Mga Banal na Kasulatan
Alma 12


Kabanata 12

Nangusap si Alma kay Zisrom—Ang mga hiwaga ng Diyos ay maibibigay lamang sa matatapat—Hahatulan ang mga tao alinsunod sa kanilang mga nasasaisip, paniniwala, salita, at gawa—Magdurusa ng kamatayang espirituwal ang masasama—Ang may kamatayang buhay na ito ay isang kalagayan ng pagsubok—Ang plano ng pagtubos ay pinapapangyari ang Pagkabuhay na Mag-uli at, sa pamamagitan ng pananampalataya, ang kapatawaran ng mga kasalanan—Makaaangkin ng awa ang nagsisisi sa pamamagitan ng Bugtong na Anak. Mga 82 B.C.

1 Ngayon, si Alma, nang makitang napatahimik si Zisrom ng mga salita ni Amulek, sapagkat namasdan niyang nahuli siya ni Amulek sa kanyang pagsisinungaling at panlilinlang upang siya ay wasakin, at nang makita na nagsimula siyang manginig dahil sa pagkabatid sa kanyang pagkakasala, binuksan niya ang kanyang bibig at nagsimulang mangusap sa kanya, at pagtibayin ang mga salita ni Amulek, at ipaliwanag pa nang higit ang mga bagay, o ilahad ang mga banal na kasulatan nang higit sa ginawa ni Amulek.

2 Ngayon, ang mga salitang sinabi ni Alma kay Zisrom ay narinig ng mga tao sa palibot; sapagkat ang mga tao ay napakarami, at siya ay nagsalita sa ganitong paraan:

3 Ngayon, Zisrom, nakita mo na ikaw ay nahuli sa iyong mga kasinungalingan at katusuhan, sapagkat ikaw ay nagsinungaling hindi lamang sa mga tao kundi ikaw ay nagsinungaling sa Diyos; sapagkat dinggin, nalalaman niya ang lahat ng iyong mga iniisip, at iyong nakita na ang mga nasasaisip mo ay ipinaaalam sa amin ng kanyang Espiritu;

4 At nakita mong alam namin na ang iyong plano ay isang napakatusong plano, alinsunod sa katusuhan ng diyablo, upang magsinungaling at linlangin ang mga taong ito nang magawa mo na mamuhi sila laban sa amin, upang kami ay laitin at upang maitaboy kami—

5 Ngayon, ito ang plano ng iyong kaaway, at ginamit niya ang kanyang kapangyarihan sa iyo. Ngayon, nais kong iyong pakatandaan na kung ano ang sinasabi ko sa iyo ay sinasabi ko sa lahat.

6 At dinggin, sinasabi ko sa inyong lahat na ito ay isang patibong ng kaaway, na kanyang inilatag upang mahuli ang mga taong ito, nang kayo ay mapasailalim sa kanya, upang maigapos niya kayo ng kanyang mga tanikala, nang maitanikala niya kayo sa walang hanggang pagkawasak, alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagkabihag.

7 Ngayon, nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, si Zisrom ay nagsimulang manginig nang labis, sapagkat siya ay mas lalo pang napaniwala sa kapangyarihan ng Diyos; at napaniwala rin siya na sina Alma at Amulek ay may nalalaman tungkol sa kanya, sapagkat siya ay naniniwalang alam nila ang mga saloobin at layunin ng kanyang puso; sapagkat binigyan sila ng kapangyarihan upang kanilang malaman ang mga bagay na ito alinsunod sa diwa ng propesiya.

8 At si Zisrom ay nagsimulang magtanong sa kanila nang buong sigasig, upang may mas malaman pa siya hinggil sa kaharian ng Diyos. At sinabi niya kay Alma: Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Amulek hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na ang lahat ay babangon mula sa mga patay, kapwa ang matwid at hindi matwid, at dadalhin upang tumayo sa harapan ng Diyos upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa?

9 At ngayon, nagsimula si Alma na ipaliwanag ang mga bagay na ito sa kanya, sinasabing: Ibinigay sa marami na malaman ang mga hiwaga ng Diyos; gayunpaman, sila ay ipinasailalim sa isang mahigpit na pag-uutos na hindi sila maghahayag maliban sa naaayon lamang sa bahagi ng kanyang salita na ipagkakaloob niya sa mga anak ng tao, alinsunod sa pakikinig at pagsusumigasig na kanilang ibinibigay sa kanya.

10 At samakatwid, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ay tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang mga hiwaga ng Diyos hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito.

11 At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang alam hinggil sa kanyang mga hiwaga; at pagkatapos, sila ay kukuning bihag ng diyablo, at aakayin ng kanyang kagustuhan tungo sa pagkawasak. Ngayon, ito ang ibig sabihin ng mga tanikala ng impiyerno.

