Mga Banal na Kasulatan
Moises 6


Kabanata 6

(Nobyembre–Disyembre 1830)

Ang mga binhi ni Adan ay nag-ingat ng isang aklat ng alaala—Ang kanyang mabubuting angkan ay nangaral ng pagsisisi—Ipinakita ng Diyos ang kanyang sarili kay Enoc—Ipinangaral ni Enoc ang ebanghelyo—Ang plano ng kaligtasan ay inihayag kay Adan—Siya ay tumanggap ng binyag at pagkasaserdote.

1 At si Adan ay nakinig sa tinig ng Diyos, at nanawagan sa kanyang mga anak na lalaki na magsisi.

2 At nakilala ni Adan muli ang kanyang asawa, at siya ay nagsilang ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Set. At pinapurihan ni Adan ang pangalan ng Diyos; sapagkat kanyang sinabi: Ang Diyos ay nagtalaga sa akin ng isa pang anak, na kapalit ni Abel, na pinatay ni Cain.

3 At inihayag ng Diyos ang kanyang sarili kay Set, at siya ay hindi naghimagsik, kundi nag-alay ng isang karapat-dapat na hain, tulad ng kanyang kapatid na si Abel. At sa kanya rin ay isinilang ang isang anak na lalaki, at kanyang tinawag ang kanyang pangalang Enos.

4 At doon nagsimulang manawagan ang mga taong ito sa pangalan ng Panginoon, at pinagpala sila ng Panginoon;

5 At isang aklat ng alaala ang iningatan, na natatala, sa wika ni Adan, sapagkat ito ay ibinigay sa kasindami ng nanawagan sa Diyos upang sumulat sa pamamagitan ng diwa ng inspirasyon;

6 At sa pamamagitan nito ang kanilang mga anak ay tinuruang magbasa at magsulat, na nagtataglay ng isang wikang dalisay at malinis.

7 Ngayon, ang Pagkasaserdote ring ito, na naroroon na sa simula pa ay siya ring naroroon sa wakas ng daigdig.

8 Ngayon, ang propesiyang ito ay sinabi ni Adan, habang siya ay pinakikilos ng Espiritu Santo, at isang talaangkanan ang iningatan ng mga anak ng Diyos. At ito ang aklat ng mga salinlahi ni Adan, nagsasabing: Sa araw na lalangin ng Diyos ang tao, sa wangis ng Diyos kanyang nilikha siya;

9 Sa larawan ng kanyang sariling katawan, lalaki at babae, kanyang nilalang sila, at pinagpala sila, at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, sa araw na sila ay lalangin at naging mga kaluluwang may buhay sa lupa sa tungtungan ng Diyos.

10 At nabuhay si Adan nang isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki sa kanyang wangis, na ayon sa kanyang sariling larawan, at tinawag ang kanyang pangalang Set.

11 At ang mga araw ni Adan, pagkatapos maisilang sa kanya si Set, ay walong daang taon, at nagkaroon siya ng maraming anak na lalaki at babae;

12 At ang lahat ng araw na nabuhay si Adan ay siyam na raan at tatlumpung taon, at siya ay namatay.

13 Si Set ay nabuhay nang isandaan at limang taon, at isinilang si Enos, at nagpropesiya sa lahat ng kanyang mga araw, at tinuruan ang kanyang anak na si Enos sa mga landas ng Diyos; dahil dito nagpropesiya rin si Enos.

14 At nabuhay si Set, pagkatapos na maisilang sa kanya si Enos, ng walong daan at pitong taon, at nagkaroon ng maraming anak na lalaki at babae.

15 At ang mga anak ng tao ay napakarami sa balat ng lupa. At sa mga araw na yaon, si Satanas ay may malaking kapangyarihan sa mga tao, at nagpaalab sa kanilang mga puso; at magmula noon ay nagkaroon ng mga digmaan at pagdanak ng dugo; at ang kamay ng isang tao ay laban sa kanyang sariling kapatid, sa pagpapataw ng kamatayan, dahil sa mga lihim na gawain, na naghahangad ng kapangyarihan.

16 Ang lahat ng araw ni Set ay siyam na raan at labindalawang taon, at siya ay namatay.

17 At si Enos ay nabuhay ng siyamnapung taon, at isinilang si Cainan. At si Enos at ang labi ng mga tao ng Diyos ay lumabas sa lupain, na tinawag na Shulon, at nanirahan sa isang lupang pangako, na kanyang tinawag alinsunod sa kanyang sariling anak na lalaki, na kanyang pinangalanang Cainan.

