2023
Mga Kaibigan sa Origami
Mayo 2023


“Mga Kaibigan sa Origami,” Kaibigan, Mayo 2023, 30–31.

Mga Kaibigan sa Origami

Paano matutulungan ni Ari at ng kanyang mga kaibigan si Mrs. Franklin?

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Larawan
Tatlong batang babae na kumakaway sa isang librarian

“Oras na para sa recess!” sabi ng titser ni Ari.

Humanay ang mga kaklase ni Ari para lumabas papunta sa palaruan. Pero palaging pumupunta sina Ari at ang kanyang mga kaibigan sa library. Hilig nilang manghiram ng mga aklat at sama-samang gumawa ng mga craft.

Naghihintay na sina Kristin at Ella sa pintuan. Kinuha ni Ari ang kanyang aklat at ang isang bugkos ng papel. Pagkatapos ay nauna siya sa grupo habang naglalakad sila sa pasilyo.

“Sana naibalik na ang The Dragon Keeper’s Secret!” sabi ni Ari. “Ilang linggo ko nang gustong hiramin ‘yun eh.”

Pagdating nila sa library, kinawayan ng mga bata si Mrs. Franklin, ang school librarian. Palagi niya silang binabati nang nakangiti. Ngunit ngayon ang kanyang ngiti ay tila hindi masaya.

Sumimangot si Ari nang ilagay niya ang kanyang aklat sa isang mesa. “Mukha bang malungkot sa inyo si Mrs. Franklin?”

Nagkibit-balikat si Kristin. “Baka abala lang siya.”

“Siguro.” Umupo si Ari at kumuha ng isang papel. Maingat niya itong itinupi, at itinupi nang maayos gamit ang kanyang hinlalaki.

“Ano ang gagawin natin ngayon?” tanong ni Ella.

“Ano ang tingin ninyo sa mga bookmark?” sabi ni Ari. “Madali lang ‘yun. Tingnan ninyo.”

Matagal nang nag-aaral si Ari kung paano gumawa ng origami. Ito ay isang uri ng sining mula sa Japan, na ginagawa sa pamamagitan ng pagtutupi ng papel sa iba’t ibang hugis. Alam ni Ari kung paano gumawa ng lahat ng uri ng hugis, at itinuro niya sa kanyang mga kaibigan ang mga natutuhan niya.

Ipinakita ni Ari kina Kristin at Ella kung paano gawin ang bawat pagtupi. Hindi nagtagal lahat silang tatlo ay may maliit na square bookmark.

Larawan
Tatlong batang babae na gumagawa ng origami

“Ilalagay ito sa sulok, tulad nito.” Binuklat ni Ari ang kanyang aklat at inilagay ang bookmark sa gilid ng isang pahina.

“Ang galing!” Kumuha si Kristin ng isa pang papel. “Gusto kong gawin ito nang mag-isa.”

Habang nagtutupi sila, pinag-usapan nila ang tungkol sa mga aklat na nabasa nila at kung ano ang susunod nilang gustong basahin. Muling tumingin si Ari kay Mrs. Franklin. Parang medyo malungkot pa rin siya.

Hindi nagtagal ay pumunta si Mrs. Franklin sa kanilang mesa.

“Hello sa inyo.” Nagpatong siya ng aklat sa mesa. Ito ang aklat ng dragon keeper! “Ito ay para sa iyo, Ari. Alam kong matagal mo nang gustong basahin ito.”

“Salamat po!” Kinuha ito ni Ari.

Bumuntong-hininga si Mrs. Franklin. “May nagnakaw sa kotse ko ngayon. Kinuha nila ang lahat ng aking aklat at musika.”

“Grabe naman po!” sabi ni Kristin.

Malungkot silang nginitian ni Mrs. Franklin. “Maliliit na bagay lang naman ang mga iyon. Mapapalitan naman iyon. Masaya lang ako na walang nasaktan.”

Minasdan ni Ari si Mrs. Franklin habang naglalakad ito palayo.

“Sana may magawa tayo para makatulong,” sabi ni Ella.

Tiningnan ni Ari ang origami bookmark sa kanyang mga kamay. “May magagawa tayo!”

“Gaya ng ano?” tanong ni Kristin.

Ngumiti si Ari. “Pumunta kayo sa bahay ko pagkatapos ng eskuwela. May naisip ako.”

Kinabukasan, pumunta sina Ari, Kristin, at Ella sa library sa oras ng kanilang recess, tulad ng palagi nilang ginagawa. Pero sa pagkakataong ito, hindi lang sila nagdala ng mga aklat. May espesyal silang bagay para kay Mrs. Franklin.

“Ginawa po namin ito para sa inyo!” Binigyan ni Ari si Mrs. Franklin ng isang bag. “Alam po namin na hindi namin mapapalitan ang lahat ng bagay na ninakaw sa inyo, pero naisip namin na baka ikatuwa ninyo ito.”

Tumingin si Mrs. Franklin sa loob ng bag. Puno ito ng origami—mga bookmark, isda, puso, paruparo. Masaya siyang ngumiti.

“Nakatutuwa ito! Maraming salamat.” Kumuha siya ng isang piraso ng origami mula sa bag. Mukha itong isang maliit na aklat. “Gagamitin ko ang mini journal na ito para isulat ang lahat ng masasaya kong ideya!”

Ngumiti din si Ari. Lagi siyang makagagawa ng magandang bagay para sa iba—sa paisa-isang pagtupi ng papel.

Larawan
PDF ng kuwento

Mga paglalarawan ni Brian Martin