2012
Pinalalakas ng Seminary Program ang mga Estudyante sa Ebanghelyo
Marso 2012


Pinalalakas ng Seminary Program ang mga Estudyante sa Ebanghelyo

Si Milton Reis ng Portugal ay nagpupunta sa chapel sa kanilang lugar. Si Frazer Cluff ng Tasmania, Australia, ay dumadalo sa bahay at ang kanyang ina ang guro niya. Si Lauren Homer ng Utah, USA, ay tumatawid ng kalsada para dumalo tuwing second period class ng high school tuwing makalawang araw; si Ben Gilbert ng Vermont, USA, ay dumadalo linggu-linggo, bago ang Mutual; at sa Alabama, USA, araw-araw dumadalo si McKenzie Morrill sa pamamagitan ng web conference. Dumadalo si Daun Park ng Korea nang alas-10:00 n.g., at si Jamie Greenwood naman ng New Mexico, USA, ay gumigising nang alas-4:00 n.u. para hindi mahuli sa kanyang klase nang alas-5:15 n.u.

Lahat ng kabataang ito—at halos 370,000 iba pang gaya nila—ay sumusunod sa payo ng propeta na unahin ang seminary sa kanilang buhay.

Ang seminary program, na magdiriwang ng ika-100 anibersaryo sa taong ito, ay isinakatuparan sa iba-ibang paraan sa nakalipas na mga taon, at kahit ngayon kadalasan ay kailangang pakibagayan ang mga pangangailangan ng bawat miyembro at sitwasyon sa lugar. Ngunit sa paglipas ng panahon at sa iba’t ibang lugar, isang bagay lang ang hindi nagbabago: ang pag-aaral ng ebanghelyo ay tumutulong sa mga kabataan na mapalakas ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Nang si Milton Reis, 17, ng Portugal, ay nagsimulang sumali sa seminary, isang maliit na grupo ng mga kabataan ang nagkikita tuwing Sabado dahil marami sa kanila ang kasali sa isports at iba pang mga extracurricular aktibiti na nangangailangan ng pagsasanay at iba pang mga gawain sa araw-araw.

Gayunman, si Milton ngayon ay dumadalo sa seminary sa loob ng linggo—kung minsan bago pumasok sa paaralan at minsan naman ay pagkatapos ng klase. Para kay Milton ito ay nangangahulugan ng maagang paggising, at minsan ay pagpapalampas sa mga pagkakataong makihalubilo sa gabi para lamang makadalo sa klase.

Kahit ganito ang situwasyon, para kay Milton ay hindi sakripisyo ang seminary. “Mas parang pribilehiyo ito,” sabi niya. Umaasa si Milton na masusundan niya ang yapak ng kanyang kapatid na babae na kasalukuyang nasa misyon, at seminary ang isa sa mga paraan ng kanyang paghahanda. “Sa kabila ng lahat ng hamong ito, alam kong sulit ito,” sabi niya.

Si Dia Lacno, 18, ng Pilipinas, ay nabinyagan sa edad na 14 at nagsimula kaagad dumalo sa seminary pagkatapos niyon. Inasahan niyang tulad din ito ng klase sa eskuwelahan, kung saan mayroon siyang homework, mga lektyur, at hirap na kaakibat nito. Sa halip, sabi niya, “seminary ang nagbibigay sa akin ng lakas upang matapos ko ang lahat ng gawain ko sa paaralan. Sa tuwing dadalo ako sa seminary, nag-iibayo ang lakas ko at panatag ako.”

Para mabasa ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga estudyante sa seminary sa iba’t ibang panig ng mundo, hanapin ang “Seminary Program Anchors Students in the Gospel” sa news.lds.org.

Dumadalo ang mga estudyante sa seminary sa Wetterau, Germany.

© IRI