Para sa Lakas ng mga Kabataan
Masayang Balita para sa Inyo at sa Mundo
Enero 2025


Masayang Balita para sa Inyo at sa Mundo

Maaari kayong makatanggap ng masayang balita ng pagmamahal at kagalakan dahil ipinanumbalik na ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan para pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos.

dalagita

Sagradong Kakahuyan, ni Al Rounds

Ang ating mensahe ng pag-asa at kapayapaan sa lahat ay na si Jesucristo ay buhay at ipinanumbalik na ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa mga huling araw na ito. “Di-maipaliwanag ang kaluwalhatian ng mga bagay na ito sa sangkatauhan!” pahayag ni Propetang Joseph Smith. Ito ay “balita ng malaking kagalakan sa lahat ng tao … [na] nararapat pumuno sa mundo at magpasaya sa puso ng bawat taong makaririnig nito.”

Ang masayang balitang ito ay isang malalim na pagpapakita ng walang-hanggang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas. Pagpapalain nila ang lahat ng tao at ihahanda ang mundo para sa araw ng pagbabalik ni Jesucristo. Natutuwa ako na magugugol ko ang aking buhay sa pagpapahayag ng mga katotohanang ito sa buong mundo.

Jesucristo

Resurrection Morning [Umaga ng Pagkabuhay na Mag-uli], ni Sarah Hatch

Ang Malamang na Hindi Tawagin at ang Kahanga-hanga

Sa isang kakahuyan, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo at kinausap si Joseph Smith bilang sagot sa panalangin ni Joseph kung aling simbahan ang dapat niyang sapian (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–20). Sinabi ni Jesus kay Joseph na huwag sumapi sa alinmang simbahan. Ipinangako Niya na ihahayag kay Joseph ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo sa hinaharap.

Para sa marami, tila si Joseph ang pinaka-malamang na hindi tawagin sa gayon kahalagang gawain. Sa kanilang paningin, isa lamang siyang batang hindi nakapag-aral na nagmula sa isang maliit na bukid. Pero sa pamamagitan ni Joseph, gagawin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang tunay na kahanga-hanga. Bibigyan si Joseph ng mga kautusan, mahahalagang paghahayag, at mahahalagang doktrina tungkol sa mapagmahal na plano ng Ama sa Langit at sa mapagtubos na pagmamahal at Pagbabayad-sala ni Jesucristo para pagpalain tayo at tulungang malaman kung paano tayo makakauwi.

Isang Malakas na Katibayan ng Pagmamahal ng Diyos

Nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith at sinabi niya kay Joseph ang tungkol sa isang talaan, na nakasulat sa mga laminang ginto, na nakabaon sa ‘di kalayuan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–34). Kalaunan, isinalin ni Joseph ang talaang iyon na siyang magiging Aklat ni Mormon, na katuwang ng Biblia bilang isa pang saksi ni Jesucristo.

Sa buong Aklat ni Mormon, nalaman at ipinropesiya ng mga tao, daan-daang taon bago dumating si Cristo, ang tungkol sa Kanyang pagdating at pinanabikan iyon. Mababasa rin natin kung paano nagpakita at naglingkod ang Tagapagligtas sa mga Nephita. Inanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya. Pinagaling niya ang maysakit, pilay, bulag, at lahat ng may karamdaman. Pagkatapos ay binasbasan Niya ang maliliit na bata at ipinagdasal sila (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15; 3 Nephi 17:7–9; 3 Nephi 17:21).

Napakaraming itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagmamahal at habag ng Tagapagligtas. Talagang pinatototohanan nito na si “Jesus ang Cristo.” Naroon ang ganda ng kabuuan ng Kanyang walang-hanggang ebanghelyo. Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng malinaw na larawan kung paano tayo minamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas nang higit pa sa anumang maiisip natin.

si Joseph Smith habang inaalisan ng takip ang mga laminang ginto

Mga Laminang Ginto, ni Robert Theodore Barrett

Ang mga Pagpapala ng Priesthood at ng Simbahan

Dumalaw ang iba pang mga sugo ng langit kay Joseph Smith. Dumalaw si Juan Bautista para ipanumbalik ang awtoridad na magbinyag. Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang pagkaapostol at ang mga susi ng awtoridad ng priesthood. “Dumating din ang iba pa, kabilang si Elijah, na nagpanumbalik ng awtoridad na magbuklod ng mga pamilya magpakailanman sa isang walang hanggang ugnayan na napagtagumpayan ang kamatayan.”

