Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pag-unawa sa mga Salaysay ni Joseph Smith sa Unang Pangitain
Enero 2025


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–20

Pag-unawa sa mga Salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain

Ano ang kaibahan sa apat na salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith? Bakit naiiba ang mga ito? At ano ang maituturo sa atin ng mga ito?

Joseph Smith

Nasubukan mo na bang sabihin sa isang tao ang tungkol sa isang espirituwal na karanasan? Anong mga detalye ang isinama mo? Anong mga detalye ang iniwan mo? Sa palagay mo ba ay maiiba ang pagkukuwento mo kung sasabihin mo ito sa isang kaibigan, sa sacrament meeting, o sa isang taong hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

Mahalaga ang mga tanong na ito kapag iniisip kung paano ipinaliwanag ni Joseph Smith ang pangitain tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na naranasan niya sa New York noong 1820. Ilang beses na ibinahagi ni Joseph ang karanasang ito. Ngayon ay may apat na salaysay tayo mismo ni Joseph:

  1. Isang personal na kasaysayan na isinulat ni Joseph noong tag-init ng 1832. Ipinaliwanag ni Joseph na nagpunta siya sa kakahuyan para manalangin dahil nalilito siya sa mga espirituwal na bagay. Gusto rin niyang mapatawad ang kanyang mga kasalanan.

    batang Joseph Smith
  2. Ang journal ni Joseph noong 1835. Isang mangangaral na nagngangalang Robert Matthews ang dumating sa Kirtland, Ohio. Gusto niyang kausapin si Joseph tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon, kaya sinabi ni Joseph sa kanya ang tungkol sa kanyang pangitain. Si Warren Parrish, na nag-iingat noon ng journal ni Joseph, ay isinulat noon ang sinabi ni Joseph.

    Joseph Smith na may hawak na mga banal na kasulatan
  3. Isang opisyal na kasaysayan ng Simbahan na sinimulan ni Joseph noong 1838. Binanggit niya ang tungkol sa Unang Pangitain bilang bahagi ng kung paano ipinanumbalik ang Simbahan. Ang salaysay na ito ay inilathala sa Mahalagang Perlas.

    pagsusulat ni Joseph Smith
  4. Isang liham na isinulat ni Joseph noong 1842. Isang mamamahayag na nagngangalang John Wentworth ang humiling kay Joseph na ipaliwanag kung paano nabuo ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sumagot si Joseph sa isang liham at isinama ang impormasyon tungkol sa Unang Pangitain.

    mga kamay na nagsusulat

Ang bawat salaysay ay ginawa sa iba’t ibang oras para sa iba’t ibang audience. Iba-iba ang layunin ni Joseph para sa bawat isa. Pero kapag sabay-sabay nating binabasa ang mga ito, mas lalo nating nauunawaan ang karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan.

Ano ang Kakaiba?

Ang mga salaysay na ito ay may ilang iba’t ibang mga detalye. Sa salaysay noong 1832, nakapokus si Joseph sa kanyang hangaring mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Hindi niya partikular na binabanggit na nais niyang malaman kung aling simbahan ang totoo. Ikinuwento niya kung paano nagpakita sa kanya “ang Panginoon”—hindi niya tinutukoy ang identidad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo nang hiwalay.

Binanggit sa mga tala noong 1835 at 1838 ang isang masamang puwersa na nagtangkang pigilan si Joseph na manalangin. Sinasabi naman sa salaysay ni Joseph noong 1835 na dinalaw siya ng dalawang nilalang, at ng mga anghel. Binanggit din sa mga tala noong 1838 at 1842 ang dalawang nilalang, na ang isa ay partikular na kinilala bilang si Jesucristo. Ang dalawang salaysay na ito ay nagbibigay diin sa paghahanap ni Jose sa tunay na simbahan.

Bakit Mayroong mga Pagkakaiba?

May ilang dahilan para sa pagkakaiba ng mga salaysay.

Ang Likas na Katangian ng Memorya o Alaala

Kung minsan akala natin ay hindi nagbabago ang ating memorya o mga alaala. Pero hindi ganyan ang takbo ng memorya o alaala. Iba-iba ang pagkaalaala natin sa mga bagay habang tumatanda tayo. Ang isang bagay na nangyari kanina ay maaaring magkaroon ng ibang kahulugan dahil sa mga karagdagang karanasan sa buhay. Ang core memory o pangunahing memorya o alaala ay nananatili, pero ang ilang mga detalye ay maaaring magbago. Hindi ibig sabihin nito na hindi totoo o tumpak ang ating memorya o alaala, mas malinaw nga lang ang ilang bahagi nito sa iba’t ibang panahon.

Iba’t ibang Layunin

Iba’t iba ang mga dahilan ni Joseph sa kanyang pagkukuwento. Noong 1832, gumagawa siya ng personal na salaysay, kaya mas nakatuon siya sa kung ano ang ibig sabihin ng Unang Pangitain sa kanya. Noong 1838 at 1842, binanggit niya ang tungkol sa Unang Pangitain bilang bahagi ng kung paano nabuo ang Simbahan. Kaya binigyang-diin niya ang kanyang pagnanais na malaman kung aling simbahan ang totoo.

Iba’t ibang Audience

Hindi miyembro ng Simbahan sina Robert Matthews at John Wentworth. Kinailangang ilarawan ni Joseph ang mga bagay-bagay sa kanila sa ibang paraan. Ang kanyang salaysay noong 1838 ay mas nakadirekta sa mga miyembro ng Simbahan. Maaaring naisip niya na ang kanyang salaysay noong 1832 ay mababasa lamang ng malalapit na kaibigan at mga kapamilya.

Ano ang Magkatulad?

Sa apat na salaysay, ang mga pangunahing detalye ay magkakapareho. Nabahala si Joseph tungkol sa kanyang sariling kaligtasan at sa kaligtasan ng mundo. Nabasa niya sa Santiago 1:5–6 na makakatanggap siya ng mga sagot sa kanyang mga panalangin. Nagpunta siya sa kakahuyan at nanalangin. Nagpakita sa kanya ang mga makalangit na nilalang. Siya ay tinawag Nila sa kanyang pangalan. Sinabi nila na hindi tamang doktrina ang itinuturo ng mga simbahan noon.

Unang Pangitain

Ano ang Itinuturo sa Akin ng mga Salaysay

Gusto kong basahin ang iba’t ibang salaysay dahil natutulungan ako nitong maunawaan nang mas mabuti ang Unang Pangitain. Mas malinaw kong nakikita kung bakit nalito si Joseph noon at gustong manalangin. Nadarama ko nang malakas ang Espiritu kapag binabasa ko ang kahulugan ng Unang Pangitain kay Joseph sa iba’t ibang panahon ng kanyang buhay. Kapag pinagsama-sama, tinutulungan ako ng mga salaysay na malaman ko na nagsasabi ng totoo si Joseph. Nakita niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Sagradong Kakahuyan. Dahil dito lalo akong umaasa na makakatanggap din ako ng mga sagot sa mga panalangin.

Salaysay

Bakit sinabi ni Joseph na nanalangin siya

Sino ang sinabi ni Joseph na nagpakita

1832

Para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan

Ang Panginoon

1835

Para malaman kung sino ang tama at sino ang mali sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon

Dalawang katauhan—isang nauna, sinundan ng isa pa—at mga anghel

1838

Upang malaman kung aling simbahan ang tunay na Simbahan ni Cristo

Ang Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo

1842

Upang malaman kung aling simbahan ang tunay na Simbahan ni Cristo

“Dalawang maluwalhating katauhan”