Para sa Lakas ng mga Kabataan
Dalhin Kung Ano ang Mayroon Ka
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Dalhin Kung Ano ang Mayroon Ka

Anumang maibibigay ninyo—malaki man o maliit—ay magagawa ng Tagapagligtas na mabisang pagpapahayag ng pagmamahal.

Si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol na pinapakain ang maraming tao

Minsan, sa misyon ko, nagluto kami ng kompanyon ko ng napakagandang coconut cake. Gusto naming ipakita ang aming pagmamahal at pasasalamat sa mga miyembro ng aming ward, kaya nang makita namin ang isang cake mix sa grocery store, alam na namin ang gagawin.

Gumugol kami ng ilang oras sa paghahatid ng mga hiwa ng cake, at itinabi namin ang huli para sa dalawang bagong returned missionary. Dumaan kami sa aming apartment para kunin ang huling lalagyan ng cake, pagkatapos ay nagmadali kaming pumunta sa bahay ng aming mga kaibigan kahit bumubuhos ang ulan.

Madilim ang kanilang balkonahe, kaya hindi ko makita nang maayos ang kanilang mga ekspresyon, pero naiisip ko ang kanilang mga ngiti ng pasasalamat nang tikman nila ang aming magandang cake. Hindi ko inakala na ang isa sa kanila ay titigil sa pagnguya sa kalagitnaan ng kagat at may pagkalito na magsasabing, “Sister … bigas ito ah.”

At doon ko natanto. Maling lalagyan ang nakuha ko—at dinala ko sa kanila ang aming mga tira sa tanghalian!

Hiyang-hiya ako. Paano kaming nagkamali sa aming paglilingkod?

Maliliit na Handog …

Naranasan mo na bang mag-alala na “mabigo” sa paglilingkod? Kung minsan, pinanghihinaan tayo ng loob kapag iniisip natin na kailangang isa lang ang dapat asahan sa paglilingkod. Maaari mong madama na wala sa iyo ang tamang kagamitan o kakayahan para matulungan ang isang tao o hindi ka sigurado kung ano talaga ang kailangan ng isang tao. Kung naramdaman mo na ang ganoon, hindi ka nag-iisa.

Pero naaalala mo pa ba noong pinakain ni Jesus ang 5,000? Nangyari ang himalang ito dahil inialok ng isang batang lalaki kung ano ang mayroon siya: limang tinapay at dalawang maliliit na isda (tingnan sa Juan 6:9). Alam ng bata na hindi ito sapat para mapakain ang lahat. Siguro naramdaman niya na kalokohan kahit ang pag-aalok nito. Pero ang kanyang kagandahang-loob at munting paglilingkod ay ginawa ni Jesus na isang himala.

Maaari ding gawin ng Tagapagligtas na mabisang pagpapahayag ng pagmamahal ang mumunting paglilingkod natin. Sa anumang oras—at paraan—na tayo ay “[patuloy] sa paggawa ng mabuti,” makakasama natin ang Diyos.

… Malalaking Resulta

Sabi ng Panginoon, ‘Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33). Bawat pagpapakita ng tunay na pag-ibig, gaano man kaliit, ay nagdudulot ng malaking bagay, kabilang na ang makabuluhang pagkakaibigan, dagdag na pagmamahal, at mas malalim na koneksyon sa Tagapagligtas.

Kahit na ang aking paghahatid ng cake ay hindi naging maayos, pinahahalagahan ng mga kaibigan ko ang pagsisikap namin (at natuwa lang sila dito). “Hindi ito tungkol sa cake,” sabi ng isa sa kanila. “Ang tunay na regalo ay ang pagsisikap na ginawa mo para paglingkuran kami.” Hindi mahalaga sa kanila kung ano ang nagawa ko, ang mahalaga ay may ginawa ako. Dahil dito, lumakas ang aming pagkakaibigan.

mga sister missionary

Si Sister Maxfield at ang kanyang kompanyon na si Sister Sousa

Kaya huwag kayong matakot maglingkod! Hindi mo kailangang gawin ito nang perpekto. Ialok mo ang anumang mayroon ka—kahit na ito ay kanin sa halip na cake.