12 At si Amulek ay nagsalita nang malinaw hinggil sa kamatayan, at ang pagbabangon mula sa may kamatayang ito tungo sa isang kalagayan ng walang kamatayan, at ang pagdadala sa harapan ng hukuman ng Diyos upang hatulan alinsunod sa ating mga gawa.

13 Gayon nga, kung ang ating mga puso ay naging matitigas, oo, kung pinatigas natin ang ating mga puso laban sa salita, kung kaya’t hindi na yaon matagpuan sa atin, kung magkakagayon, ang ating kalagayan ay magiging nakapanghihilakbot, sapagkat sa gayon tayo huhusgahan.

14 Sapagkat ang ating mga salita ang hahatol sa atin, oo, lahat ng ating mga gawa ang hahatol sa atin; tayo ay hindi matatagpuang walang bahid-dungis; at ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin; at sa gayong nakapanghihilakbot na kalagayan, tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos; at tayo ay magagalak kung ating mauutusan ang mga bato at ang mga bundok na bumagsak sa atin upang itago tayo mula sa kanyang harapan.

15 Datapwat hindi ito maaari; tayo ay kailangang lumabas at tumayo sa harapan niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kanyang kapangyarihan, at sa kanyang lakas, kamahalan, at pamamahala, at aminin sa ating walang hanggang kahihiyan na ang lahat ng kanyang mga hatol ay makatarungan; na siya ay makatarungan sa lahat ng kanyang mga gawa, at na siya ay maawain sa mga anak ng tao, at na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan upang iligtas ang bawat taong naniniwala sa kanyang pangalan at namumunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi.

16 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo na pagkatapos ay darating ang isang kamatayan, maging ang ikalawang kamatayan, na isang kamatayang espirituwal; iyon ang sandali na sinumang namatay sa kanyang mga kasalanan, alinsunod sa isang temporal na kamatayan, ay mamamatay rin ng kamatayang espirituwal; oo, siya ay mamamatay sa mga bagay na nauukol sa katwiran.

17 Iyon ang sandali kung kailan ang kanilang mga pagdurusa ay magiging kagaya ng isang lawa ng apoy at asupre, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan; at iyon ang sandali na sila ay tatanikalaan pababa sa isang walang hanggang pagkawasak, alinsunod sa kapangyarihan at pagkabihag ni Satanas, siya na nagpasailalim sa kanila alinsunod sa kanyang kagustuhan.

18 Kung magkakagayon, sinasabi ko sa iyo, para bang walang pagtubos na ginawa sa kanila; sapagkat sila ay hindi matutubos alinsunod sa katarungan ng Diyos; at sila ay hindi mamamatay, nakikitang wala nang kabulukan.

19 Ngayon, ito ay nangyari na nang matapos na si Alma sa pangungusap sa mga salitang ito, ang mga tao ay nagsimulang lalong manggilalas;

20 Subalit may isang Antionas, na siyang punong tagapamahala sa kanila, ang lumapit at nagsabi sa kanya: Ano itong sinabi mo na ang tao ay babangon mula sa mga patay at mababago mula sa pagiging may kamatayan tungo sa walang kamatayang kalagayan, na ang kaluluwa ay hindi kailanman mamamatay?

21 Ano ang ibig sabihin ng banal na kasulatan, na nagsasabing ang Diyos ay naglagay ng mga querubin at isang nagniningas na espada sa silangan ng halamanan ng Eden, na baka ang ating mga unang magulang ay makapasok at makakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at mabuhay magpakailanman? At sa gayon nakikita natin na walang pagkakataon na sila ay mabuhay magpakailanman.

22 Ngayon, sinabi sa kanya ni Alma: Ito ang bagay na akin sanang ipaliliwanag. Ngayon, nakita natin na si Adan ay nahulog dahil sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, alinsunod sa salita ng Diyos; at sa gayon nakikita natin na sa kanyang pagkahulog, ang buong sangkatauhan ay naging isang ligaw at mga nahulog na tao.

23 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo na kung nangyari na si Adan ay nakakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay noong panahong yaon, hindi na sana nagkaroon ng kamatayan, at ang salita ay mawawalang-saysay, na ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat kanyang sinabi: Kung ikaw ay kakain, ikaw ay tiyak na mamamatay.

