Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paano Ko Matatanggap ang Tulong ng Diyos sa Aking Buhay?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Ko Matatanggap ang Tulong ng Diyos sa Aking Buhay?

Bakit natin kailangan ang tulong ng Diyos? Tinutulungan pa rin ba Niya ang Kanyang mga anak? Paano ninyo matatanggap ang Kanyang tulong?

Mula sa isang mensahe sa debosyonal para sa mga young adult sa Pacific at Asia Area na ibinigay noong Enero 9, 2022.

lalaking nananalangin

Hayaan ninyong tanungin ko kayo ng tatlong magkakaugnay na tanong:

  1. Bakit natin kailangan ang tulong ng Diyos?

  2. Tinutulungan pa rin ba ng Diyos ang Kanyang mga anak?

  3. Paano tayo makaka-access sa pinagmumulan ng banal na kapangyarihan ng Diyos?

1. Bakit Kailangan Natin ang Tulong ng Diyos?

Lahat ay nakadama na ng kawalan o paghihirap. Nakakaranas tayo ng kawalan, takot, lungkot, at pasakit. Naghahanap tayo ng mga sagot sa mahahalagang tanong. Pinag-iisipan natin ang kahulugan ng ating buhay at nakikibaka kung paano mamumuhay nang may katuturan at kahalagahan.

Para sa mga bagay na ito, kailangan natin ang tulong ng Diyos.

May mga pagkakataon din na nadarama natin na napakabigat pasanin nang mag-isa ang ating mga pasanin. May mga pagkakataong nahaharap tayo sa mga balakid na tila napakalaki kaya hindi natin makita ang paraan para madaig ang mga ito.

Para sa mga bagay na ito, kailangan natin ang tulong ng Diyos.

Ngayon ay magbibigay ako sa inyo ng mensahe ng katiyakan at pag-asa.

Ang Diyos ay buhay! Siya ay tunay! Siya ang ating Ama! Nariyan Siya! Sinasagot Niya ang mga panalangin ng Kanyang mga anak. Sinasagot ng Diyos ang iyong panalangin at ang sa akin.

Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, upang ihanda ang daan para sa atin, nasa Kanya ang mga sagot, Siya ay nariyan.

2. Tinutulungan Pa Rin Ba ng Diyos ang Kanyang mga Anak?

Ang maikling sagot ay isang matunog na: Oo!

Paano ko malalaman? Nakita ko na ito! Tinutulungan ng Diyos ang mga lumalapit sa Kanya nang may pananampalataya at dalisay na layunin.

Maniwala, at malalaman ninyo. Tila simple lang ito, pero totoo ito.

Sabi mo, “Gusto kong maniwala, pero wala akong pananampalataya.” Kung gayon umasa—umasa na kilala kayo ng Diyos, na mahal Niya kayo, na gagabayan at bibigyang-inspirasyon Niya kayo.

Gaano Niya tayo kamahal?

Ang ipinahayag Niya mismo na Kanyang misyon—Kanyang dahilan at layunin sa buhay, “[Kanyang] gawain at [Kanyang] kaluwalhatian” (Moises 1:39)—ay nakatuon sa ginagawa Niya upang maging posible para sa atin na mamuhay na kasama Niya sa buong mga kawalang-hanggan at maging mga tagapagmana ng Kanyang kadakilaan at kaluwalhatian.

Ang mga pagpapala ng langit ay hindi nakabatay sa sitwasyon ninyo sa buhay. Hindi tinitingnan ng Diyos ang inyong taas, timbang, kalusugan, o yaman. Hindi mahalaga sa Kanya kung saan kayo nakatira, kung ang inyong mga damit ang pinakabagong uso, o kung ilan ang mga instagram follower ninyo.

Wala sa mga bagay na iyan ang mahalaga sa Diyos.

Tinitingnan ng Diyos ang inyong puso, at alam Niya ang mga hangarin ng inyong puso.

Mahal kayo ng Diyos. Oo, kayo!

Naririnig Niya ang inyong taimtim na mga panalangin at nalalaman ang inyong pananampalataya, tapang, at kabutihan. Alam Niya ang inyong mga inaasam, mga tanong, at hangarin.

