2020
Isang Kaloob na Pagkakaibigan
Disyembre 2020


Matatapang na Halimbawa

Isang Kaloob na Pagkakaibigan

Naganap ang kuwentong ito sa England noong katatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Larawan
A Gift of Friendship

Kinakabahan si Hermann Mössner nang naglakad siya papasok sa kapilya. Siya at ang kanyang mga kaibigan mula sa kampo ay nakasuot pa rin ng kanilang mga unipormeng may markang mga titik na “P.O.W.” Alam ng lahat na ang ibig sabihin ng mga titik na iyon ay “bilanggo ng digmaan.” Ano ang iisipin ng mga miyembro ng branch? Ituturing ba nila siyang kaaway nila?

Malapit ang kapilya sa Leeds, England. Pero hindi mula sa England si Hermann. Siya ay mula sa Germany. Matapos piliting lumaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahuli si Hermann ng mga sundalong British at dinala sa isang bilangguang kampo ng mga taga-England. Ito ang unang pagkakataon niya sa Simbahan sa loob ng matagal na panahon.

Huminga nang malalim si Hermann habang paupo siya sa isa sa mga bangko. Nakikita niya ang branch president na si George Camm na nakaupo sa harapan. Si Pangulong Camm ay kaibigan ni Hermann. Gumanda ang pakiramdam ni Hermann nang makita niyang ngumiti si Pangulong Camm.

Ilang buwan na ang nakalipas, binisita ni Pangulong Camm si Hermann sa kampo matapos malaman na siya lang ang miyembro ng Simbahan doon. Noong una ay medyo nag-alala si Hermann. Kamumuhian ba siya ni Pangulong Camm? Kunsabagay, naglaban ang kanilang mga bansa sa digmaan.

Pero nang magkita sina Hermann at Pangulong Camm, ngumiti at nagkamayan sila sa isa’t isa. Pagkatapos ay magkasama silang nanalangin. Kumanta sila ng mga awitin at nag-usap tungkol sa ebanghelyo. Magkasama rin nilang tinanggap ang sakramento.

“Mahal kita, kapatid,” sabi ni Hermann nang paalis na si Pangulong Camm. Nakita niya ang mga luha sa mga mata ni Pangulong Camm nang kumaway siya at nagpaalam.

Pagkatapos nito, binisita ni Pangulong Camm si Hermann tuwing Sabado. Sa buong linggo, ginawa ni Hermann ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo. Ibinahagi niya ang kanyang patotoo sa iba pang mga bihag habang nagtatrabaho sila sa bukid. Sinagot niya ang kanilang mga tanong habang umuukit sila ng kahoy matapos ang isang mahabang araw sa trabaho. Kung minsan ay nagdarasal siyang kasama nila.

“Uy, Hermann,” sabi ng isa sa mga bilanggo isang gabi. “Puwede ba akong sumama sa inyo ni G. Camm sa Sabado?”

Tumingala si Hermann mula sa bloke ng kahoy na inuukit niya. Ngumiti siya. “Siyempre naman!”

“Puwede rin ba ako?” tanong ng isa pang bilanggo.

Sina Hermann at Pangulong Camm ay sabik na sabik na magturo sa iba pang mga bilanggo. Hindi naglaon ay ninais pa ng ilan sa kanila na magpabinyag!

At ngayon, nang tumingin si Hermann sa paligid ng kapilya sa mga pamilyang naghihintay na magsimula ang simba, nakadama siya ng kapayapaan. Kinabahan ang ilang miyembro kay Hermann noong una. Ngunit hindi nagtagal ay nagtiwala ang lahat sa kanya. Ang iba pang mga bilanggo na gusto pang matuto tungkol sa ebanghelyo ay nakakuha ng pahintulot na lisanin ang kampo para magsimba tuwing araw ng Linggo. Kalaunan, si Hermann ay tinawag pa ngang maging branch Sunday School president.

Lumipas ang panahon, at papalapit na ang Pasko. Gustong gumawa ni Hermann ng isang bagay para pasalamatan ang mga miyembrong naging mabait sa kanya. Pagkatapos ay may naisip siya! Halos branch Christmas party na. Nagtipon si Hermann ng mas maraming bloke ng kahoy at nagsimulang umukit. Ang mga bloke ay isa-isa niyang ginawang maliliit na kotse, mga elepante, eroplano, tren, at kabayo.

Sa wakas ay dumating na ang araw ng party. Ang lahat ay kumain at sama-samang kumanta ng mga awiting Pamasko. Si Hermann at ang kanyang mga kaibigan mula sa kampo ay kumanta ng mga awiting Pamasko sa wikang German.

Pagkatapos ay inilabas ni Hermann ang isang malaking supot. Sa loob nito ay mayroong 40 kahoy na mga laruan! Binigyan ni Herman ang bawat batang Primary ng isang laruan. Ito ay isang Pasko na hindi nila malilimutan.