2020
Tanggapin ang Handog
Disyembre 2020


Tanggapin ang Handog

Ang pag-aaral ng salita ng Diyos, paglilingkod, pagsisisi, at pagpunta sa templo ay magpapadama sa atin ng pagmamahal ng Diyos sa Paskong ito.

Larawan
illustraton of the tree of life

Isang gabi ng Nobyembre natuklasan ko pagkauwi ko na ginawang Christmas wonderland ng mga anak ko ang kanilang silid. Nagagayakan ng mga Christmas tree, nagniningning na garland, mga linya ng mga ilaw, at mga papel na snowflake ang mga sulok, kama, pader, at kisame. Isang gawa sa bahay na tsiminea na kumpleto sa mga kahoy, ilaw, at medyas ang kumumpleto sa displey. Ang kagila-gilalas na tagpong iyon ng Pasko ay nagpasaya sa aming tahanan at mga puso.

Isa pa sa mga paborito kong tagpo sa Pasko ay inilarawan ng propetang si Nephi. Ikinuwento ng ama ni Nephi, si Lehi, ang isang panaginip kung saan nakita niya ang isang magandang punungkahoy na ang bunga ay pumuspos ng kagalakan sa kanyang kaluluwa (tingnan sa 1 Nephi 8:12). Ninais ni Nephi na makita rin niya ang punungkahoy na inilarawan ng kanyang ama. Bilang sagot sa panalangin, ipinakita kay Nephi ang isang pangitain. Ang salaysay ni Nephi tungkol sa karanasang iyon, para sa akin, ay isang magandang kuwento ng Pasko. Isinulat niya:

“At ito ay nangyari na, na matapos kong makita ang punungkahoy, sinabi ko sa Espiritu: Namasdan kong ipinakita mo sa akin ang punungkahoy na pinakamahalaga sa lahat.

“At sinabi niya sa akin: Ano ang ninanais mo?

“At sinabi ko sa kanya: Ang malaman ang kahulugan nito …

“… At namasdan ko ang lunsod ng Nazaret; at sa lunsod ng Nazaret ay namasdan ko ang isang birhen, at siya ay napakaganda at napakaputi. …

“… At sinabi niya sa akin: Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman.

“… At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:9–11, 13, 18, 20–21).

Palagay ko’y mahalaga na nang hilingin ni Nephi na malaman ang kahulugan ng puno, ipinakita sa kanya ang unang Pasko. Pagkatapos ay itinanong ng Espiritu kung naunawaan ni Nephi ang kahulugan ng puno. Ibinigay ni Nephi ang inspiradong sagot na ito:

“Oo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay.”

Idinagdag pa ng Espiritu, “Oo, at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23).

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nalaman ni Nephi na ang bagay na lubhang kanais-nais at nakalulugod sa ating kaluluwa ay ang madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Iyon ang tunay na handog ng Pasko. Gayunman, marami sa atin ang nahihirapang madama ang pagmamahal ng Diyos sa ating buhay—kahit ngayong Kapaskuhan. Narito ang apat na mungkahi ng mga bagay na magagawa natin para matanggap ang handog na pagmamahal ng Diyos sa Kapaskuhang ito.

1. Pag-aralan ang Salita ng Diyos

Simulan o panibaguhin ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga buhay na propeta. Sa pangitain ni Lehi, nakita niya ang “gabay na bakal” (1 Nephi 8:19) na patungo sa puno. Ang mga taong nakadama sa pagmamahal ng Diyos ay humawak sa gabay na bakal, mahigpit na kumapit dito, at nagpatuloy sa paglakad hanggang sa makakain sila ng bunga ng punungkahoy (tingnan sa 1 Nephi 8:30). Nalaman ni Nephi na ang gabay na bakal na ito ay kumakatawan sa salita ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25).

Maaanyayahan natin ang Panginoon sa ating buhay sa pag-aaral ng Kanyang mga salita. Hindi kailangang maging mahirap ang ating pangako. Kapag itinatanong ng mga kaibigan kung gaano katagal nila dapat pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ang madalas kong sagot ay, “Magbasa kayo hanggang sa madama ninyo ang Espiritu; pagkatapos ay madarama ninyo ang hangaring magpatuloy.” Hindi ang bilang ng mga minuto, talata, o kabanatang nababasa natin ang mahalaga. Ang mas mahalaga ay ang karanasang hangad nating taglayin kasama ang Espiritu habang tayo ay nag-aaral. Pagpapalain tayo ng Panginoon sa bawat mumunting pagsisikap na ginagawa natin.

Kabilang sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Disyembre ang aklat ni Moroni at ang isang espesyal na kabanata na pinamagatang “Pasko.” Wala nang mas magandang pagkakataon na ituon ang ating sarili sa mga banal na kasulatan maliban sa pag-aaral ng mga panalangin sa sakramento at mga salita ng mga propetang gaya ni Moroni habang sila ay makapangyarihan at personal na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.

Maaari rin nating pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta sa pamamagitan ng pagbasa sa mga isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona o sa pakikinig sa kanilang mga mensahe sa Gospel Library. Gaya ng gabay na bakal sa panaginip ni Lehi, ang ating panibagong pag-aaral ng mga salita ni Cristo ay maaaring umakay sa atin para madama ang pagmamahal ng Diyos sa Paskong ito.

2. Maglingkod

Ang pinaka-natatanging Pasko marahil noong kabataan ko ay ang taon na sumama ang aming pamilya sa aking mga tita, tito, at pinsan para mamigay ng damit, pagkain, laruan, salamin sa mata, at mga kasangkapan sa isang pamilyang nangangailangan. Hindi ko malilimutan kailanman na naging bahagi kami ng malaking grupo na nagdala ng Pasko sa kanilang tahanan. Nagpatuloy ang damdaming iyon makalipas ang Pasko at ang mga pasasalamat ng ina at apat niyang anak ay nananatili sa aking alaala. Ang paglilingkod sa pamilyang iyon ay nagtulot sa pag-ibig ng Diyos na “l[um]aganap” (1 Nephi 11:22) sa puso ko.

