2018
Isang Himala sa Bahay ng Panginoon sa Kyiv
Oktubre 2018


Isang Himala sa Bahay ng Panginoon sa Kyiv

Doru Vasile

Bucharest, Romania

Larawan
President Monson greeting members in the temple

Paglalarawan ni Allen Garns

Sabik kami ng pamilya ko na maglakbay sakay ng kotse mula Romania hanggang Kyiv, Ukraine, para sa paglalaan ng templo noong Agosto 2010. Batid na ito ang magiging templo para sa mga Banal sa Romania/Moldova Mission, nagbiyahe kami nang 14 na oras para makarating doon. Pagdating namin, nakilala namin ang isa pang grupo na nagbiyahe rin mula Romania. Masaya kaming lahat na makarating sa Kyiv para sa sagradong kaganapang ito.

Sa araw ng paglalaan, inatasan ang grupo namin mula sa Romania na panoorin ang brodkast ng paglalaan sa isang silid sa unang palapag ng templo. Nagsimulang magpahayag ng pagkadismaya ang ilan. Umasa silang makalahok sa paglalaan na kasama ang propeta sa silid selestiyal. Sinabi pa ng ilan na naglagi na lang sana sila sa bahay at nanood ng brodkast mula sa chapel nila sa Romania.

Nagsimula akong magdasal nang taimtim, “Ama sa Langit, paano namin matutulungan ang mga miyembrong ito mula sa Romania na magkaroon ng di-malilimutang karanasan sa Inyong bahay?”

Wala pa rin akong natanggap na sagot nang magsimula ang sesyon sa paglalaan. Di-nagtagal nalaman namin na bababa ang propetang si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) at ilalagay sa puwesto ang batong-panulok. Ito na yata ang sagot sa amin! Ipinagdasal ko na mabigyang-daan na lapitan at batiin ng propeta ang mga Banal na taga-Romania.

“Hindi po ito para sa akin,” pagdarasal ko, “kundi para sa aking mga kapatid.”

Pagkatapos ng seremonya sa paglalagay ng batong-panulok, dumaan si Pangulong Monson sa aming silid nang pabalik na siya sa silid selestiyal. Bigla kong nadama na dapat akong tumayo at anyayahan siyang pumasok sa aming silid.

Tumayo ako at sinabi kong, “Ang propeta natin! Tuloy po kayo at kausapin ninyo kami. Taga-Romania po kami.”

Parang hindi niya ako narinig. At, makalipas ang ilang sandali, bumalik siya. “Romania!” sabi niya at pumasok siya sa silid.

Binati niya kaming lahat at sinabi na mahal na mahal niya kami. Puno ng kasiyahan ang puso ko habang minamasdan ko ang masasayang mukha ng mahal naming mga miyembro. “Salamat po, mahal na Ama,” pagdarasal ko, “sa himalang ito sa Inyong bahay.”

Nang lisanin ng propeta ang silid, wala nang malungkot. Pakiramdam ko nasa pinakamapalad na silid kami sa templo. Isang karanasan iyon na hinding-hindi ko malilimutan.