Pagkatapos ay itinatag ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph ang isang Simbahan na itinulad sa itinatag Niya noong panahon ng Bagong Tipan (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6). Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang mga apostol at propeta, naibibigay ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na kapangyarihan ng priesthood sa lahat ng anak ng Diyos.

mga kabataan sa simbahan

Sasabihin ko na kung nalulungkot kayo at pakiramdam ninyo ay hindi sapat ang nagagawa ninyo o na hindi kayo kabilang, maging mas mabait sa inyong sarili at matanto kung gaano kayo kamahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas, nang higit pa sa maiisip ninyo. Lahat ay inaanyayahang lumapit kay Cristo at sa Kanyang Simbahan. Ang Simbahan ay hindi para sa mga perpekto. Ito ay parang ospital kung saan tayo makasusumpong ng paggaling. Sa simbahan kinalilimutan natin ang ating sarili, naglilingkod tayo sa iba nang may pagmamahal, at ibinabahagi natin ang ebanghelyo. Maaari tayong “maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Makasusumpong tayo ng kapayapaan at paggaling. Kaylaking pagpapala!

Isang Dahilan para Magalak nang Husto

Mahal kayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, at hangad nila—higit sa lahat—na maiuwi kayo at magkaroon ng uri ng buhay na katulad ng buhay Nila magpakailanman. Inihahayag ng Pagpapanumbalik na ginawa na Nila ang lahat para maging maluwalhating posibilidad ito para sa inyo. Kung minsan, maaari kayong makaranas ng mga pagsubok at paghihirap, pero kayo ay gayon “upang [kayo] ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25) sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Mas alam ito ni Propetang Joseph kaysa sa karamihan. Matutuklasan ninyo na magkakaroon kayo ng kagalakan kapag palagi kayong nagsisisi at bumabaling sa inyong Ama sa Langit at sa inyong Tagapagligtas.

Nakaranas nang madalas si Joseph ng oposisyon at pag-uusig, subalit pinanatili niya ang kanyang “likas na pagkamasayahin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Nanatili siyang masaya, malakas, at matatag, at isinakatuparan niya ang gawaing naibigay sa kanya. Gayon din ang ginagawa ng lahat ng humalili sa kanya.

Mahirap noong mga unang araw ng Simbahan, at maaaring maging mahirap ngayon, pero nagpatuloy ang Pagpapanumbalik noon—at patuloy ito ngayon. Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Patuloy tayong ginagabayan ng mga buhay na propeta. Ang mga bahay ng Panginoon ay patuloy na itatayo. Ang pagmamahal ng Diyos at ni Jesucristo ay maipadarama sa buong mundo kapag sinunod natin ang utos ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga katotohanan ng Pagpapanumbalik ay lalabas sa mga paraan at sa mga lugar na halos hindi mawari sa panahon ni Joseph. Sisikapin nating gawing mas mabait at di-gaanong watak-watak ang mundo.

Kapag kayo ay regular na nag-aaral ng ebanghelyo, nagdarasal nang madalas, at naglilingkod sa iba, aantigin ng mensahe ng Pagpapanumbalik ang inyong puso at babaguhin ang inyong buhay. Maaaring hindi ito mangyari kaagad, pero maghahatid ito sa inyo ng kagalakan—tulad ng ginawa nito kay Propetang Joseph.

Nawa’y pagpalain at gabayan ng masayang balita ng pagmamahal at kagalakang hatid ng Pagpapanumbalik ang inyong buhay—ngayon at sa tuwina.