2012
Ang Araw-araw Kong Patotoo
Marso 2012


Ang Araw-araw Kong Patotoo

Ang aking patotoo ay nagmumula sa araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo at hindi sa isang sandali ng himala.

Noong lumalaki ako, palagi akong naghahanap ng mga himala para mapatunayan sa sarili ko na may patotoo ako. Marami akong naririnig na kuwento tungkol sa mga himalang nangyari nang malaman ng mga tao nang walang pag-aalinlangan na ang ebanghelyo ay totoo. Mga kuwento ng paninindigan sa harap ng tukso o panganib, ng pag-akay sa daan-daang tao sa Simbahan sa pamamagitan ng maliliit at simpleng gawa, ng mga pagkakataon na nabubuklat ang mga banal na kasulatan para masagot ang mga problema sa buhay. Ang paborito kong mga kuwento ay tungkol sa isang taong pauwi na isang gabi, na nakalampas sa isang panganib na kinabukasan na nila nalaman. Nakarinig na ako ng mga kuwento ng mahimalang mga paggaling o mga anghel na nagpoprotekta sa mga tao. Sabik na akong makaranas ng gayong mga sandali. Umasa akong makakita ng mga anghel at liwanag na magsasabi sa akin na may patotoo ako sa Simbahan.

Tinuruan ako ng mga magulang ko na magdasal, magsimba, magbasa ng mga banal na kasulatan, manamit nang disente, mamuhay nang malinis at ligtas sa mga makamundong impluwensya, at magtiwala sa Panginoon. Nagkaroon ako ng tiwala na mamuhay nang tama. Gusto ko lamang mapatunayan na mayroon akong patotoo at mapansin ito ng iba para sa akin.

Sa mga family home evening o sa Sunday School, pinapraktis namin ang sasabihin na tutulong sa amin na manindigan sa kabila ng pamimilit ng mga barkada. Sabik na akong sambitin ang mga ito. Halimbawa, inisip kong kunwari ay kasama ko ang mga kaibigan ko. May isang kukuha ng alak at ipapasa-pasa ito. Iaabot sa akin ang serbesa, at lahat ng mata ay nakatingin sa akin. Madarama ko na ang pamimilit nila. Tatayo ako at sasabihing, “Ayoko! Mormon ako, at hindi ako umiinom ng alak!” Magugulat silang lahat. Kahit ano pa ang sabihin nila ay hindi nila ako mapipilit. Di magtatagal at tapos na ang party, at may isang espesyal na taong magsasabi sa akin na humanga siya sa katatagan ko kaya’t nais niyang malaman ang iba pa tungkol sa aking simbahan. Aawit ng papuri ang mga anghel, at mapupuspos ako ng liwanag.

Hinding-hindi iyon nangyari. Walang tumukso sa akin nang gayon. Para bang alam na nila ang mga pamantayan ko dahil sa paraan ng aking pamumuhay. Nakalulungkot dahil ang aking “maluwalhating sandali” ay hindi nangyari kailanman.

Ngunit alam ko na ngayon na hindi kailangang magmula sa pagpapakita ng mga anghel ang pagkakaroon ng patotoo. Ang aking patotoo ay nagmumula sa araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo, sa pagkadama ng pagsaksi ng Espiritu Santo, at sa pagtatamasa ng mga simpleng pagpapala mula sa pagsunod.

Alam ko kung sino ako. Alam kong mahal ako ng Diyos. Alam kong tinubos ng Tagapagligtas ang aking mga kasalanan. Ito ang aking patotoo. Ang kaalamang ito ay nagdudulot ng kapayapaan sa aking isipan.

Hindi ko masasabing may himalang nangyari nang malaman kong totoo ang Simbahan, ngunit masaya akong malaman na talagang mayroon akong patotoo. Kaya’t, hanggang sa sandaling magpakita sa akin ang mga anghel, masisiyahan na akong mamuhay nang normal sa simpleng pagpapala ng pagkaalam na ang ebanghelyo ay totoo.

Paglalarawan ni Annie Henrie