2012
Nagsasalita Ngayon
Marso 2012


Nagsasalita Ngayon

Hinihikayat ng Propeta ang mga Young Adult na Maging Tanglaw

Noong Nobyembre 1, 2011, sa isang debosyonal sa Brigham Young University–Provo, ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson sa mga nakikinig na “maging mabuting halimbawa.”

Sa pagbanggit sa sinabi ni Apostol Pablo mula sa Bagong Tipan—“Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12)—ipinahayag ni Pangulong Monson ang kanyang hangarin na maging ilaw sa sanlibutan ang mga miyembro ng Simbahan.

“Ano ang ilaw?” tanong niya. “Mas gusto ko ang simpleng ‘bagay na nagbibigay ng liwanag.’ Ang pagpapakita ng halimbawa ng kabutihan … ay makatutulong sa pagbibigay ng liwanag sa mundo na tumitindi ang kadiliman.”

Tanggap niya na sa nakararami, ang ilaw ay lumalamlam at halos umabot sa puntong maglaho na nang tuluyan. Sinabi niya na nasa atin ang responsibilidad na panatilihing maliwanag ang ating ilaw upang makita at sundan ng iba, at nangangailangan ito ng pananalig natin.

“Nasa bawat isa sa atin ang pasiyang magkaroon ng pananampalataya na mahalaga sa paglakas ng ating espirituwalidad at pagpapaliwanag ng ating ilaw para makita ng iba,” sabi niya. “Tandaan na hindi maaaring sabay na magkaroon ng pananampalataya at pag-aalinlangan.”

Ilan sa pinakamagagandang paraan upang magkaroon at mapanatili ang pananampalataya, paliwanag ni Pangulong Monson, ay basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan at manalangin nang madalas at palagian.

“Nabasa na ba ninyo ang Aklat ni Mormon? Sinubukan na ba ninyo ang pangako na matatagpuan sa Moroni?” tanong niya. Hinikayat niya ang mga nakikinig na mag-ukol ng oras bawat araw na alamin sa kanilang sarili kung totoo ang Aklat ni Mormon, “sapagkat babaguhin nito ang inyong puso, at babaguhin nito ang inyong buhay,” sabi niya.

Sa pagbanggit sa 3 Nephi 12:16—“Hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit”—ipinaliwanag ni Pangulong Monson na si Cristo ang “‘tunay na ilaw, sa makatuwid baga’y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa’t tao, na pumaparito sa sanglibutan’ (Juan 1:9), isang ilaw na ‘lumiliwanag sa kadiliman’” (Juan 1:5).

Sinabi niya sa huli: “Walang hangganan ang ating mga pagkakataon na magliwanag. … Kapag sinunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, nasa atin ang pagkakataong maging ilaw, sa buhay ng mga taong nasa paligid natin.”

Sa kanyang mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University–Provo, hinikayat ni Pangulong Monson ang mga miyembro na basahin ang Aklat ni Mormon at alamin ang katotohanan nito para sa kanilang sarili.

© IRI