2012
Ang Napakagandang Halimbawa ni Alex
Marso 2012


Ang Napakagandang Halimbawa ni Alex

Para kay Alex Escobar, ang pagpapakita niya ng magandang halimbawa ay nakagawa ng kaibahan sa walang-hanggan para sa kanyang pamilya.

Walong taon na ang nakalilipas, noong si Alex Escobar ay isang teacher sa Aaronic Priesthood, nangako siyang maglilingkod sa full-time mission. Noong panahong iyon, ni hindi pumasok sa isip niya na magiging bishop niya ang kanyang ama pagpasok niya sa misyon.

Iyon ay dahil sa sampung taon nang mahigit na hindi nagsisimba ang tatay ni Alex. Ngunit si Alex, na mag-isang nagsisimba noon, ay hindi kailanman tumigil sa paghikayat sa kanya—ni sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya.

“Nalaman ko sa sarili ko kung gaano kahalaga ang halimbawa,” sabi niya.

Hinanap Ako ng Aking mga Lider

Paano mananatiling aktibo sa Simbahan ang isang binatilyo nang walang suporta mula sa kanyang pamilya? Sinabi ni Mario Sayas, na siyang bishop noong nasa Aaronic Priesthood pa si Alex, na dahil iyon sa patotoo ni Alex at sa kanyang matatapat na lider sa Young Men. Sumang-ayon si Alex.

“Kapag hindi ako nagsisimba, hinahanap ako ng mga lider ko,” sabi niya. “Unti-unti kong nalaman ang tungkol sa ebanghelyo hanggang sa magkaroon ako ng malakas na patotoo. Ang isa pang dahilan kung bakit patuloy akong nagsisimba ay dahil alam ko na sa pamamagitan lamang ng ebanghelyo ni Jesucristo kami maaring maging maligayang pamilya magpakailanman.”

Ang pagkakamit ng mithiing iyon ay nangangahulugan ng pananatiling malakas kahit nahihirapang manatiling aktibo kung minsan ang ilan sa mga kaibigan niya sa simbahan sa Córdoba, Argentina.

“Napakaraming tukso na labagin ang Word of Wisdom at ang batas ng kalinisang-puri,” sabi ni Alex, na tumanggap ng lakas sa payong natanggap niya mula kay Bishop Sayas. “Sabi niya, ‘Ang tanging paraan upang maging marapat sa isang karapat-dapat na babae ay maging karapat-dapat ka mismo.’Malaki ang naitulong nito sa akin.”

Lalo pang lumakas ang patotoo ni Alex nang sundin niya ang panaginip niya na tinawag siya sa full-time mission. Nagsimula siyang maghanda ngunit hindi na hinintay na tumuntong siya ng 19 anyos para simulang ibahagi ang ebanghelyo, at sinimulan ito sa sarili niyang pamilya.

“Palaging ipinagdarasal at hinihikayat ni Alex ang kanyang pamilya,” sabi ni Bishop Sayas. “At palagi niyang hinihikayat ang kanyang mga kuya na magsimba. Ang pagsisikap na ibalik ang kanyang pamilya ay nagtagumpay dahil kay Alex.”

“Ako ang Matigas ang Ulo Noon”

Kapag naiisip ng ama ni Alex na si René ang 13 taong ginugol niya sa labas ng Simbahan, nanghihinayang siya sa mga bagay na pinalampas niya.

“Napakahirap ng mga taon na iyon,” sabi niya. “Kung minsan hindi ko maiwasang isipin ang panahong nawala sa akin sa hindi pagtamasa sa napakagandang buhay na alok ng ebanghelyo.”

Ang pamilya Escobar ay sumapi sa Simbahan sa Córdoba noong bata pa si Alex. Nanatili silang aktibo hanggang sa bumalik sila sa kanilang tinubuang bayan sa Bolivia pagkatapos mabinyagan si Alex. Habang nasa Bolivia, nalimutan nila “ang kahulugan ng ebanghelyo sa aming buhay,” sabi ni René.

Nang bumalik sila sa Córdoba makalipas ang dalawang taon, ang ina ni Alex na si Carmen ay paminsan-minsang nagpupunta sa simbahan kasama ang apat nilang anak. Ngunit si René, na masugid na football player, ay tulog kapag Linggo dahil sa mga laro sa Sabado at sa mga gawaing kaugnay nito—mga gawaing madalas ay nangangahulugan ng paglabag sa Word of Wisdom.

“Ako ang matigas ang ulo noon,” sabi niya. “May mga pagkakataong akala ko ay tuluyan na akong naligaw, na naiisip natin kapag wala sa atin ang patnubay ng Espiritu.”

Ang tuluyang nagpabago kay René ay ang pagkaunawa na ang kanyang halimbawa ay nakasasakit sa kanyang mga anak. “Parang mga ulila ang mga anak ko na nagpupunta sa simbahan nang sila lamang dahil hindi aktibo ang kanilang ama,” paggunita niya.

“Sinimulan kong suriin ang buhay ko at ang epekto ng aking halimbawa sa aking mga anak,” sabi ni René, na nagpapasalamat na tinulutan siya ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makapagsisi. “Natanto ko na hindi ko ginagawa ang mga responsibilidad ko bilang isang ama. Lahat ng ito ay tumulong sa akin na maalaala ang Panginoon, lumuhod, at hilingin sa Kanya na tulungan akong makabalik sa simbahan.”

Habang lalong nagiging matapat si René at lumalago ang kanyang patotoo, sunud-sunod na dumating ang mga tungkulin. Ilang taon matapos muling yakapin ang ebanghelyo, nakatanggap siya ng impresyon na inihanda siya ng Panginoon para sa isang mahalagang bagong tungkulin.

“Ang bunga ay naging bishop ko si Itay,” sabi ni Alex.

Ang Kahalagahan ng Halimbawa

Habang naglilingkod si Alex sa Argentina Resistencia Mission, nangulila ang lahat sa kanya, ngunit nagpapasalamat sila na ibinabahagi niya ang kanyang halimbawa sa iba. At nagpapasalamat sila na nabuklod sila sa Buenos Aires Argentina Temple noong 2009.

“Si Alex ang laging nag-aasikaso sa amin at nakikipag-ugnayan noon sa mga miyembro ng ward,” sabi ni Carmen. “Sinabi nila sa amin na palagi siyang nagdarasal na bumalik na sa simbahan ang kanyang mga magulang. Nagpapasalamat kami na hindi siya tumigil sa paghikayat sa amin.”

Masaya si Bishop Escobar na si Alex ang unang misyonerong ipinadala niya sa misyon nang tawagin siyang maging bishop. “Nakakatuwa na mayroon kang anak na naglilingkod,” sabi niya. “Nangungulila kaming lahat kay Alex, pero ako ang lalong nangungulila sa kanya. Siya ang sumuporta sa akin noon.”

Kung mabubuting halimbawa ang mga Latter-day Saint, sabi ni Alex, mapapansin ito ng iba sa bandang huli. “Kung maligaya tayo at kuntento sa Simbahan, nanaisin ng iba na madama rin ang kaligayahang nadarama natin. Kung magtitiis tayo at susulong, maaaring magkaroon ng mga himala.”

Mga larawang kuha ni Michael R. Morris