24 At nakikita natin na ang kamatayan ay sumasapit sa sangkatauhan, oo, ang kamatayang sinasabi ni Amulek, na temporal na kamatayan; gayunpaman, may isang panahong ipinagkaloob sa tao kung kailan siya ay maaaring magsisi; kaya nga ang buhay na ito ay naging isang kalagayan ng pagsubok; isang panahon upang maghandang humarap sa Diyos; isang panahon upang maghanda para sa walang hanggang kalagayan na sinasabi namin, na pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.

25 Ngayon, kung hindi dahil sa plano ng pagtubos na inilatag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ang mga patay; ngunit may isang plano ng pagtubos na inilatag, na magpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na sinasabi.

26 At ngayon, dinggin, kung nangyari na ang ating mga unang magulang ay nakahayo at nakakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, sila sana ay naging kaaba-aba magpakailanman, na walang pagkakataong makapaghanda; at kung nagkagayon, ang plano ng pagtubos ay nahadlangan, at ang salita ng Diyos ay nawalang-saysay, nawalan ng bisa.

27 Subalit dinggin, ito ay hindi gayon; kundi itinakda sa mga tao na sila ay kailangang mamatay; at pagkatapos ng kamatayan, sila ay haharap sa paghuhukom, maging sa yaong paghuhukom na aming sinabi, na siyang katapusan.

28 At matapos itakda ng Diyos na ang mga bagay na ito ay sasapit sa tao, dinggin, pagkatapos ay nakita niya na kapaki-pakinabang na malaman ng tao ang hinggil sa mga bagay na kanyang itinakda para sa kanila;

29 Samakatwid, siya ay nagsugo ng mga anghel upang makipag-usap sa kanila, na nag-utos sa mga tao na masdan ang kanyang kaluwalhatian.

30 At sila ay nagsimula buhat sa panahong yaon na manawagan sa kanyang pangalan; kaya nga ang Diyos ay nakipag-usap sa mga tao, at ipinaalam sa kanila ang plano ng pagtubos na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; at ito ay ipinaalam niya sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya at pagsisisi at sa kanilang mga banal na gawa.

31 Samakatwid, siya ay nagbigay ng mga kautusan sa mga tao, sila na unang lumabag sa mga unang kautusan ukol sa mga bagay na temporal, at naging katulad ng mga diyos, nalalaman ang mabuti sa masama, na inilalagay ang kanilang sarili sa kalagayang makakilos, o nasa sa isang kalagayang makakikilos alinsunod sa kanilang mga kalooban at kasiyahan, kung gagawa ng masama o gagawa ng mabuti—

32 Samakatwid, ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos ipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos, upang hindi sila gumawa ng masama, ang parusa niyon ay ikalawang kamatayan, na isang walang hanggang kamatayan hinggil sa mga bagay na nauukol sa katwiran; sapagkat sa mga gayon, ang plano ng pagtubos ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan, sapagkat ang mga gawa ng katarungan ay hindi mawawasak, alinsunod sa sukdulang kabutihan ng Diyos.

33 Datapwat ang Diyos ay nanawagan sa mga tao, sa pangalan ng kanyang Anak, (ito na plano ng pagtubos na inilatag) sinasabing: Kung kayo ay magsisisi, at hindi patitigasin ang inyong mga puso, sa gayon, ako ay maaawa sa inyo, sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;

34 Samakatwid, ang sinumang magsisisi, at hindi patitigasin ang kanyang puso, maaangkin niya ang awa sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak, tungo sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan; at sila ay papasok sa aking kapahingahan.

35 At ang sinumang magpapatigas ng kanyang puso at gagawa ng kasamaan, dinggin, isinusumpa ko sa aking kapootan na siya ay hindi makapapasok sa aking kapahingahan.

36 At ngayon, aking mga kapatid, dinggin, sinasabi ko sa inyo, na kung inyong patitigasin ang inyong mga puso, kayo ay hindi makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon; kaya nga, ang inyong kasamaan ang magbubunsod sa kanya na ipadala niya ang kanyang poot sa inyo kagaya ng unang pagpapagalit, oo, alinsunod sa kanyang salita sa huling pagpapagalit kagaya rin noong una, tungo sa walang hanggang pagkawasak ng inyong mga kaluluwa; kaya nga, alinsunod sa kanyang salita, hanggang sa huling pagkamatay, kagaya rin noong una.

37 At ngayon, aking mga kapatid, nakikitang nalalaman namin ang mga bagay na ito, at totoo ang mga yaon, tayo ay magsisi, at huwag patigasin ang ating mga puso, upang hindi natin mabunsuran ang Panginoon nating Diyos na ipadama sa atin ang kanyang poot sa yaong kanyang mga pangalawang kautusan na ibinigay niya sa atin; kundi pumasok tayo sa kapahingahan ng Diyos, na inihanda ayon sa kanyang salita.