Sesyon sa Linggo ng Hapon
Tanggapin ang Kanyang Kaloob
Mga Sipi
Gusto kong magsalita tungkol sa isang kaloob na sumasaklaw sa lahat ng walang-hanggang katotohanan na nagdaragdag sa ating kakayahang tanggapin ang lahat ng iba pa na nais ibigay sa atin ng ating Ama—isang mahalagang kaloob na, kapag lubos na tinanggap sa kaibuturan ng kaluluwa, ay nagbibigay-kahulugan sa mga kagalakan at paghihirap ng buhay, at sa mga katanungan natin na hindi nasasagot: Ito ay na tayo ay tunay na mga anak ng Diyos. Makapigil-hininga! Kamangha-mangha! At ang katotohanang ito ay hindi bilang sagisag lamang.
… At ang landas na tinatahak ninyo ay ang Kanyang plano ng kaligayahan. … At inaasam Niya nang labis na balang-araw ay makabalik kayo sa Kanya, upang matanggap ang pinakadakilang layunin ng lahat ng Kanyang magagandang kaloob, ang buhay na walang hanggan kasama Niya. …
… Maaari kayong lumapit kay Cristo nang may pagtitiwala sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at tanggapin ang lahat ng Kanyang mga kaloob na kagalakan, kapayapaan, pag-asa, liwanag, katotohanan, paghahayag, kaalaman, at karunungan—nakaangat ang inyong ulo, nakaunat ang inyong mga bisig, at nakabukas ang inyong mga kamay na handang tumanggap ng kagalakan. At maaari ninyong tanggapin ang mga kaloob na ito dahil kayo ay panatag at nakabatay sa kaalaman na kayo ay minamahal na anak na babae ng Diyos, kayo ay itinatanging anak na lalaki ng Diyos, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang Kanyang perpektong banal na Anak upang tubusin kayo, bigyang-katwiran kayo, at pabanalin kayo.
… Muling tanggapin ang kaloob na ito, o marahil ay talagang tanggapin ito sa kauna-unahang pagkakataon, at hayaan itong baguhin ang bawat aspeto ng inyong buhay. Ito ang higit na mabuting paraan na inihanda ng Diyos para sa inyo sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak. Ganyan talaga kayo upang kayo ay magkaroon ng kagalakan!