Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mag-Scroll Kayo sa mga Banal na Lugar
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Mag-Scroll Kayo sa mga Banal na Lugar

Kontrolin ang iyong online space!

mga mobile app at emoji

Naisip mo na bang gawing banal na lugar ang iyong mga karanasan sa internet?

Inutusan tayo ng Panginoon na tumayo sa mga banal na lugar (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 87:8). Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng paglalaan ng oras sa mga templo, kapilya, tahanan, at iba pang lugar kung saan madarama ninyo ang Espiritu.

Maaari ring magkaroon ng higit na layunin ang paggamit ninyo ng mga smartphone, social media, at artificial intelligence (A.I.). Maaari kang maging madiskarte sa interaksyon mo sa mga post, video, larawan, at iba pang online media. Sa paggawa nito, lilikha kayo ng mga lugar kung saan mas madarama ninyo ang Espiritu at mas mapapalapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Narito ang ilang paraan na maaari kayong mag-scroll sa mga banal na lugar.

Sanayin ang Iyong mga Algorithm

Madali na ngayon para sa ating isipan na lubusang matuon sa virtual space sa paggamit natin ng teknolohiya. Kung hindi tayo maingat, maaari tayong maanod o matangay ng kasalukuyang online content—na tulad ng pag-agos ng ilog—at mailayo sa kung ano ang pinakamahalaga. Sa maraming paraan, ito ay dahil sa mga algorithm.

Ang algorithm ay isang set ng mga patakaran o proseso na sinusunod ng isang programa sa kompyuter. Pinipili ng ilang algorithm ang nakikita mo sa iyong mga rekomendasyon at feed. Ang mga algorithm na ito ay batay sa kung paano ka naka-engage sa content—mga like, share, komento, pag-save, at kung gaano katagal mo pinapanood ang mga video o larawan.

Ang layunin ng mga algorithm na ito ay para manatili kang interesado upang patuloy kang mag-scroll hangga’t maaari. Ang problema dito ay maaari itong makaapekto sa paggamit natin ng kalayaan. Hinggil sa teknolohiya, ipinaalala sa atin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na, bilang mga anak ng Diyos, maaari tayong “maging mga [kinatawan] na kumikilos at hindi lamang mga bagay na pinakikilos.” Ang moral na kalayaan, na “kakayahan at pribilehiyong piliin at kumilos para sa ating sarili sa mga paraang mabuti, tapat, malinis, at marangal,” ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa atin.

Itinuro ni Elder Bednar na “hindi ka gusto [ng isang algorithm.] Hindi ito nagmamalasakit [sa] iyo. Hindi nito tunay na nalalaman kung umiiral ka o hindi.” Ito ay isang proseso lamang na “itatrato ka bilang isang bagay na pinakikilos, kung hahayaan mo ito.” Kaya, huwag hayaang mangyari ito!

Maaari mong sanayin o turuan ang iyong mga algorithm na paglingkuran ka sa mas mabuting paraan. Kapag nakakakita ka ng larawan ng isang templo, nanonood ng music video ng Strive to Be, o may nadaanan na iba pang positibong mensahe, tiyaking magtagal nang kaunti dito. Mag-ukol ng oras para masiyahan dito sa halip na mag-klik kaagad para umalis dito. Malakas ang magiging epekto nito sa algorithm at tuturuan itong magpadala sa iyo palagi ng ganitong uri ng content! Sa paglipas ng panahon, makakatulong ito sa iyo na lumikha ng mas banal na lugar para sa pag-scroll.

Mag-ingat sa Echo Chambers

Kapag mas maraming oras ang ginugugol mo sa mga partikular na uri ng content, mas malamang na gayong uri ng content ang makikita mo palagi. Ang pananaw mo sa mundo ay nagiging mas makitid hanggang sa parang totoo na ang nakikita mo. Ang tawag dito ay echo chamber.

Kung hindi ka maingat, maaari kang manatili sa hindi kapaki-pakinabang at espirituwal na mapanganib na mga echo chamber. Itinuro ng mga lider ng Simbahan na dapat nating iwasan ang content na “naghahangad na magpalaganap ng galit, pagtatalo, takot, o mga walang batayang paliwanag sa mga pangyayari sa lipunan.” Kailangan nating magtuon sa kapani-paniwala, maaasahan, at makatotohanang impormasyon at lumayo sa “haka-haka o impormasyong batay sa tsismis.” Ang patnubay ng Espiritu Santo na sinamahan ng maingat na pag-aaral ay makatutulong sa atin na malaman ang katotohanan sa kamalian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12; 45:57). Ang katotohanan ay palaging matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga buhay na propeta at apostol.

Hinihikayat tayo ng ebanghelyo na maghangad ng kaalaman at pang-unawa. Pero maging matalino. Kung may makikita kang isang bagay na hindi totoo o binalaan ka ng Espiritu na iwasan ito, piliing sundin ang mga pahiwatig na iyon at maghanap ng lugar na mas nagbibigay-inspirasyon kung saan mo gugugulin ang iyong oras. Hanapin ang mga bagay na “marangal, kaibig-ibig, o may mabuting balita o kapuri-puri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13), kapwa online at sa totoong mundo.

Alalahanin Kung Sino Ka

Maraming tinig ang naghahangad na mapansin natin. Ang ilan ay mabubuti, pero ang ilan ay nakaliligaw—lalo na sa online. Kabilang dito ang mga pagtatangka ni Satanas na hikayatin tayong kalimutan kung sino talaga tayo para maging miserable tayo tulad niya (tingnan sa 2 Nephi 2:27).

Ikaw ay anak ng Diyos na walang-hanggan ang kahalagahan at may banal na potensyal. Hayaang gabayan ka ng kaalamang ito sa lahat ng aspeto ng iyong buhay kabilang na ang paghahanap mo ng content na nakasisigla at i-share ito sa iba. Laging isaalang-alang si Jesucristo sa lahat ng ginagawa mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36). Pagkatapos, habang nag-i-scroll ka sa mga banal na lugar, makakalikha ka ng espasyo na makatutulong sa iyo na madama ang Espiritu at magpapalakas sa iyong pananampalataya.