18 At nabuhay si Enos, pagkatapos maisilang sa kanya si Cainan, ng walong daan at labinlimang taon, at nagkaroon ng maraming anak na lalaki at babae. At ang lahat ng araw ni Enos ay siyam na raan at limang taon, at siya ay namatay.

19 At nabuhay si Cainan nang pitumpung taon, at isinilang si Mahalaleel; at nabuhay si Cainan pagkatapos maisilang sa kanya si Mahalaleel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae. At ang lahat ng araw ni Cainan ay siyam na raan at sampung taon, at siya ay namatay.

20 At nabuhay si Mahalaleel ng animnapu’t limang taon, at isinilang si Jared; at nabuhay si Mahalaleel, pagkatapos maisilang sa kanya si Jared, ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae. At ang lahat ng araw ni Mahalaleel ay walong daan at siyamnapu’t limang taon, at siya ay namatay.

21 At nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu’t dalawang taon, at isinilang si Enoc; at nabuhay si Jared, pagkatapos na maisilang sa kanya si Enoc, ng walong daang taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae. At tinuruan ni Jared si Enoc sa lahat ng landas ng Diyos.

22 At ito ang talaangkanan ng mga anak na lalaki ni Adan, na anak na lalaki ng Diyos, kung kanino ang Diyos, nakipag-usap.

23 At sila ay mga mangangaral ng kabutihan, at nangusap at nagpropesiya, at nanawagan sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, na magsipagsisi; at ang pananampalataya ay itinuro sa mga anak ng tao.

24 At ito ay nangyari na ang lahat ng araw ni Jared ay siyam na raan at animnapu’t dalawang taon, at siya ay namatay.

25 At nabuhay si Enoc ng animnapu’t limang taon, at isinilang sa kanya si Matusalem.

26 At ito ay nangyari na si Enoc ay naglakbay sa lupain, sa mga tao; at habang siya ay naglalakbay, ang Espiritu ng Diyos ay bumaba mula sa langit, at nanahan sa kanya.

27 At siya ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit, nagsasabing: Enoc, aking anak, magpropesiya sa mga taong ito, at sabihin sa kanila—Magsisi, sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Ako ay nagagalit sa mga taong ito, at ang aking matinding galit ay nagsusumiklab laban sa kanila; sapagkat ang kanilang mga puso ay nagsitigas, at ang kanilang mga tainga ay bahagya nang makarinig, at ang kanilang mga mata ay hindi makakita sa malayo;

28 At sa maraming salinlahing ito, mula pa sa araw na aking nilalang sila, sila ay mga naligaw, at itinatwa ako, at hinangad ang kanilang sariling mga payo sa dilim; at sa kanilang sariling mga karumal-dumal na gawain sila ay bumalangkas ng mga pagpaslang, at hindi sinunod ang mga kautusan, na aking ibinigay sa kanilang amang si Adan.

29 Dahil dito, isinumpa nila ang kanilang sarili, at, sa pamamagitan ng kanilang mga sumpa, dinala nila ang kanilang sarili sa kamatayan; at isang impiyerno ang aking inihanda para sa kanila, kung sila ay hindi magsisisi;

30 At ito ay isang kautusan, na ipinadala ko sa simula ng daigdig, mula sa aking sariling bibig, mula sa pagkakatatag niyon, at sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga tagapaglingkod, na iyong mga ama, ay akin nang iniutos ito, maging ganito ito ay ipadadala sa daigdig, hanggang sa mga hangganan niyon.

31 At nang marinig ni Enoc ang mga salitang ito, kanyang iniyukod ang sarili sa lupa, sa harapan ng Panginoon, at nangusap, sa harapan ng Panginoon, nagsasabing: Bakit ako naging kalugud-lugod sa inyong paningin, at ako ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?

32 At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo, at walang taong mananakit sa iyo. Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin, sapagkat ang lahat ng laman ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin ang inaakala kong makabubuti.

33 Sabihin sa mga taong ito: Piliin ninyo sa araw na ito, na paglingkuran ang Panginoong Diyos na lumikha sa inyo.

34 Masdan, ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko.

35 At ang Panginoon ay nangusap kay Enoc at sinabi sa kanya: Pahiran mo ang iyong mga mata ng putik, at hugasan ang mga ito, at ikaw ay makakikita. At kanya ngang ginawa.

36 At kanyang namasdan ang mga espiritung nilalang ng Diyos; at kanya ring namasdan ang mga bagay na hindi nakikita nang likas na mata; at magmula noon ay lumaganap ang kasabihan sa buong lupain: Nagbangon ang Panginoon ng isang tagakita sa kanyang mga tao.

37 At ito ay nangyari na si Enoc ay humayo sa lupain, sa mga tao, tumatayo sa mga burol at sa matataas na lugar, at nangaral sa malakas na tinig, nagpapatotoo laban sa kanilang mga gawain; at ang lahat ng tao ay nasaktan dahil sa kanya.

38 At sila ay nagsihayo upang makinig sa kanya, sa matataas na lugar, nagsasabi sa mga tagapag-ingat ng mga tolda: Manatili kayo rito at ingatan ang mga tolda, habang kami ay magtutungo sa dako roon upang mamalas ang tagakita, sapagkat siya ay nagpopropesiya, at may kakaibang nangyayari sa lupain; isang baliw na lalaki ang humalubilo sa atin.

39 At ito ay nangyari na nang kanilang marinig siya, walang taong sumaling sa kanya; sapagkat nanaig ang takot sa lahat ng nakarinig sa kanya; sapagkat siya ay lumakad na kasama ang Diyos.

40 At may lumapit na isang lalaki sa kanya, na ang pangalan ay Mahijah, at sinabi sa kanya: Sabihin mo sa amin nang maliwanag kung sino ka, at kung saan ka nanggaling?

41 At kanyang sinabi sa kanila: Ako ay nanggaling sa lupain ng Cainan, na lupain ng aking mga ama, isang lupain ng kabutihan hanggang sa araw na ito. At tinuruan ako ng aking ama sa lahat ng landas ng Diyos.

42 At ito ay nangyari na, na habang ako ay naglalakbay mula sa lupain ng Cainan, sa may silangang dagat, ako ay nakamalas ng isang pangitain; at dinggin, ang kalangitan ay nakita ko, at ang Panginoon ay nakipag-usap sa akin, at binigyan ako ng kautusan; kaya, dahil dito, bilang pagsunod sa kautusan, aking sinasabi ang mga salitang ito.

43 At si Enoc ay nagpatuloy sa kanyang pagsasalita, nagsasabing: Ang Panginoon na siyang nakipag-usap sa akin, ay siya ring Diyos ng langit, at siya ang aking Diyos, at inyong Diyos, at kayo ay aking mga kapatid, at bakit kayo nagpapayo sa inyong sarili, at itinatatwa ang Diyos ng langit?

44 Ang kalangitan ay nilikha niya; ang mundo ay kanyang tungtungan ng paa; at ang mga saligan niyon ay kanya. Masdan, kanyang inilatag ito, maraming tao ang kanyang dinala sa ibabaw niyon.

45 At ang kamatayan ay sumapit sa ating mga ama; gayon pa man kilala natin sila, at hindi maitatatwa, at maging ang una sa lahat ay ating kilala, maging si Adan.

46 Sapagkat isang aklat ng alaala ang ating isinulat sa atin, alinsunod sa huwarang ibinigay ng daliri ng Diyos; at ito ay ibinigay sa ating sariling wika.

47 At habang si Enoc ay nangungusap ng mga salita ng Diyos, ang mga tao ay nanginig, at hindi sila nakatagal sa kanyang harapan.

48 At kanyang sinabi sa kanila: Sapagkat si Adan ay nahulog, tayo ay nagkagayon; at dahil sa kanyang pagkahulog ay sumapit ang kamatayan; at tayo ay naging kasalo ng kalungkutan at kapighatian.

49 Masdan si Satanas ay humalubilo sa mga anak ng tao, at tinukso silang sambahin siya; at ang mga tao ay naging makamundo, mahalay, at maladiyablo, at pinagsarhan mula sa kinaroroonan ng Diyos.

50 Subalit ipinaalam ng Diyos sa ating mga ama na ang lahat ng tao ay kinakailangang magsisi.

51 At tinawag niya ang ating amang si Adan sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, nagsasabing: Ako ang Diyos; ako ang lumikha ng daigdig, at ng mga tao bago pa sila napasalaman.

52 At kanya ring sinabi sa kanya: Kung ikaw ay babaling sa akin, at makikinig sa aking tinig, at maniniwala, at magsisisi sa lahat ng iyong paglabag, at magpapabinyag, maging sa tubig, sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, na si Jesucristo, ang tanging pangalang ibibigay sa silong ng langit, kung saan ang kaligtasan ay sasapit sa mga anak ng tao, ikaw ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo, hinihiling ang lahat ng bagay sa kanyang pangalan, at kung ano man ang iyong hihilingin, ito ay ibibigay sa iyo.

53 At ang ating amang si Adan ay nangusap sa Panginoon, at nagsabi: Bakit kinakailangang ang tao ay magsisi at magpabinyag sa tubig? At sinabi ng Panginoon kay Adan: Masdan, pinatawad kita sa iyong paglabag sa Halamanan ng Eden.

54 Dahil dito lumaganap ang kasabihan sa lahat ng dako, sa mga tao, na ang Anak ng Diyos ang nagbayad-sala sa kauna-unahang pagkakasala, kung saan ang mga kasalanan ng mga magulang ay hindi maaaring ipasagot sa mga ulo ng mga anak, sapagkat sila ay buo mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.

55 At ang Panginoon ay nangusap kay Adan, nagsasabing: Yayamang ang iyong mga anak ay ipinaglihi sa kasalanan, maging kapag sila ay magsimula nang lumaki, ang kasalanan ay nabubuo sa kanilang mga puso, at kanilang matitikman ang pait, upang kanilang matutuhang pahalagahan ang mabuti.

56 At ibinigay sa kanila na malaman ang mabuti sa masama; anupa’t sila ay malayang makapipili sa kanilang sarili, at ako ay nagbigay sa iyo ng isa pang batas at kautusan.

57 Dahil dito, ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan; sapagkat, sa wika ni Adan, Tao ng Kabanalan ang kanyang pangalan, at ang pangalan ng kanyang Bugtong na Anak ay Anak ng Tao, maging si Jesucristo, isang makatarungang Hukom, na paparito sa kalagitnaan ng panahon.

58 Samakatwid, ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak, nagsasabing:

59 Dahil sa paglabag ay sumapit ang pagkahulog, kung aling pagkahulog ay nagdala ng kamatayan, at yayamang kayo ay isinilang sa daigdig sa pamamagitan ng tubig, at dugo, at ng espiritu, na aking nilikha, at sa gayon ang alabok ay naging isang kaluluwang may buhay, gayon man kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian;

60 Sapagkat sa pamamagitan ng tubig inyong sinusunod ang kautusan; sa pamamagitan ng Espiritu, kayo ay binibigyang-katwiran, at sa pamamagitan ng dugo kayo ay pinababanal;

61 Anupa’t ito ay ibinigay upang manatili sa inyo; ang patotoo ng langit; ang Mang-aaliw; ang mga mapagpayapang bagay ng kawalang-kamatayang kaluwalhatian; ang katotohanan ng lahat ng bagay; yaong nagpapasigla sa lahat ng bagay, na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay; na nakaaalam ng lahat ng bagay, at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan alinsunod sa karunungan, awa, katotohanan, katarungan, at kahatulan.

62 At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo: Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak, na paparito sa kalagitnaan ng panahon.

63 At masdan, ang lahat ng bagay ay may kani-kanyang kahalintulad, at ang lahat ng bagay ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin, kapwa mga bagay na temporal, at mga bagay na espirituwal; mga bagay na nasa langit sa itaas, at mga bagay na nasa lupa, at mga bagay na nasa loob ng lupa, at mga bagay na nasa ilalim ng lupa, kapwa sa itaas at sa ilalim: lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa akin.

64 At ito ay nangyari na, nang ang Panginoon ay nakipag-usap kay Adan, na ating ama, na si Adan ay nagsumamo sa Panginoon, at siya ay tinangay ng Espiritu ng Panginoon, at dinala sa tubig, at inilubog sa tubig, at iniahon mula sa tubig.

65 At sa gayon siya nabinyagan, at ang Espiritu ng Diyos ay napasakanya, at sa gayon siya isinilang sa Espiritu, at nabuhay ang panloob na pagkatao.

66 At siya ay nakarinig ng isang tinig mula sa langit, nagsasabing: Ikaw ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo. Ito ang patotoo ng Ama, at ng Anak, magmula ngayon at magpakailanman;

67 At ikaw ay alinsunod sa orden niya na walang simula ng mga araw o wakas ng mga taon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.

68 Masdan, ikaw ay kaisa ko, isang anak ng Diyos; at sa gayon maaaring ang lahat ay maging aking mga anak. Amen.