2012
Paano Tayo Makikinabang nang Husto sa Pagdalo sa Templo?
Marso 2012


Paano Tayo Makikinabang nang Husto sa Pagdalo sa Templo?

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009.

Larawan
Elder Richard G. Scott

Bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinagpalang mabuhay sa panahon na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na dagdagan pa ang mga banal na templo.

Dahil mahal ko kayo, magsasalita ako sa inyo nang tapatan, nang walang paliguy-ligoy. Nakita ko na maraming beses nagsakripisyo ang mga tao para makapunta sa isang malayong templo. Pero kapag may itinayong templo sa malapit, di magtatagal, maraming hindi nagpupunta rito nang regular. May mungkahi ako: Kapag malapit ang templo, may maliliit na bagay na maaaring humadlang sa mga plano ninyong pumunta sa templo. Magtakda ng mga mithiin, na iniisip ang inyong mga kalagayan, kung kailan kayo maaaring lumahok at lalahok sa mga ordenansa sa templo. At huwag ninyong hayaang may humadlang sa planong iyan. Sa sistemang ito walang alinlangang ang malalapit ang tirahan sa templo ay pagpapalain ding tulad ng mga yaong nagpaplano nang napakaaga at nagbibiyahe nang malayo papunta sa templo.

Hinihikayat ko kayong magtakda ng sarili ninyong mithiin kung gaano kadalas kayo makalalahok sa mga ordenansa sa ating mga templo. Ano ba ang naroon na mas mahalaga pa sa pagpunta at pakikilahok sa mga ordenansa sa templo? Anong aktibidad ang may mas malaking epekto at magbibigay ng ibayong galak at lubos na kaligayahan maliban sa pagsamba sa templo?

Magbabahagi ako ngayon ng ilang karagdagang mungkahi kung paano higit na makikinabang sa pagpunta sa templo.

  • Unawain ang doktrinang nauugnay sa mga ordenansa sa templo, lalo na ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.1

  • Habang nakikibahagi sa mga ordenansa sa templo, isipin ang inyong kaugnayan kay Jesucristo at ang Kanyang kaugnayan sa ating Ama sa Langit. Ang simpleng gawaing ito ay higit na magpapaunawa sa kabanalan ng mga ordenansa sa templo.

  • Laging mapanalanging ipagpasalamat ang walang kapantay na pagpapalang dulot ng mga ordenansa sa templo. Mamuhay bawat araw sa paraang mapapatunayan ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak kung gaano kahalaga sa inyo ang mga pagpapalang iyon.

  • Mag-iskedyul ng regular na pagpunta sa templo.

  • Maglaan ng sapat na oras upang hindi kayo nagmamadali sa loob ng templo.

  • Hubarin ang inyong relo sa pagpasok ninyo sa bahay ng Panginoon.

  • Pakinggang mabuti ang presentasyon ng bawat aspeto ng ordenansa nang may bukas na puso at isipan.

  • Isipin ang mga taong ginagawan ninyo ng ordenansa. Paminsan-minsan ipagdasal na mabatid niya ang malaking kahalagahan ng mga ordenansa at maging marapat o maghandang maging marapat upang makinabang mula rito.

Kung minsan kapag nakakarinig ako ng koro sa isang serbisyo sa paglalaan ng templo, may nadarama akong napakadakila kaya sumisigla ang aking puso’t isipan. Nagpipikit ako ng mga mata, at hindi lang minsan ko nakikita, sa aking isipan, ang isang grupo ng mga taong nagmumula sa templo at paakyat. Ipinalagay kong kinakatawan nila ang maraming espiritung naghihintay na magawan ng gawain sa banal na lugar na iyon, na nagagalak dahil sa wakas ay may isang lugar na magpapalaya sa kanila mula sa mga kadenang pumipigil sa kanilang walang hanggang pag-unlad. Para maisakatuparan ang layuning ito, kailangan ninyong isagawa ito para sa kanila. Kailangan ninyong tukuyin ang inyong mga ninuno. Pinadali na ng bagong FamilySearch program ang gawaing ito. Kailangang matukoy ang mga ninunong iyon, maglaan ng impormasyon tungkol sa kanila, at pumunta sa bahay ng Panginoon para gawin ang mga ordenansang inaasam nilang matanggap.

Kaylaking kagalakan ang makabahagi sa gawain sa templo!

Paglalarawan ni Derek Israelsen