2012
Pagpapatuloy at Pagsulong
Marso 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pagpapatuloy at Pagsulong

Nagdasal ako para maunawaan ko kung paano pagalingin ang pusong nasaktan. Unti-unti kong nakita na isa pang uri ng pusong sugatan ang sagot.

Katatapos ko lang dumanas ng sama ng loob sa pakikipagdeyt at nag-uukol ng maraming oras sa kapatid kong babae. Hindi naiwasang humantong kami sa pagkain ng junk food, panonood ng TV, at pag-idlip. Paggising ko mula sa isa sa mga pag-idlip na ito, sinabi ko, “Palagay ko hindi nakakabuti sa atin ang magkasama tayo.” Nagtawanan kami, ngunit nang gabing iyon nagpasalamat ako sa Ama sa Langit sa pagkatanto na nakadama ako ng kapanatagan sa kapatid ko at nagdasal ako na mas maunawaan ko pa kung ano ang dapat kong gawin para makapagpatuloy sa buhay ko. Nang sumunod na ilang buwan, nasagot ang panalanging iyon nang unti-unti kong maunawaan nang paisa-isa ang mga konsepto.

Kinabukasan, habang nasa isang pulong ng Relief Society, napansin ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat. … Samakatwid, sa aba niya na pabaya sa Sion!” (2 Nephi 28:21, 24). Lagi kong nababasa ang mga talatang ito noon na naglalarawan sa mga mapagmataas na mukhang sumasamba nang taimtim. Hindi ko itinuring ang sarili ko na pabaya sa Sion sa paggugol ng maraming oras na kasama ang kapatid ko. Ngunit natanto ko na sa halip na hangaring mapaghilom, naghanap ako ng ginhawa. Nagpasiya ako noon na pagsusumikapan kong lisanin ang aking comfort zone.

Nakatulong ang pasiyang iyon, ngunit sa paglisan sa aking comfort zone ay lalo kong nakita ang aking mga kakulangan, kaya lalo kong pinuna ang aking sarili. Nang banggitin ko ang damdaming ito sa isang kaibigan, sinabi niya, “Hindi ba magandang patawarin natin ang ating sarili?” Nakatulong ang kanyang sinabi para hangarin kong mas patawarin ang aking sarili sa aking mga pagkukulang—nang hindi nagiging kampanteng tulad ng mga “pabaya sa Sion.”

Isang araw tumimo sa akin ang Mormon 2:13–14: “Ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi, dahil sa kabutihan ng Diyos; kundi ito ang kalungkutan ng mga isinumpa, dahil sa hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan. At hindi sila lumapit kay Jesus nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Naunawaan ko na ang nadama kong kabiguan ay sagabal sa aking pag-unlad, at naisip ko kung ano ang akmang kalungkutan. Sa Sunday School ko natagpuan ang kasagutan.

Gumuhit ng linya sa blackboard ang teacher namin, at sinulatan ng, “Masyadong malupit sa ating sarili” ang isang dulo at ng, “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya” ang kabilang dulo. Pinag-usapan namin na iwasang gawin ang anuman dito. Inisip ko kung anong mga salita ang ilalagay sa gitna ng linya, at ginabayan ng Espiritu ang aking isipan sa katagang “bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Para sa akin ang tendensiya na maging masyadong malupit sa sarili ay maaaring ilarawan bilang nagsisising espiritu—na tumatanggap ng tulong ng Panginoon, at nagpapasalamat sa Kanyang awa. Ang lunas sa pagiging pabaya sa Sion ay maaaring tawaging bagbag na puso—yaong nahikayat na magbago at gumaling.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Mag-aalay kayo bilang pinakahain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20). Nagpapasalamat akong malaman na sa paghingi ko ng tulong sa Panginoon na maiwasang maging pabaya sa Sion at maiwasang husgahan nang marahas ang aking sarili, nag-aalay ako sa Kanya ng katanggap-tanggap na sakripisyo—isang sakripisyong tumutulong sa akin na magpatuloy sa aking buhay.

Paglalarawan ni Christina Smith