Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Kapag Hindi Natin Naiintindihan ang mga Kautusan
Ang ilang kautusan na maaaring hindi makatwiran sa atin ay talagang mga tanda ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
Narinig mo na ba ang isang tao na nagsasabi na ang mga kautusan ay “isang bungkos lamang ng mga patakaran”?
Siyempre, labis na pagpapasimple iyan. Kung minsan ay maaaring hindi natin maintindihan kung bakit nagbibigay ang Diyos ng mga kautusan, o kung ano ang maaaring layunin ng mga ito. Pero ang nauunawaan natin ay, ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. At kung mahal Niya tayo nang lubusan (na ginagawa Niya!), bibigyan lamang Niya tayo ng mga kautusan dahil sa pagmamahal at malasakit sa atin.
Tingnan natin ang dalawang halimbawa kung paano ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Kanyang mga kautusan.
Ang Word of Wisdom
Ang Word of Wisdom ay may ilang partikular na tuntunin, halimbawa ang tagubilin na huwag uminom ng kape, alak, o tsaa. Pero ang paghahayag ay hindi naglalaman ng listahan ng lahat ng mga nakapipinsalang sangkap. Ibinigay ito bilang “alituntunin na may pangako” (Doktrina at mga Tipan 89:3).
Ang ipinapakita sa atin ng paghahayag na ito ay mahal tayo ng Ama sa Langit at nagmamalasakit sa bawat aspeto ng ating buhay. Kasama na rito ang ating espirituwal at pisikal na kapakanan.
Isaalang-alang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa mga nagsisikap na sundin ang Word of Wisdom:
“[Sila’y] tatanggap ng kagalingan sa kanilang pusod, at utak sa kanilang mga buto;
“At makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan;
“At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.
“At ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng pangako, na ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin (Doktrina at mga Tipan 89:18–21).
Ang mga pagpapalang ito ay higit na mahalaga kaysa sa mga sakripisyo na ginagawa natin para sundin ang Word of Wisdom. Bagama’t hindi laging madali ang pagsunod sa mga kautusan, laging aalalahanin ng Ama sa Langit ang ating mga sakripisyo at, sa Kanyang sariling panahon, ipapakita sa atin na sulit ang mga ito.
Ang Batas ng Ikapu
“Bakit kailangan ng Diyos ang pera ko?” tanong ng iba. Ang katotohanan ay hindi kailangan ng Diyos ng pera—pero nais Niyang mapalapit sa Kanya ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Kailangan din ng Simbahan ng Panginoon ng mga paraan para makatulong na maihatid ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Ang ikapu at iba pang mga handog ay ginagamit sa maraming bagay sa pagsuporta sa gawain ng Panginoon, kabilang na ang:
-
Pagpapatayo at pagpapanatiling maayos ng mga templo, meetinghouse, at iba pang mga gusali ng Simbahan.
-
Pagsuporta sa mga aktibidad at operasyon ng Simbahan at mga lokal na kongregasyon nito.
-
Pagbabahagi ng ebanghelyo sa buong mundo.
-
Pagsuporta sa mga programa ng Simbahan, tulad ng edukasyon at family history.
-
Pagbibigay ng pagkain, tirahan, at iba pang mga pangangailangan sa mga taong nangangailangan.
Ang ikapu ay isang paraan para maipakita natin ang pasasalamat sa Ama sa Langit sa pagbibigay sa atin ng paraan para matustusan ang ating sarili at ang ating pamilya. Kasabay nito, kapag nagbabayad tayo ng ikapu, tinutulungan natin ang Diyos na ipakita ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak sa buong mundo. Tumutulong tayo sa pagtitipon ng Israel!
Minsan ay ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson nang magsimula siyang magbayad ng ikapu matapos ang ilang panahon na hindi niya ito binayaran. Itinuro niya:
“May nabago ba sa Simbahan dahil dinagdagan namin ang aming ikapu? Siyempre wala. Gayunman, binago ako ng pagiging full-tithe payer ko. Doon ko nalaman na ang pagbabayad ng ikapu ay tungkol sa pananampalataya, hindi sa pera. Nang maging full-tithe payer ako, nagsimulang mabuksan sa akin ang mga dungawan ng langit. …
“Ang pagbabayad ng ikapu ay nangangailangan ng pananampalataya, at nagpapatatag din ito ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.”
“Dahil Mahal Mo Ako!”
Minsan ay naalala ni Sister Carole M. Stevens, dating Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang isang kuwento tungkol sa kanyang apo na si Chloe. Habang nagmamaneho si Sister Stevens, patuloy ang pagtanggal ni Chloe sa kanyang seatbelt at tumatayo sa kotse.
Matapos ang ilang pagtatangka na kumbinsihin si Chloe na manatiling nakaupo nang naka-buckle ang kanyang seatbelt, nakatanggap si Sister Stevens ng impresyon na turuan si Chloe na kailangan niya ang kanyang seatbelt para manatiling ligtas at maiwasan ang masaktan. Maya-maya pa ay natanto ni Chloe: “Lola, gusto mo pong isuot ko ang seatbelt ko dahil mahal mo ako!”
Ang Ama sa Langit ay sabik na alagaan at tulungan tayo. Nais niyang bigyan tayo ng lahat ng pagkakataon na maging ligtas sa espirituwal at pisikal. Ang Kanyang mga kautusan ay hindi mahigpit na mga patakaran—ang mga ito ay mga pagkakataon para tumanggap ng mga ipinangakong pagpapala at ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya.