Alma 49
Mga Download
Buong Aklat (PDF)
Mga Footnote
Theme

Kabanata 49

Hindi magapi ng mga sumasalakay na mga Lamanita ang mga pinatibay na lunsod ng Ammonihas at Noe—Isinumpa ni Amalikeo ang Diyos at nangakong iinumin ang dugo ni Moroni—Si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay nagpatuloy sa pagpapalakas sa simbahan. Mga 72 B.C.

1 At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikalabing-isang buwan ng ikalabingsiyam na taon, sa ikasampung araw ng buwan, ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nakitang papalapit patungo sa lupain ng Ammonihas.

2 At masdan, ang lunsod ay muling itinayo, at si Moroni ay nagtalaga ng isang hukbo sa mga hangganan ng lunsod, at sila ay nagtaas ng lupa sa paligid upang sumanggalang sa kanila mula sa mga palaso at mga bato ng mga Lamanita; sapagkat masdan, sila ay lumalaban sa pamamagitan ng mga bato at ng mga palaso.

3 Masdan, sinabi ko na ang lunsod ng aAmmonihas ay muling itinayo. Sinasabi ko sa inyo, oo, na ang bahagi nito ay muling itinayo; at dahil ito ay minsan nang winasak ng mga Lamanita dahil sa kasamaan ng mga tao, inakala nila na muli itong magiging madaling huli para sa kanila.

4 Subalit masdan, anong laki ng kanilang kabiguan; sapagkat masdan, ang mga Nephita ay nakapaghukay ng isang tagaytay ng lupa sa paligid nila, na napakataas kung kaya’t hindi mabisang maipukol ng mga Lamanita ang kanilang mga bato at kanilang mga palaso sa kanila, ni hindi nila masalakay sila maliban lamang sa kanilang lugar ng pasukan.

5 Ngayon sa oras na ito ay labis na nanggilalas ang mga punong kapitan ng mga Lamanita, dahil sa karunungan ng mga Nephita sa paghahanda ng kanilang mga lugar ng dulugan.

6 Ngayon inakala ng mga pinuno ng mga Lamanita, dahil sa kalakihan ng kanilang bilang, oo, inakala nilang magkakaroon sila ng pribilehiyong salakayin sila tulad ng kanilang nagawa noon; oo, at hinandaan din nila ang kanilang sarili ng mga kalasag, at ng baluti sa dibdib at hinandaan din nila ang kanilang sarili ng mga kasuotang balat, oo, labis na makakapal na kasuotan upang matakpan ang kanilang kahubaran.

7 At dahil sa ganitong kahandaan ay inakala nilang kanilang madaling magagapi at mapapasailalim ang kanilang mga kapatid sa singkaw ng pagkaalipin, o ang patayin at lipulin sila alinsunod sa kanilang ikasisiya.

8 Subalit masdan, sa kanilang labis-labis na panggigilalas, sila ay anakahanda para sa kanila, sa isang kaparaanang hindi pa kailanman nalaman sa mga anak ni Lehi. Ngayon, sila ay nakahanda para sa mga Lamanita, upang makidigma alinsunod sa mga tagubilin ni Moroni.

9 At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita, o ang mga Amalikeohita, ay labis-labis ang panggigilalas sa kanilang pamamaraan ng paghahanda para sa digmaan.

10 Ngayon, kung si haring Amalikeo ay humayo mula sa alupain ng Nephi, sa unahan ng kanyang hukbo, ay baka iniutos niya sa mga Lamanita na salakayin ang mga Nephita sa lunsod ng Ammonihas; sapagkat masdan, hindi niya pinahahalagahan ang dugo ng kanyang mga tao.

11 Subalit masdan, si Amalikeo rin ay hindi humayo upang makidigma. At masdan, ang kanyang mga punong kapitan ay hindi nagtangkang salakayin ang mga Nephita sa lunsod ng Ammonihas, sapagkat binago ni Moroni ang pamamalakad ng mga pamumuhay sa mga Nephita, kung kaya nga’t ang mga Lamanita ay nabigo sa kanilang mga lugar ng dulugan at hindi nila sila masalakay.

12 Anupa’t sila ay umatras sa ilang, at dinala ang kanilang kuta at humayo patungo sa lupain ng Noe, inaakalang yaon ang susunod na mainam na lugar para sa kanila upang masalakay ang mga Nephita.

13 Sapagkat hindi nila nalalamang pinatibay ni Moroni, o nagtayo ng mga akuta ng dulugan, ang bawat lunsod sa buong lupain sa paligid; kaya nga, sila ay humayo sa lupain ng Noe nang may matatag na pagtitika; oo, ang kanilang mga punong kapitan ay nagsihayo at nakipagtipang kanilang lilipulin ang mga tao ng lunsod na yaon.

14 Subalit masdan, sa kanilang panggigilalas, ang lunsod ng Noe, na noon ay mahinang lugar, ngayon, dahil kay Moroni, ay naging malakas, oo, maging hanggang sa malampasan ang lakas ng lunsod ng Ammonihas.

15 At ngayon, masdan, ito ay karunungan ni Moroni; sapagkat kanyang inakala na sila ay matatakot sa lunsod ng Ammonihas; at dahil ang lunsod ng Noe ang pinakamahinang bahagi ng lupain noon, anupa’t sila ay magtutungo roon upang makidigma; at gayon nga ito alinsunod sa kanyang mga naisin.

