2018
Isang Pagpapala sa Sulat-Kamay ng Aking Ina
Oktubre 2018


Isang Pagpapala sa Sulat-Kamay ng Aking Ina

Douglas Hedger

Nevada, USA

Larawan
Preach My Gospel and mothers photo

Paglalarawan ni Dilleen Marsh

Isang gabi pinag-isipan ko kung anong mensahe ang ibibigay sa parating na ward conference. Buong linggo ko nang pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, at kahit nakatanggap na ako ng magandang tagubilin at mga ideya, wala pa rin akong malinaw na direksyon kung ano ang gustong ipabahagi sa akin ng Panginoon, bilang stake president, sa mga miyembro ng ward.

Sa taimtim na panalangin, humingi ako ng patnubay mula sa Espiritu para magabayan ang mga naiisip ko. Pagkatapos binuklat ko ang mga banal na kasulatan at sinimulang basahin itong muli. Agad bumaling ang isip ko sa mga mithiin ng ward na napag-usapan namin ng bishop kamakailan. Ang isa sa mga mithiing iyon ay gamitin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan at kapitbahay.

Naisipan kong isama ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa sarili kong pag-aaral nang gabing iyon. Kinuha ko ito at binuklat sa kahit anong pahina. Sa pahinang iyon, nakita ko ang dalawang scripture reference na nakasulat-kamay—1 Nephi 8:8–11 at 1 Nephi 11:21–22. Nang tingnan kong mabuti iyon, natanto ko na sulat-kamay ng aking ina ang mga reperensyang iyon. Ilang taon nang pumanaw ang mahal kong ina, dalawang buwan pagkaraan ng kanyang ika-80 kaarawan. Isa siyang halimbawa ng katapangan at pagiging di-makasarili, na laging nakikita ang kabutihan sa mga tao. At mahal niya ang mga banal na kasulatan.

Binuklat ko ang mga banal na kasulatan sa mga talatang iyon para alamin kung ano ang nagtulak sa kanya na isulat ang mga ito. Habang binabasa ko ang mga iyon, agad kong naisip ang mensaheng dapat kong ibigay. Isang simpleng mensahe na kung minsa’y maaaring nalilimutan ng mga miyembro ng Simbahan na nakatikim na ng masarap na bunga ng ebanghelyo na marami pang ibang naghahangad na matikman ang bungang iyon. Kailangan natin silang kausapin at sabihin sa kanila kung saan ito matatagpuan.

Naisip ko ang mabait kong ina nang basahin ko ang natitirang bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Walang pangalan, walang iba pang mga tala, o anumang bagay na nagpapahiwatig na sa kanya ang aklat na iyon. Napaupo ako sa paghanga nang pagnilayan ko ang sunud-sunod na mga espirituwal na pahiwatig na humantong sa sandaling ito. Pinagtibay sa akin ng Espiritu na nagabayan ako sa aking mga iniisip, na siya ko mismong ipinagdasal. Hindi alam ng aking ina, kahit gaano katagal na niyang isinulat ang mga reperensyang iyon, na gagamitin iyon ng Panginoon para sagutin ang abang dalangin ng kanyang anak.