Para sa Lakas ng mga Kabataan
Kapag ang mga Pagsubok ay Tila Napakatindi
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hulyo 2025


Kapag ang mga Pagsubok ay Tila Napakatindi

Ang mga hamon ay bahagi ng buhay. Pero kung may tulong, maaari nating tingnan ang mga ito sa pananaw ng Diyos.

dalagita

Ang Mount Timpanogos ay isang bundok sa Utah, USA, na 11,000 talampakan (3,353 m) ang taas at punung-puno ng mga talon, pader na bato, parang, at mababangis na hayop. Sa pagtayo sa paanan ng bundok na tulad nito ay maaaring maramdaman mo na maliit ka. Hindi mo makikita ang ibabaw o paligid nito. Maaari itong magmukhang napakalaki at mahirap akyatin.

Gayunman, babaguhin ng 10-minutong biyahe mula sa Mount Timpanogos ang tingin mo rito. Mula sa pananaw na ito, mapapansin mo ang mga daanan at kalsadang ginawa patawid ng bundok. Ipinapakita ng mga ito na nakapunta na roon ang iba at na may ligtas na daan sa ibabaw at sa paligid ng bundok.

Maaaring ganito rin ang pakiramdam mo sa mga pagsubok mo sa buhay ngayon. Ang pagharap sa mahihirap na hamon ay parang pagtitig sa mga bundok na napakalaki kaya hindi mo makita ang ibabaw o maging ang paligid ng mga ito. Parang napakalaki ng mga ito at imposible sigurong matawid ang mga iyon. Ang mga pagsubok na iyon ay maaari pa ngang magparamdam sa iyo na ikaw ay maliit, bigo, takot, o nag-iisa.

Pero narito ang iba pang dapat subukan. Umatras at subukang tingnan ang iyong mga pagsubok mula sa ibang pananaw—sa pananaw ng Diyos.

Sa ganitong pananaw, maaari mo ring matanto na hindi ka nag-iisa sa paglutas ng iyong mga problema. Mayroon kang Ama sa Langit na nagmamahal sa iyo at tutulong sa iyo. Nalampasan din ng iba, lalo na ng Tagapagligtas, ang mahihirap na panahon. Gusto nilang ibigay sa iyo ang patnubay na kailangan mo para madaig ang iyong mga pagsubok, maging ang malalaki talaga.

Paano Natin Mababago ang Ating Pananaw?

1 Sundin ang plano ng Ama sa Langit.

Si Jesucristo ang ating sakdal na halimbawa. Ang mga alituntuning itinuro Niya ay simple, makapangyarihan, at madaling unawain. Ang ibig bang sabihin niyan ay madaling sundin palagi ang mga iyon? Hindi. Hindi palagi. Pero sa tuwing sinusunod natin Siya nang may pananampalataya, nagsisimulang magbago ang ating pananaw. Nagsisimula tayong ituring ang mga hamon bilang mga pagkakataong humingi ng tulong sa Tagapagligtas sa halip na ituring ang mga ito na mga parusa, patibong, o balakid na pumipigil sa atin.

2 Humingi ng tulong sa Diyos.

Ang Diyos ay iyong Ama sa Langit. Kilala ka Niya, mahal ka Niya, at handa Siyang tulungan ka kahit kailan mo hilingin. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pananaw ng Panginoon ay nakahihigit sa inyong mortal na karunungan. Ang sagot Niya sa inyong mga panalangin ay maaaring makagulat sa inyo at tutulungan kayong mag-isip nang selestiyal.”

Kapag nananalangin ka, matutulungan ka ng Diyos na makita ang mga bagay na hindi mo nakikita ngayon. Gagabayan ka Niya sa iyong mga pagsubok at bibigyan ka pa ng kapayapaan at lakas kapag sumusunod ka sa Kanya.

3 Humingi ng tulong sa iba.

Naglagay ang Ama sa Langit ng mabubuting tao sa buhay mo na makakatulong sa iyo. Kapag nahihirapan ka sa mga hamon na tila nakakalula sa iyong harapan, isiping makipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, o iyong bishop.

Ang paghingi ng basbas ng kapanatagan at patnubay mula sa isang karapat-dapat na priesthood holder ay isa pang napakagandang paraan para tingnan ang iyong sarili at ang buhay sa pananaw ng Diyos.

Pagtingin nang Malinaw

Tulad ng isang higanteng bundok na nakaharang sa iyong daan, kung minsa’y tila napakatindi ng iyong mga pagsubok. Pero kapag ipinamumuhay mo ang plano ng Diyos at hinahayaan Siya at ang iba na tulungan ka, maaaring maiba ang tingin mo sa iyong mga hamon.

Maaari kang umatras at makikita mo na may paraan para madaig ang iyong mga pagsubok. Si Jesucristo ay naglalaan ng landas na maaari mong tahakin. Gaano man katindi sa tingin mo ang iyong mga pagsubok , mas malakas ang Diyos.