16 At masdan, hinirang ni Moroni si Lehi na maging punong kapitan ng mga tauhan sa lunsod na yaon; at ito ang ayaon ding Lehi na nakipaglaban sa mga Lamanita sa lambak na nasa silangan ng ilog Sidon.

17 At ngayon masdan ito ay nangyari na, nang matuklasan ng mga Lamanita na si Lehi ang namumuno sa lunsod ay muli silang nabigo, sapagkat labis silang natatakot kay Lehi; gayon pa man, ang kanilang mga punong kapitan ay nangako nang may panunumpa na sasalakayin ang lunsod; kaya nga, pinamunuan nila ang kanilang mga hukbo.

18 Ngayon masdan, ang mga Lamanita ay hindi makapasok sa kanilang mga kuta ng dulugan sa kahit anong pamamaraan maliban na lamang sa pasukan, dahil sa kataasan ng tagaytay na ginawa, at sa kalaliman ng bambang na hinukay sa paligid, maliban sa pasukan.

19 At sa gayon ang mga Nephita ay nahahandang patayin ang lahat ng mangangahas na umakyat upang makapasok sa kuta sa ibang daan, sa pamamagitan ng pagpupukol ng mga bato at palaso sa kanila.

20 Sa gayon sila nakahanda, oo, isang pangkat ng pinakamalakas nilang tauhan, na may mga espada at may mga tirador, upang patamaan ang lahat ng mangangahas na pumasok sa kanilang lugar ng dulugan sa lugar ng pasukan; at sa gayon sila nakahandang ipagtanggol ang sarili laban sa mga Lamanita.

21 At ito ay nangyari na, na ang mga kapitan ng mga Lamanita ay dinala ang kanilang mga hukbo sa harapan ng lugar ng pasukan, at nagsimulang makipaglaban sa mga Nephita, upang makapasok sa kanilang lugar ng dulugan; subalit masdan, sila ay naitataboy sa pana-panahon, kung kaya’t sila ay napatay nang malubhang pagkatay.

22 Ngayon, nang malaman nilang hindi sila makakukuha ng lakas laban sa mga Nephita sa daanan, sila ay nagsimulang humukay ng kanilang tagaytay upang sila ay magkaroon ng daanan patungo sa kanilang mga hukbo, upang sila ay magkaroon ng patas na labanan; subalit masdan, sa mga pagtatangkang ito sila ay tinatamaan ng mga bato at palasong ipinupukol sa kanila; at sa halip na mapuno ang kanilang mga bambang ng pinapatag na tagaytay ng lupa, sila ay napuno nang bahagya ng kanilang mga patay at sugatang mga katawan.

23 Sa gayon napasa mga Nephita ang lahat ng kapangyarihan sa kanilang mga kaaway; at sa gayon ang mga Lamanita ay nangahas na patayin ang mga Nephita hanggang sa ang lahat ng kanilang punong kapitan ay mapatay; oo, at mahigit sa isanlibo sa mga Lamanita ang napatay; samantalang, sa kabilang panig, ay wala ni isang katao man lamang sa mga Nephita ang napatay.

24 May mga limampung sugatan, na nalantad sa mga palaso ng mga Lamanita sa daanan, subalit sila ay pinagsanggalang ng kanilang mga kalasag, at kanilang mga baluti sa dibdib, at kanilang mga baluti sa ulo, kung kaya’t ang kanilang mga sugat ay nasa kanilang mga paa, marami sa mga ito ay labis na malulubha.

25 At ito ay nangyari na, nang makita ng mga Lamanita na ang kanilang mga punong kapitan ay napatay nang lahat, sila ay nagsitakas sa ilang. At ito ay nangyari na, na sila ay bumalik sa lupain ng Nephi, upang ipaalam sa kanilang hari, na si Amalikeo, na isang Nephita sa pagsilang, ang hinggil sa kanilang malaking pagkatalo.

26 At ito ay nangyari na, na labis siyang nagalit sa kanyang mga tao, dahil sa hindi niya nakuha ang kanyang nais sa mga Nephita; hindi niya napasailalim sila sa singkaw ng pagkaalipin.

27 Oo, labis siyang napoot, at aisinumpa niya ang Diyos, at gayon din si Moroni, nangangako nang may bpanunumpa na iinumin niya ang kanyang dugo; at ito ay dahil sa sinunod ni Moroni ang mga kautusan ng Diyos sa paghahanda para sa kaligtasan ng kanyang mga tao.

28 At ito ay nangyari na, na sa kabilang dako, apinasalamatan ng mga tao ni Nephi ang Panginoon nilang Diyos, dahil sa kanyang walang kapantay na kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.

29 At sa gayon nagtapos ang ikalabingsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

30 Oo, at nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa kanila, at labis na kasaganaan sa simbahan dahil sa kanilang pagsunod at pagsusumigasig na kanilang ibinigay sa salita ng Diyos, na ipinahayag sa kanila ni Helaman, at Siblon, at Corianton, at ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, oo, at ng lahat ng yaong inordenan sa banal na aorden ng Diyos, matapos mabinyagan tungo sa pagsisisi, at isinugo na mangaral sa mga tao.