2025
Pagpili sa Templo
Enero 2025


Mga Tinig ng mga Kabataan

Pagpili sa Templo

Iris R., edad 18, Sal, Cape Verde

Mahilig sa hand lettering, paggawa ng mga likhang sining, at pagluluto.

dalagita

Ang templong pinakamalapit sa akin ay nasa ibang isla. Para makarating doon, kailangan naming sumakay sa eroplano nang 45 minuto o sa bangka nang 12 oras. Hindi pa ako nakapunta sa templo, at sa huling taon ko sa paaralan, nagplano si Inay na pumunta kami. Isang taon siyang nag-ipon ng pera para sama-samang makapunta ang pamilya ko.

Sa kasamaang-palad, uuwi kami pagkatapos magsimula ang pasukan sa paaralan, na ipinag-alala ko. Noon pa man ay mahalaga na sa akin ang makakuha ng mataas na grade point average (GPA) sa paaralan para makatanggap ako ng scholarship para sa kolehiyo. Inisip ko na huwag nang magpunta sa templo, dahil maaaring masira ang final GPA ko kapag nag-absent ako. Tapos sabi ng nanay ko, “Bakit hindi ka magdasal at humingi ng tulong sa Panginoon?”

Medyo nag-atubili ako dahil natakot ako, pero ipinasiya kong magdasal. Ginabayan ako ng Ama sa Langit, at pinili kong magpunta sa templo. Sa buong linggong naroon kami, araw-araw kaming nagpunta sa templo. Kamangha-mangha iyon! Ang mga pagpapabinyag ay isang napakagandang karanasan; ramdam na ramdam ko ang Espiritu.

Sa huli, nagawa kong tapusin ang pag-aaral ko na may magandang GPA. Ang pananatiling malapit sa Tagapagligtas ay nakatulong sa akin na magkaroon ng pag-asa sa panahong iyon. Alam kong kasama ko Siya noon, at binigyan ako ng lakas. Alam ng Panginoon ang ating mga pagsisikap, at kapag ipinaubaya natin ang mga bagay-bagay sa Kanyang mga kamay, maaari tayong magtiwala na magiging maayos ang lahat.

Labis akong nagpapasalamat na nagkaroon ng lakas-ng-loob ang ate ko na anyayahan ang mga missionary sa bahay namin. Kaming dalawa ang unang nabinyagan sa aming pamilya—13 anyos ako noon at 15 anyos naman siya. Alam ko na ako ay minamahal na anak ng ating Ama sa Langit. Hindi ko kailanman nakasama sa buhay ko ang aking ama sa lupa, pero tinutulungan ako nitong malaman na mayroon tayong Ama sa Langit at na ako ay nilikha sa Kanyang wangis. Nadarama ko ang pagmamahal Niya sa akin; alam ko na sa pinakamahihirap na sandali, nasa tabi ko Siya.