Tuwirang Sagot
Ano ang kabuuan ng ebanghelyo?
Si Jesus sa Getsemani, ni Dan Burr
Sinabi ng Panginoon na ang kabuuan ng ebanghelyo ay ang “walang-hanggang tipan,” na Kanyang “ipinadala sa mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 66:2). Kabilang dito ang lahat ng kailangan para makapasok ang mga anak ng Diyos sa pakikipagtipan sa Kanya at makatanggap ng kaligtasan at kadakilaan.
Ang ebanghelyo ay ang “mabuting balita” tungkol kay Cristo. Ito ang “plano ng kaligtasan ng Diyos, na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kabilang sa ebanghelyo ang mga katotohanang walang hanggan o mga batas, tipan, at kinakailangang ordenansa upang makabalik muli ang sangkatauhan sa kinaroroonan ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo”). Marami sa mga bagay na ito ang nawala. Pero ngayon, sa pamamagitan ng paghahayag sa mga propeta, simula kay Joseph Smith, ipinanunumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo.
Sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, si Jesucristo ay “inaanyayahan tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang tumanggap ng Espiritu Santo, ng mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang-maliw na kagalakan” (“Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library).