2012
Ang Panginoon ang Aking Awitin
Marso 2012


Ang Panginoon ang Aking Awitin

Tom Sullivan, Arizona, USA

Mula nang tumira ako sa munting bayan ng Arizona na halos lahat ng mamamayan ay Banal sa mga Huling Araw, nilapitan ako ng mga misyonero at miyembro ng Simbahan tungkol sa Simbahan. Madalas nila kaming imbitahan ng aking mga anak na magsimba, magbasa ng mga banal na kasulatan, o pareho. Wala akong interes na tanggapin ang kanilang mga imbitasyon pero magalang ko silang pinasalamatan sa interes nila sa aking pamilya.

Nang makilala ko ang babaeng pakakasalan ko kalaunan, sinabi niya sa akin na isa siyang Banal sa mga Huling Araw. Hinangaan ko ang kanyang espirituwalidad at sumang-ayon akong sumama sa kanyang magsimba matapos kaming ikasal. Tinupad ko ang sinabi ko, at nagsimula akong dumalo nang regular at natuwa pa ako sa naramdaman ko at sa pakikipagkaibigan. Pero kahit ako nag-aral ng mga banal na kasulatan, nagsimba, at nanalanging mag-isa at kasama ang aking pamilya, nag-alinlangan pa rin ako kung may Diyos nga. Gaano ko man pilitin, damdam ko ay parang hindi mawala sa akin ang kawalan ng paniniwala. Dahil hindi ko nadama na napalapit ako sa Diyos nang higit kaysa noong magsimula ako, tinanggihan ko ang lahat ng imbitasyong magpabinyag.

Matapos magsimba nang anim na taon, ang aking ama, na kasama sa U.S. Army, ay biglang namatay. Gusto namin ng aking pamilya na magpaihip ng trumpeta sa libing, at yamang propesyonal na musikero ako, hiniling nilang ako ang tumugtog. Daan-daang ulit na akong tumugtog sa mga seremonya sa libing, ngunit dahil serbisyo sa tatay ko, alam ko na magiging iba iyon para sa akin. Nalaman ko rin nang ilibing ang nanay ko na maaapektuhan ng matinding kalungkutan ko ang kakayahan kong tumugtog. Determinado akong hindi maapektuhan ng damdamin ko ang musika na katulad noong libing ng aking ina.

Ilang minuto bago nagsimula ang seremonya, kinakabahang sinubukan kong magpraktis. Iilang nota pa lang ang nasubukan ko nang mabatid ko na inuulit ko ang dati kong kabiguan. Namuo ang mga luha at napaiyak ako. Hindi ako makahinga sa aking paghikbi. Paano ako makakatugtog?

Hindi ko inintindi ang mga papuri sa akin, pero gusto ko talagang parangalan ang tatay ko. Nang magsimula akong tumugtog, nalaman ko na hindi ako gaanong makahinga. Hindi ako sanay humingi ng tulong, pero sa pagkakataong ito, hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin. Mahina ang labas ng unang nota. Sa aking kalooban ay nagsumamo ako sa aking Ama sa Langit: “Pakiusap po.” Nang tugtugin ko ang pangalawang nota, napuno ng hangin ang aking baga, at nakakagulat at maganda ang tunog na lumabas sa aking trumpeta. Sa buong pagtugtog ko, nahigitan ko ang kakayahan ko. Nang matapos ko ang huling nota, bigla akong hindi makahinga at kinapos ako ng hangin habang umiiyak.

Bilang isang musikero, alam ko ang aking mga kalakasan at kahinaan. Sa madaling salita, hindi ko makakayang tumugtog nang gayon kagaling sa sitwasyong iyon. Malinaw sa akin na sinagot ng Ama sa Langit ang aking pagsamo at biniyayaan ako ng lakas at kakayahang parangalan ang aking ama sa lupa. Nakatanggap ako ng espesyal na patotoo na sinasagot tayo ng Ama sa Langit sa paraang mauunawaan natin. Ang sagot Niya sa oras ng aking pangangailangan ay nakatulong sa akin na matanto na lagi Siyang sabik na makipag-ugnayan sa akin.

Pagkaraan ng ilang buwan inalis ko ang kawalan ko ng paniniwala at sumapi ako sa Simbahan. Bagaman malaking hakbang tungo sa pananampalataya ang magpabinyag, alam ko na pagpapalain ako ng Ama sa Langit. Ang karanasan ko habang tumutugtog ng trumpeta ay nagturo sa akin na sasagutin Niya ang aking mga dalangin alinsunod sa aking mga pangangailangan at pag-unawa.