2023
Ang Temple Open House
Mayo 2023


“Ang Temple Open House,” Kaibigan, Mayo 2023, 16–17.

Ang Temple Open House

Sabik na sabik si Svetan na makapasok sa templo!

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Larawan
Pamilyang naglalakad sa templo

Nasasabik si Svetan. Lilipat ang kanyang pamilya mula sa Argentina papunta sa Estados Unidos. At sa wakas ay oras na para sumakay sa malaking eroplano!

Tumanaw si Svetan sa bintana habang palipad na ang eroplano. Inisip niya kung ano kaya ang hitsura ng kanyang bagong tahanan. Magiging kakaiba ang lahat. Bagong bahay. Bagong kuwarto. Bagong mga kapitbahay. At mga bagong kaibigan na makikilala! Tuwang-tuwa si Svetan.

Alam din ni Svetan na malapit ang kanyang bagong tahanan sa isang templo na katatapos lang maitayo. Sa Argentina, malayo ang templo. Mga retrato lang nito ang nakita niya.

Bumaling si Svetan kay Mami. “Makikita po kaya natin ang templo mula sa kalangitan?”

Ngumiti si Mami. “Palagay ko hindi. Pero tingnan natin.”

Gumanti ng ngiti si Svetan. Sinabi nina Mami at Papi na hindi pa bukas ang templo. Pero hindi magtatagal ay magkakaroon ng open house. Ibig sabihin maaaring makapasok ang mga tao para makita ito bago ito ilaan. At pupunta ang pamilya ni Svetan sa open house! Hindi siya makapaghintay na makita ang templo sa tunay na buhay.

Makalipas ang ilang oras, nasa bagong bahay na nila si Svetan at ang kanyang pamilya. Napakaraming gagawin. Tumulong si Svetan sa pag-aalis ng kanilang mga gamit sa kahon at pagandahin ang kanilang tahanan.

Sa araw bago ang open house, umupo sila sa sala para mag-usap-usap.

“Ang templo ang bahay ng Panginoon,” sabi ni Mami. “Kapag nasa loob tayo, dapat tayong maging mapitagan. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin niyon?”

“Magsalita po nang tahimik para mas marinig natin ang Espiritu Santo?” tanong ni Svetan.

“Tama,” sabi ni Mami. “Marami tayong matututuhan kapag nasa loob tayo ng templo.”

Tumango si Svetan. Gusto niyang maging mapitagan para madama niya ang Espiritu Santo sa templo.

Kinaumagahan, maagang gumising si Svetan. Nagsuot siya ng damit na pangsimba. Sa wakas ay oras na para umalis.

Nagpunta ang pamilya ni Svetan sa templo. Tinulungan sila ng mga tao na maglagay ng maliliit na plastik na sapin sa kanilang sapatos.

Larawan
Volunteer na naglalagay ng plastik na supot sa sapatos ng batang lalaki

“Bakit po nila isinuot sa paa ko ang maliliit na supot na ito, Mami?” tanong ni Svetan.

“Dahil sa loob ng templo lahat ng bagay ay bago at malinis. Gusto nating pangalagaan ito.”

Isang babae ang malugod na bumati sa kanila. Binasa niya ang mga salita sa pintuan ng templo: “Kabanalan sa Panginoon—ang Bahay ng Panginoon.”

Larawan
Babaeng nakatayo sa harapan ng templo

Hinawakan ni Svetan ang kamay ni Mami. Naglakad sila sa loob. Napakaganda ng lahat ng narito! Siguro ganito ang pakiramdam sa langit.

“Tingnan n’yo po!” bulong ni Svetan. Itinuro niya ang isang painting. “Naroon po si Jesus!”

Nang matapos sila, masaya si Svetan. Nagpapasalamat siya na nakapunta siya sa loob ng templo. Gusto niyang pumasok muli kapag mas malaki na siya.

Larawan
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Mark Robison