2018
Isang Ngiti ng Pagtanggap
Oktubre 2018


Isang Ngiti ng Pagtanggap

Franklin Romero

Manabí, Ecuador

Isang gabi nagdaos ang ward namin ng isang aktibidad na ilang oras naming pinaghandaan. Pagkatapos ng aktibidad nagpaalam sa akin ang isang kabataang investigator pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik siya at nagtanong, “Bishop, kailan po ako kailangang bumalik?” Sabi ko sa kanya, sa Linggo, at agad sinabi ng bata na, “Hindi po, wala na po bang ibang aktibidad?” Masaya siyang makasama ang mga kabataan ng ward namin kaya gusto niyang bumalik.

Kinausap ko rin ang isang bisitang mag-asawang dumalo sa aktibidad at tinanong sila kung ano ang palagay nila. Sabi ng lalaki, “Mula nang dumating kami rito, nakadama na kami ng kapayapaan at katiwasayan,” na sinang-ayunan ng kanyang asawa sa pamamagitan ng pagtango. Nagulat ako rito dahil nang una silang dumating, maraming taong nagdadaldalan at nagkakaingay. Pero nagpatuloy siya at tumingin sa akin at nagtanong, “Iyan ang Espiritu Santo, hindi ba?” Sa gulat, ang tanging nasabi ko ay oo.

Napakaraming gagawin para mapaghandaan ang aktibidad na ito, kaya nang gabing iyon nang tapos na ang lahat, ang gusto ko na lang gawin ay umuwi at matulog. Dahil pagod na pagod na ako, hindi ko na napag-isipan ang pakikipag-usap ko sa mga investigator. Pagdating ko sa bahay, nagdasal ako at humiga, pero hindi ako makatulog; nakinita ko sa aking isipan na nakangiti ang Panginoon. Isang ngiti iyon ng pagtanggap. Sa sandaling iyon naalala ko ang magagandang bagay na nangyari sa aktibidad.

Naunawaan ko na ang pagsisikap at pagmamahal ng mga miyembro ng ward ang nagbigay-daan para maantig ang puso ng tatlong investigator. Naunawaan ko na ang ngiti ng pagtanggap ay para sa ginagawa namin. Hindi ko maiwasang umiyak, at labis kong pinasalamatan ang kaloob ng Panginoon sa amin. Binigyan Niya kami ng isang ngiti ng pagtanggap. Pinatototohanan ko na ang mga salita ng Panginoon ay totoo; na kapag nagdala tayo ng kahit isang kaluluwa sa Kanya, malaki ang ating magiging kagalakan sa kaharian ng Ama (tingnan sa D at T 18:15).