Ang ating paglilingkod sa iba ay hindi kailangang maging napakalaki o kumplikado. Habang naglilingkod bilang bishop, nalaman ko na marami sa ating mga ward at komunidad, sa anumang araw, ang nalulumbay, nababalisa, o nahihirapan. Ang isang tawag sa telepono, maalalahaning text message, maikling liham, pagkaing lutong-bahay, paglalakad na kasama ang mga kapitbahay, o isang alok na tumulong sa mga anak ng isang tao ay maaaring isang himalang hulog ng langit at sagot sa panalangin.

Kung itatanong natin sa ating Ama sa Langit, “May matutulungan po ba ako ngayon?” maaaring pumasok sa ating isipan ang isang pangalan o mukha, at ipapaunawa sa atin ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo kung paano natin mapagpapala ang taong iyon. Kapag kumilos tayo ayon sa mga pahiwatig na iyon, madarama natin ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila at sa atin.

Ang inisyatibo ng Simbahan na “Light the World [Maging Ilaw ng Sanglibutan]” ay nagpapahiwatig ng mga simpleng paglilingkod para maipadama sa iba ang pagmamahal ng Diyos. Kung nagpapahiwatig sa inyo ang Espiritu na tanggapin ang handog na pagmamahal ng Diyos sa inyong buhay sa pamamagitan ng paglilingkod sa Paskong ito, matutulungan kayo ng Light the World [Maging Ilaw ng Sanglibutan] na magsimula (bisitahin ang ComeuntoChrist.org).

3. Magsisi

Ang ikatlong paanyaya ay tanggapin ang handog na pagsisisi ng Tagapagligtas. Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu: “Pagsisisi ang kaloob ng Diyos na laging matatamo na nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na paulit-ulit na mabigo nang hindi nawawala ang kasigasigan. Ang pagsisisi ay hindi Niya alternatibong plano sakali mang mabigo tayo. Pagsisisi ang Kanyang plano, batid na gagawin natin ito.”1

Mahirap ang buhay na ito. Sa pagsisikap nating magkamit ng buhay na walang-hanggan, lahat tayo ay nagkukulang at nangangailangan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang isa sa mga dahilan kaya kusang-loob na pinili ng Tagapagligtas na danasin ang parusa para sa ating mga kasalanan ay para maibigay Niya sa atin ang kaloob na pagsisisi. Nagsakripisyo na Siya. Ang kailangan lang nating gawin ay piliin kung tatanggapin natin ang Kanyang paanyaya:

“Anupa’t sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Masdan, sapagkat sa kanila ko inialay ang aking buhay, at muling kinuha ito; kaya nga magsisi, at lumapit sa akin kayong mga nasa dulo ng mundo, at maligtas” (3 Nephi 9:22).

Palagay ko ay may pasan tayong lahat na kasalanan, malaki o maliit, na idinidikta ng Espiritu na idiskarga natin. Makakatulong ang ating mga bishop at stake president. Mabait at mapagpatawad ang Tagapagligtas, at ibinabahagi Niya ang mga damdaming ito sa Kanyang mga lingkod. Mahal nila tayo at matutulungan tayong gumaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Matatanggap ng bawat isa sa atin ang alok ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at mapagaling sa Paskong ito.

4. Bisitahin ang Bahay ng Panginoon

Ang ilan sa mga sandaling nadama ko ang pagmamahal ng Diyos ay sa Kanyang mga banal na templo. Doon, nabuklod kaming mag-asawa para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Nagpunta ako roon para humingi ng patnubay sa mga desisyon at makasumpong ng kapayapaan sa mga oras ng problema. Sa templo, parang mas malapit ang langit, at parang mas madaling dumaloy ang paghahayag.

Tungkol sa mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, na kinabibilangan ng mga ordenansa sa templo, sinabi ng Panginoon, “Sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:20).

Sa pakikibahagi natin sa mga ordenansa sa templo, nakikilala natin ang Diyos, at ang kapayapaan at kapangyarihan ng buhay na maka-Diyos ay nakikita sa ating buhay.

Nangako si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na, “Sa pagpunta natin sa templo, maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan na higit pa sa anumang damdaming maaaring dumating sa puso ng tao.”2

Kung matagal-tagal na rin mula nang nakadama kayo ng kapayapaan, bakit hindi ninyo hayaang maging tanda ang Kapaskuhang ito ng pagsisimula ng regular na pagdalo ninyo sa templo? Kung hindi pa ninyo natatanggap ang sarili ninyong endowment, matutulungan kayo ng inyong bishop na maghanda. Madarama rin natin ang pagmamahal ng Diyos kapag nakakita at nagsumite tayo ng mga pangalan para matanggap ng ating mga ninuno ang mga pagpapala ng templo.

Ang Tunay na Handog

Ang salita ng Diyos, taos-pusong paglilingkod, pagsisisi, at paglahok sa mga ordenansa sa templo ay pawang mga pagkakataon upang matanggap ang tunay na handog ng Pasko. Isinulat ni Apostol Juan, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak’ (Juan 3:16). Ngayong Pasko, dalangin ko na magabayan ng Espiritu ang bawat isa sa atin na piliin ang mga bagay na magpapadama sa atin ng dakilang handog na pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Mga Tala

  1. Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 22.

  2. Thomas S. Monson, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Mayo 2015, 91.