2023
Panalangin ni Rosi
Mayo 2023


“Panalangin ni Rosi,” Kaibigan, Mayo 2023, 14–15.

Panalangin ni Rosi

Pagod na si Rosi sa pakiramdam na hindi siya kabilang.

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Larawan
Batang babae na malungkot na nakaupo sa sopa habang yakap siya ng kanyang ina

Ibinaba ni Rosi ang kanyang backpack sa sahig. Katatapos lang niya ng kanyang ikalawang araw sa kanyang bagong klase. At hindi naging maganda ang araw na ito.

“Ano ang problema?” tanong ni Inay.

Sumalampak si Rosi sa sopa. “May ilang bata po sa klase ko na hindi maganda ang sinabi sa akin,” sabi niya. “Tungkol sa balat kong kulay brown.”

Kaunti lang ang mga tao sa paaralan na may kulay ng balat na katulad ng kay Rosi, kaya pakiramdam niya ay hindi siya kabilang. Pero ang panunukso ang nagpalala sa pakiramdam niya.

Mukhang nag-alala si Inay. “Sori,” sabi niya. Niyakap niya si Rosi. “Kakausapin ko ang titser mo tungkol dito.”

Pero kinabukasan sa paaralan ay muling tinukso si Rosi. Isang batang lalaki sa kanyang klase ang naging salbahe sa kanya sa buong maghapon.

Nalungkot si Rosi. Pero nagalit din siya. Kung minsan kapag salbahe siya sa kanya, sinasagot siya ni Rosi. Pero hindi iyon nakagaan sa pakiramdam niya.

Isang araw nang umuwi si Rosi mula sa paaralan, tumakbo siya papunta sa kanyang silid. Sawa na siya sa panunukso sa kanya. Pagod na siya sa pakiramdam na hindi siya kabilang. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang unan at umiyak.

Ano ang gagawin ko? Naisip niya. Ayaw niyang maramdaman ito sa buong school year.

Pinahid ni Rosi ang luha sa kanyang mga mata. Pagkatapos ay tiningnan niya ang munting estatwa ni Jesus na nasa kanyang istante. Ibinigay ito ni Inay kay Rosi para tulungan siyang maalala si Jesus.

Siguro dapat akong magdasal, naisip niya. Lumuhod siya at humalukipkip.

Larawan
Batang nakaluhod at nagdarasal

“Mahal kong Ama sa Langit, talaga pong nasasaktan ako. Salbahe po ang mga kaklase ko sa akin dahil sa brown na balat ko, at masama po ang pakiramdam ko dahil dito. Tulungan po Ninyo ako.”

Masaya ang pakiramdam na masabi sa Ama sa Langit ang kanyang nadarama. Alam niya na nakikinig ang Ama. Nakadama siya ng sigla at pagmamahal, tulad ng malambot na kumot na nakabalot sa kanya. Nadama niya na maganda ang kulay ng balat niya. Siya ay anak ng Diyos, at mahal siya ng Ama.

Nang matapos magdasal si Rosi, may naisip siya. Siguro marami pa siyang magagawa para makatulong sa kanyang paaralan.

Nang sumunod na linggo, kinausap ni Rosi at ng kanyang ina ang mga taong namamahala sa paaralan tungkol sa nangyayari sa kanyang silid-aralan. Hinanap ni Rosi ang iba pang mga bata sa paaralan na inaapi at nakipagkaibigan siya sa kanila. Sinikap niyang balewalain ang batang lalaking nanunukso sa kanya. At sa simbahan sa araw ng Linggo, ibinahagi niya ang kanyang patotoo na mahal ng Ama sa Langit ang lahat.

Hindi naging maayos agad ang mga bagay-bagay sa paaralan. Pero kapag mahirap, inaalala ni Rosi ang nadama niya noong nagdarasal siya. Siya ay anak ng Diyos, at minamahal siya. At dahil alam niya iyan, kaya niyang gawin ang anuman.

Larawan
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney