Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Sikat ng Araw sa Aking mga Unos
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hulyo 2025


Ang Sikat ng Araw sa Aking mga Unos

Nang mamatay ang lola ko, naisip kong tapusin ang sarili kong buhay. Pero natulungan ako ng pag-asa sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit na magpatuloy.

dalagita

Mga larawang kuha ni Niel Kabiling

Hi! Ako si Honey Grace. Ako ay 17 taong gulang. Nakatira ako sa Iloilo, sa Pilipinas!

Pagpanaw ng Aking Lola

Kamakailan lang, may pinagdaanan ako na talagang mahirap. Hiwalay ang tatay at nanay ko, at nagtatrabaho sa ibang bansa ang nanay ko. Lumaki ako sa lola ko—siya ang nagturo sa akin tungkol sa ebanghelyo at sa Simbahan. Pero ngayong taon, pumanaw siya nang hindi inaasahan.

dalagitang nasa sementeryo

Siya ang huling tao na inisip kong mamamatay. Kung minsan akala ko mauuna akong mamatay sa kanya dahil napakalusog niya! Hindi siya nagpakita ng panghihina kailanman at lagi siyang malakas sa harap ko. Hindi ko naisip ang magiging buhay ko kung wala siya.

dalagita

Pag-unawa sa Plano

Nang pumanaw siya, kung minsa’y inisip ko na sana’y mamatay na rin ako. Naisip kong tapusin ang sarili kong buhay. Pero hindi nagtagal ay nagpunta ako sa isang stake youth activity kung saan nagkaroon kami ng lesson tungkol sa plano ng kaligtasan.

Alam ko ang tungkol sa plano ng kaligtasan, pero medyo malabo yata ang pagkaunawa ko rito dahil sa nangyari sa lola ko. Habang nakikinig ako, naisip ko, “Nalimutan ko na ang mga pagpapala ng sakripisyo ni Jesucristo para sa akin.”

dalagitang nagdarasal

Natanto ko na namatay si Jesucristo para iligtas ako. Hindi ko dapat tapusin ang buhay ko nang dahil sa mga problemang nararanasan ko. Ang plano ng kaligayahan ay nagbibigay sa akin ng pag-asa na makikita kong muli ang aking lola balang-araw, dahil ang buhay ay hindi nagwawakas kapag pumanaw tayo. Kailangan kong patuloy na sundin ang Tagapagligtas upang makita ko siyang muli.

dalagitang nagbabasa ng mga banal na kasulatan
mga dalagita

Pagkakaroon ng Lakas sa Templo

Nang pumanaw ang lola ko, tumira sa bahay ko ang pinsan ko at naging tagapag-alaga ko. Matatalik na kaibigan ko ang mga pinsan ko, pero mahirap pa rin talaga ang pagbabago. Kinailangan kong matutong gawin ang lahat ng gawaing-bahay na ginagawa dati ng lola ko. Kinailangan kong gisingin ang sarili ko para pumasok sa paaralan at asikasuhin ang bahay.

mga dalagita

Nagsalita na ang bishop ko noon pa man tungkol sa pag-asa sa sarili, kaya nagsaliksik ako tungkol doon sa Gospel Library. Nakatulong ito sa akin na matutong tumayo sa sarili kong mga paa.

dalagitang nagsasampay ng labada

Nakikipag-ugnayan pa rin ako sa aking ama. Isang araw, nagkaroon kami ng pagtatalo. Nahihirapan talaga ako dahil dito, pero biglang nagkaroon ng pagkakataong makapunta sa youth temple trip. Habang nasa templo ako, nakadama ako ng kapayapaan. Hindi ko inisip ang mga problema sa bahay. Hindi ko inisip ang galit ko sa aking ama. Inisip ko ang mga bagay na magagawa ko para tulungan siya. Inisip kong maging mabuting halimbawa. Inisip ko ang mga bagay na walang hanggan, ang mabuklod sa aking mga magulang sa templo balang-araw. Nagpasiya akong humingi ng paumanhin sa tatay ko sa pakikipag-away ko sa kanya.

Jesucristo

Savior with Children [Ang Tagapagligtas na May Kasamang mga Bata], ni Michael Malm

Pagsandig sa Tagapagligtas

Natutuhan kong laging magtuon kay Jesucristo at sa Ama sa Langit. Nakukuha ko ang aking lakas mula sa Kanila, at tinatandaan ko na sinusuportahan Nila ako.

Ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan, lalo na sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ay nakatulong sa akin na madaig ang pag-iisip na magpakamatay. Natutulungan ako nitong makadama ng kapayapaan sa buhay. Nagbibigay ito sa akin ng pag-asa na muli kong makikita ang lola ko sa kabilang panig ng tabing balang-araw.

Si Jesucristo ang pag-asa na magpatuloy ako sa buhay kahit marami akong hamon. Ang pagmamahal Niya sa akin ay walang katapusan. Siya ang sikat ng araw sa buhay ko. Kapag may unos o ulan, nariyan Siya. Siya ang aking Tagapagligtas. Siya ang aking tahanan. Siya ang aking buhay. Tinutulungan Niya akong magpatuloy sa buhay. Isa Siya sa mga dahilan kaya gustung-gusto kong mabuhay.

Ang awtor ay naninirahan sa Iloilo, Pilipinas.