa iyo, at humingi ng payo sa iyong mga magulang, bishop, at mga lider ng kabataan.”
Cadence W., 15, Utah, USA
“Upang malabanan ang tukso kapag dumarating ito, humihinga ako nang malalim nang tatlong beses para huminto at muling magpokus. Hindi ito tungkol sa pagiging perpekto sa lahat ng bagay kundi tungkol sa pagbangon at paggawa ng ating makakaya.”
Lincoln S., 17, Nevada, USA
“Lahat tayo ay hindi perpekto at nagkakamali, pero ang pinakamalaking pagkakamali ay ang sumuko, dahil maaari itong umakay sa atin na gawin ang mga bagay na magkakaroon ng mga bunga sa walang-hanggan. Huwag tumigil sa pagsisimba, patuloy na basahin ang mga banal na kasulatan, manalangin, at magsisi.”
Rebeca D., 15, Mexico City, Mexico
“Minsan nararamdaman natin na hindi na tayo kailanman magbabago. Pero ang mabuting balita ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay na mayroong pag-asa! Manalangin na gumawa ng mas mabuti, taimtim na hanapin ang Kanyang patnubay, magsisi, at patawarin ang iyong sarili habang sinisikap mong maging katulad Niya. Patuloy na hanapin ang Kanyang pag-ibig. Siya ang pupuno sa mga kakulangan mo.”
Katie C., 14, Utah, USA
“Suriin ang sitwasyon at alamin kung sino o ano ang nag-uudyok sa iyo na lumabag, at pagkatapos ay lumayo sa mga impluwensyang iyon na nakakapinsala sa iyo. Manatiling nananalangin, hanapin ang Banal na Espiritu upang magkaroon ng pang-unawa sa lahat ng sitwasyon, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at isagawa ang mga gampaning napapailalim sa iyong tungkulin.”
Konan J., 26, Abidjan, Ivory Coast