Tulong at Patnubay para sa Iyong Kinabukasan
Ang buhay ay hindi palaging umaayon sa mga plano mo, pero mas bubuti ang buhay mo sa pag-asa sa Panginoon.
Kung minsa’y maaaring tila puno ng kawalang-katiyakan ang mundo. Maaaring iniisip mo kung ano ang nakalaan para sa iyong kinabukasan. Gayon din ang nadama ko noon.
Sumapi kami ng mga magulang ko sa Simbahan noong 16 na taong gulang ako. Noong mga panahong iyon, mahiyain ako. Matapos sumapi sa Simbahan, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili. Nalaman ko kung sino ako, saan ako nanggaling, bakit ako narito, at saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito.
Natanto ko noon na kahit hindi ko alam nang detalyado kung anong klase ng mga bagay ang gagawin ko sa aking buhay, may tulong at gabay na aakay sa akin tungo sa isang magandang kinabukasan.
Totoo rin ito sa iyo!
Patnubay mula sa Propeta
Ako ay 17 taong gulang nang bumisita ang propetang si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa South Korea noong 1975. Nakita ko siya sa isang pulong kung saan ay mga 400 kabataang Koreano ang nagtipon para marinig ang kanyang tinig.
Ibinahagi ni Pangulong Kimball kung paano siya nag-aral ng mga banal na kasulatan at nanalangin araw-araw mula noong bata pa siya. Binanggit niya ang kahalagahan ng pagtatakda ng mga prayoridad. Sinabi niya na dapat kaming dumalo sa seminary, maghanda para sa misyon at walang-hanggang kasal, at magsikap na magkamit ng kaligtasan. Nagbigay rin siya ng kanyang patotoo.
Niliwanagan ng mga salita ng propeta ang aking pag-iisip. High school ako noon, pero hindi ako interesado sa mga gawain sa paaralan. Mahilig ako sa isports! Naglalaro ako ng soccer tuwing may pagkakataon at madalas akong maglaro sa halip na mag-aral. Hindi ako magaling na estudyante. Matapos marinig ang propeta, mahilig pa rin ako sa soccer, pero nagpasiya akong magtakda ng ilang prayoridad.
Gagawin ko ang lahat para makapag-aral. Magmimisyon ako, mabubuklod sa templo, at magkakaroon ng masayang pamilya. Alam ko na kung gusto kong mapasaakin ang magandang kinabukasang ito, kakailanganin kong sundin ang propeta—anuman ang mangyari.
Sa lahat ng oportunidad at hamon na kakaharapin mo, magiging OK ka kapag sinunod mo ang patnubay na ibinibigay ng mga buhay na propeta.
Isang Walang-Katiyakang Misyon
Nangako na akong magmisyon, pero may sapilitan ding serbisyo militar sa South Korea. Pagkatapos ng high school, maraming kabataang lalaking pumasok sa militar, tinupad ang kanilang sapilitang serbisyo, at agad na nag-aral at nakahanap ng trabaho. Mahirap magbigay ng dalawang taon pa sa paglilingkod sa misyon. Iilan lang ang mga Koreanong elder noon.
Nang mag-19 anyos ako, tinupad ko ang aking pangako at naghanda at nagpadala ng mga papeles ko sa mission. Tinawag akong maglingkod sa Korea Busan Mission. Pagkaraan ng isang taon, na-draft ako sa militar. Lungkot na lungkot ako dahil kinailangan kong tumigil sa aking misyon.
Nang matapos ko ang aking serbisyo militar makalipas ang tatlong taon, nadama ko na hindi ko pa natatapos ang aking misyon. Sabi sa akin ng lahat, “Nagmisyon ka na. Nauunawaan ng Panginoon ang sitwasyon mo, kaya OK lang na maglingkod nang isang taon lang.”
Tinanong ko ang aking butihing kaibigan mula sa seminary kung ano ang dapat kong gawin. Sinabi niya na alam niya na maglilingkod ako nang isa pang taon sa aking misyon. Ang kanyang tiwala ay nagbigay sa akin ng tiwala at kumpirmasyon na maglingkod pa. Naglingkod ako sa ikalawang taon ng aking misyon sa Korea Seoul Mission. Nang matapos ako, 25 anyos na ako. Kalaunan ay ikinasal ako sa kaibigan ding iyon at nabuklod kami sa Laie Hawaii Temple.
Itinuro sa akin ng karanasang ito na magiging maayos ang lahat sa iyo kahit hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano mo. Kapag umakma ang mga plano at pananaw mo sa kalooban ng Panginoon para sa iyo, tutulungan ka Niya sa iyong mga desisyon sa buhay.
Posible ang Isang Magandang Kinabukasan
Kahit hindi ako sigurado noong kabataan ko kung ano ang magiging uri ng buhay ko, natuklasan ko na ang pag-una sa espirituwal na mga bagay ang susi sa tagumpay—hindi lamang sa buhay na ito, kundi maging sa buhay na darating.
Nang binyagan ka, tinanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo. Kapag nagtuon ka sa mga pahiwatig na natatanggap mo, poprotektahan ka ng Espiritu Santo at gagabayan ka sa tamang daan. Makakaramdam ka rin ng kapanatagan at kapayapaan.
Habang naghahanda ka para sa iyong kinabukasan, tandaan na:
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
-
Patuloy na manalangin.
-
Sundin ang propeta.
-
Palaging umasa sa Panginoon
Noong kaedad mo ako, nalaman ko ang mga katangian ng Tagapagligtas at kung paano ako magiging higit na katulad Niya. Siya ay perpekto. Hindi ko Siya lubos na matutularan sa buhay na ito, pero ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko, at naging mas mahusay ako sa paggawa nito.
Alam ko na si Jesucristo ay buhay. Dahil sa Kanya, malaki ang pag-asa ko sa hinaharap—at ikaw rin!