Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Puno ng Peach at Walang-Hanggang Pag-unlad
Alam ng Ama sa Langit kung ano ang maaari mong kahinatnan. Huwag hangarin ang anumang mas mababa pa rito.
Nang magtanim ang pamilya ko ng punla ng puno ng peach sa aming bakuran, nagsimula akong mangarap ng peach pie na gawa sa bahay. Pero maliit lang ang punlang itinanim namin, na may ilang maninipis na sanga lamang. Para bang sa isang peach lang ay matutumba na ang buong puno.
Pagkaraan ng ilang tag-init, naging mataas, madahon, at maganda ang puno. Gustung-gusto ito ng mga ibon, at nasiyahan ang pamilya ko sa lilim nito. Pero hindi pa rin nito nagagawa ang dapat nitong gawin—ang mamunga ng mga peach!
Mga ilang taon pa ang lumipas bago umusbong ang anumang bunga sa puno. Ilang maliliit na peach lamang ang naging bunga, pero mas mabuti na ito kaysa wala. Kinailangan ng isa pang tag-init para magsimulang lumaki ang matatamis na peach (sa wakas!) para magawa ko ang pie na pangarap ko.
Hindi sana mailuluto ng pamilya ko ang homemade pie na iyon kung hinayaan naming tumigil sa paglaki ng puno. Ang punla, ang lilim, at ang maliit na bunga ay hindi na masama, pero alam namin na puwedeng mas lumaki pa ang puno. Palaging may puwang para patuloy na lumaki.
Ganyan din ang nakikita sa atin ng Ama sa Langit.
Kaligtasan at Kadakilaan?
Madalas nating tawagin ang plano ng Ama sa Langit para sa atin na “plano ng kaligtasan,” pero ano ang kaligtasan? At paano ito nauugnay sa kadakilaan?
“Ang ibig sabihin ng kaligtasan ay maligtas mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.” Posible lamang ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Dahil sa Kanya, lahat ay mabubuhay na muli at mabubuhay magpakailanman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:39–42). At dahil sa Kanya, maaari tayong magsisi at mapatawad ang ating mga kasalanan.
Pero kung ang mga mithiin ng Ama sa Langit para sa atin ay tumigil doon, parang katulad din ito ng pagbibigay lang ng lilim ng puno ng peach. Alam Niya na higit pa roon ang kaya nating gawin.
Ang kadakilaan ay “tumutukoy sa pinakamataas na antas ng kaligayahan at kaluwalhatian sa kahariang selestiyal” at kabilang dito ang pamumuhay sa piling ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng ating pamilya magpakailanman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:62, 70). Kabilang dito ang pagpapala ng patuloy na pag-unlad pagkatapos ng buhay na ito—nang walang hanggan! Dahil tayo ay Kanyang mga anak, maaari tayong umunlad upang maging katulad Niya.
Paghahanda para sa Kadakilaan
Bagama’t ang kadakilaan ay iniaalok sa lahat, may ilang bagay tayong kailangang gawin upang ipakita sa Diyos na talagang handa tayong tanggapin ang kaloob na ito. Itinuro ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta na ang mga kundisyon sa pagtanggap ng kaloob na ito ay kinabibilangan ng:
-
Pagtanggap natin kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at pagsampalataya sa Kanya.
-
Pagpapabinyag natin at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
-
Paggawa at pagtupad sa mga tipan sa templo.
-
Pagiging tapat natin hanggang wakas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.
Higit pa sa agarang mga pagpapala ng pagsunod, ang pagsunod sa mga batas ng Diyos at pagtutulot na mabago ang iyong likas na pagkatao sa pamamagitan ni Jesucristo ay naghahanda sa iyo na tanggapin ang kaloob na kadakilaan. Siya ang nagtakda ng mga pamantayan. Ang tapat na pagsunod sa Kanyang landas ang tanging paraan para mapadakila.
Magagawa Mo Ito
Ikaw ay anak ng Diyos, at iniaalay Niya sa iyo ang lahat ng mayroon Siya. Huwag masiyahan sa anumang bagay na mas mababa kaysa sa kadakilaan.
Mahal ka ng Ama sa Langit. Inihanda Niya ang planong ito dahil nais Niyang tulungan kang gawin ito. Tulad ng sinabi ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May mga bagay ba tayong kailangang gawin, mga kautusang susundin, mga aspeto ng ating likas na pagkatao na dapat baguhin? Oo. Ngunit sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, magagawa natin ang mga iyan, kaya nating gawin iyan.”
Sa ngayon, maaaring pakiramdam mo ay mahina ka at hindi ka perpekto. Pero ang Ama sa Langit ang Dalubhasang Hardinero, at alam Niya na hindi ka isang punla lamang. Isa kang puno ng peach na kasalukuyang lumalago, at pangangalagaan ka Niya, aarugain, at ihahanda sa maaaring kahinatnan mo.