2020
Pagiging Ilaw ng Sanglibutan sa Paris
Disyembre 2020


Pagiging Ilaw ng Sanglibutan sa Paris

Nalaman ko na ang paglilingkod ay nagdudulot ng di-maipaliwanag na kagalakan at na ang maliliit na gawain ay magpapatatag sa mga tao sa mga pambihirang paraan.

Larawan
people standing on a stage

Paglalarawan ni Ellen Marello

Dahil sa mga taong walang tirahan na nasa kalye at mga refugee na natutulog sa mga parke sa Paris, France, ang pangangailangang tumulong ay araw-araw na nakikita ng aming mga mata, kahit na sa panahon ng Kapaskuhan. Nagpasiya kaming tatlong magkakaibigan na bumuo ng isang grupo sa komunidad na tinatawag na Solidarity to Act Together [Pagkakaisang Kumilos nang Sama-sama] para tumulong saanman maaaring tumulong.

Sa tulong ng maraming boluntaryo sa buong komunidad gayundin ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa tatlong stake sa Paris, inorganisa namin ang mga aktibidad para sa Light the World [Maging Ilaw ng Sanglibutan] para matulungan ang ating mga kapatid na nangangailangan.

Sa loob ng tatlong magkakasunod na taon, nagdaos kami ng isang kaganapan para sa Light the World [Maging Ilaw ng Sanglibutan] tuwing katapusan ng taon kung saan ang mga artist, boluntaryo, at bisita mula sa iba’t ibang simbahan at organisasyon sa Paris ay dumarating para magtanghal at magbigay ng mga suplay para sa mga nangangailangan. Gumugugol kami rito ng ilang buwang paghahanda, ngunit nakararanas ng malaking kagalakan ang mga boluntaryo at ang mga nagtatanghal sa pakikibahagi sa kaganapang ito. Wala sa kanila ang gustong palampasin ito. Para sa aming pangatlong kaganapan para sa Light the World [Maing Ikaw ng Sanglibutan], 82 kalahok ang nagpunta sa kabila ng welga sa transportasyon!

Bago ang kaganapan, naghanda at nagtipon kami ng mga backpack na puno ng mga hygiene product para maipamahagi sa mga refugee at mga taong walang tirahan sa Paris. Nagtipon din kami ng mga kumot, kubrekama, unan, gamit sa isports, tsinelas na panligo, at pati na rin ng isang bisikleta, na ibinigay sa mga refugee.

Noong nakaraang taon, nagkaroon din kami ng fashion show sa kaganapang ito. Sinabi ng isang 22-taong-gulang na stylist na nakibahagi na ang suportang natanggap niya ay nagbigay sa kanya ng lakas na maniwala sa kanyang mga kakayahan. Habang kinakausap niya ako, napaalalahanan ako na kailangang madama ng lahat na kailangan sila at tayong lahat ay nangangailangan sa ilang paraan.

Nananabik kami para sa susunod na taon. Inaasahan namin na mas marami pa ang magiging mga kalahok at aktibidad. Ang ilan ay nag-alok pa nga ng mga bodega at mga refrigerated van na makakatulong sa amin habang nakikipagtulungan kami sa mga ahensya ng komunidad at sa isang malaking international catering company para makapagbigay ng balanseng pagkain sa mga nangangailangan. Gumagawa rin kami ng paraan para makapagbigay ng mga libreng lesson sa French para sa mga nag-aaral ng French bilang pangalawang wika.

Nakita ko na ang paglilingkod para sa isang marangal na layunin ay nagdudulot ng di-maipaliwanag na kagalakan. Ang maliliit na gawain ay nakapagpapatatag sa mga tao sa pambihirang mga paraan. Ang mga ngiti at pasasalamat na natatanggap namin ay naghihikayat sa amin na gumawa ng higit pa rito.