Siya ay nagalak kasama ninyo sa maraming pagkakataon na napaglabanan ninyo ang kasamaan. Nalugod Siya sa maraming pagsisikap ninyo na gumawa ng mabuti.

Nais Niya na bumalik kayo sa Kanya. At sinuportahan at dinalisay Niya kayo at patuloy Niyang gagawin ito. Gagabayan Niya ang inyong mga hakbang. Pupuspusin Niya ng liwanag ang inyong kaluluwa.

3. Paano Ninyo Matatanggap ang Tulong ng Diyos?

Lubos na pinahahalagahan ng ating Ama sa Langit ang ating kakayahang gumawa ng sarili nating mga pagpili kaya hindi Niya ipipilit ang Kanyang kalooban sa atin.

Ipinagkaloob ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ang kalayaang pumili—kahit maaaring maging dahilan iyon para tanggihan nila Siya. Ang alituntuning piliin ang direksyon ng sarili nating buhay ay mahalaga sa plano ng kaligtasan.

Kapag gumagawa tayo ng pagpili na lumalabag sa payo ng Diyos, inilalayo natin ang ating sarili sa nagpapadalisay na impluwensya ng Espiritu Santo. Ang mga nagpapatigas ng kanilang puso sa Diyos ay isinasara ang kanilang sarili sa liwanag ng langit.

Kaya, ano ang magagawa natin para matanggap ang tulong ng Diyos?

Una: Matibay na isalig ang buhay sa bato ni Jesucristo.

Manindigan bilang disipulo ni Cristo.

Mahalin ang Diyos. Magpakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Mahalin ang inyong kapwa. Ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikipagtulungan sa inyong kapwa miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Anyayahan ang lahat na pumarito at tingnan kung ano ang tungkol sa Kanyang Simbahan at ebanghelyo. Anyayahan silang pumarito at tumulong na gawing mas magandang lugar ang mundong ito. Mahalin at palakasin ang isa’t isa. Anyayahan silang lumapit at mapabilang sa dakilang gawaing ito kasama ang mga buhay na apostol at propeta sa pamumuno ni Jesucristo.

Tularan ang Kanyang halimbawa. Sundan ang Kanyang landas. Taglayin sa inyong sarili ang Kanyang pangalan.

Tanggapin ang mga turo ng ebanghelyo at pag-aralan ang ebanghelyo.

Gawing bahagi ng inyong buhay sa araw-araw ang mga pinahahalagahan ng ebanghelyo.

Mithiing maging matatag at manatiling nakasalig sa bato ni Jesucristo!

Pangalawa: Dapat ninyong malaman na kailangan kayo.

Huwag mag-alala kung kayo lang at maaaring maliit lang ang bilang ng mga kapwa miyembro ninyo. Tandaan, si Joseph Smith ay mag-isa lang. Ang Ipinanumbalik na Simbahan noon ay nagsimula sa maliit na bilang ng matatapang na Banal.

Magkaisa sa dakilang gawaing ito. Suportahan ang isa’t isa Mahalin, magbahagi at mag-anyaya sa mga nasa paligid ninyo. Anyayahan sila na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, at pumarito at makabilang! Sundin ang huwarang ito, at kayo ay lalago sa espirituwal na lakas, katatagan ng damdamin, at dadami ang inyong bilang.

Pangatlo: Magtiwala na gagabayan kayo ng Diyos.

Buksan ang inyong puso sa mga bulong ng Espiritu.

Sikaping dalisayin ang inyong puso at isipan habang tumatahak kayo sa landas ng pagkadisipulo, na tinutupad ang inyong mga sagradong tipan.

Makipag-ugnayan sa langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng personal na patotoo at paghahayag. Gagabayan Niya kayo sa inyong mga desisyon at poprotektahan Niya kayo laban sa pisikal at espirituwal na panganib.

Ang inyong tapang at sadyang pamumuhay bilang disipulo ni Jesucristo ay magdadala ng mga dakilang bagay sa sarili ninyong buhay at magpapala sa inyong pamilya, komunidad, at mga tao.

Habang nagdarasal kayo, “Ama sa Langit, kailangan ko po ng tulong!,” diringgin kayo ng Diyos, at pagpapalain Niya kayo. Sapagkat lagi Siyang handang tulungan kayo, na Kanyang anak.