Adiksyon
Alituntunin 9


“Tinalikuran Namin ang Pandaraya,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Tinalikuran Namin ang Pandaraya,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Larawan
mag-asawang magkatabi ang mga mukha

Alituntunin 9

Tinalikuran Namin ang Pandaraya

“Tinanggihan namin ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man na may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagtatagubilin ang aming sarili sa bawa’t budhi ng mga tao sa harapan ng Dios” (II Mga Taga Corinto 4:2).

Pagtataguyod ng Pagtitiwala

Ang masasamang pagpili ay umuusbong nang palihim, at panloloko ang ikinabubuhay nito. Ang isang kritikal na panahon ng pagbabago para sa ating mga mahal sa buhay ay nangyayari kapag naunawaan nila ang papel ng paglilihim at panloloko sa paggawa ng kanilang mga maling pagpili. Kapag nagsisinungaling sa atin ang mga mahal natin sa buhay o niloloko nila tayo at ayaw nilang mapansin ang masamang pag-uugali nila, nawawalan tayo ng tiwala sa kanila. Kung walang pagtitiwala, mahirap madaig ang ating takot at pag-aalala tungkol sa maaaring ginagawa ng ating mga mahal sa buhay kapag wala tayo. Halimbawa, kapag sinabi nila sa atin na pupunta sila sa tindahan, maaari nating isipin kung nagsisinungaling ba sila at ang totoo ay may balak silang gawing hindi maganda. Ang kawalan ng tiwalang ito ay lumilikha ng mga hadlang sa ating komunikasyon at sa ating relasyon. Maaaring makita natin ang ating sarili na palaging nag-aalala kung ano ang ginagawa ng mga mahal natin sa buhay at maaari tayong gumawa ng mga hakbang para subaybayan ang kilos nila.

Bagama’t sa ngayon ay hindi natin lubusang mapagkatiwalaan ang ating mga mahal sa buhay, maaari tayong magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang proteksyon. Tinutulungan Niya tayong kayanin ang maraming pangamba at takot na nararanasan natin. Binibigyan Niya tayo ng mga katiyakan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na tumutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan at pag-asa. Ipinahayag ni Nephi, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman” (2 Nephi 4:34; tingnan din sa Alma 58:11).

  • Paano makakatulong sa iyo ang pagtitiwala sa Panginoon kapag nahihirapan kang magtiwala sa iyong mahal sa buhay?

Paghihikayat ng Katapatan mula sa Ating mga Mahal sa Buhay

Para sa marami sa atin, ang matuklasan ang mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay nakakabigla at nakakabahala. Natural lamang na marami tayong katanungan tungkol sa kanilang mga ikinikilos at pag-uugali. Hanggang saan ba tayo naloko? Ano pa ba ang hindi natin alam? Gusto nating makakuha ng mga sagot at malaman ang katotohanan. Kadalasan, ang mga mahal natin sa buhay ay nagkakaila o hiyang-hiya kaya paunti-unti lang ang pagkukuwento nila sa atin. Bagama’t napakahalaga para sa kanila na maging matapat at managot sa nagawa nila, ang ganap na pagsisiwalat ay karaniwang isang matagal na proseso, lalo na kung matagal na silang naglilihim at nanloloko.

Mahirap malaman ang lahat ng lihim at masakit na bagay na nagawa ng ating mga mahal sa buhay. Maaaring ayaw nating malaman, o maaaring hindi tayo handang marinig ang lahat—maaaring masakit at nakapipinsala para sa atin ang marinig ang ilang partikular na detalye. Bagama’t mahalagang marinig natin ang katotohanan, lahat ng bagay ay dapat gawin “sa karunungan at kaayusan” (Mosias 4:27). Iba-iba ang sitwasyon ng bawat isa tungkol sa kung gaano karaming detalye ang sasapat para sa katotohanan. Ang isang bishop, isang kaibigan, isang counselor—at higit sa lahat, ang Espiritu—ay magagabayan tayo sa pagbalanse kung ano ang kailangan nating malaman at kung ano ang talagang makapipinsala pa sa atin. Makadama man tayo ng galit o sakit dahil sa ibinahagi ng ating mga mahal sa buhay, mahalagang hindi kumilos nang may galit o hiyain ang mga mahal natin sa buhay. Tandaan na ang pagsisiwalat ay bahagi ng pagrekober at paggaling at na maaaring napapahiya at namumuhi na sa sarili ang mga mahal natin sa buhay—mga damdaming kakailanganin nilang daigin habang sila ay nagrerekober.

  • Anong antas ng detalye ang maaari mong kailanganin upang makabuo ng pundasyon ng pagtitiwala?

  • Paano ka magpapasiya kung ano ang mahalagang malaman at kung ano ang hindi na dapat pang sabihin?

Pagpapanatili ng Regular na Komunikasyon

Maaaring nag-aalangan ang ating mga mahal sa buhay o ayaw nila tayong kausapin tungkol sa kanilang mga paghihirap o hamon. Gayundin, maaaring hindi tayo komportableng ibahagi sa kanila ang ating damdamin. Bagama’t maaaring mahirap, makakahanap tayo ng mga paraan upang maging bukas at tapat sa ating mga mahal sa buhay. Tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay kapwa makikinabang sa pakikipag-usap nang regular sa isa’t isa tungkol sa ating paglalakbay tungo sa pagrekober at paggaling. Kabilang dito ang pagtalakay sa mga pagkakataon o sitwasyon kung saan ang mga mahal natin sa buhay ay natutukso o nagbabalik sa dati nilang adiksyon. Sabi ni Elder Richard G. Scott, “Ang [isang asawa o miyembro ng pamilya] ay hindi dapat magkaroon ng mga planong lihim sa [kanyang mahal sa buhay]. Ang pagbabahagi ng lahat tungkol sa sariling buhay ng bawat isa ay malakas na segurong espirituwal” (“Ang Kabanalan ng Kababaihan,” Liahona, Hulyo 2000, 37).

Maaaring mahirap malaman kung kailan, gaano kadalas, at anong klaseng mga bagay ang dapat nating hilinging ibahagi ng ating mga mahal sa buhay sa atin. Ang paraan at dalas ng ating pakikipag-ugnayan ay maaaring magkaiba depende sa ating papel bilang asawa, magulang ng isang menor-de-edad na bata, o magulang ng isang batang nasa hustong gulang na. Muli, ang isang bishop, kaibigan, o counselor ay makakatulong sa atin na mahanap ang tamang balanse. Bukas at tapat na komunikasyon ang simula ng muling pagbubuo ng tiwala. Habang matiyaga nating kinakausap ang ating mga mahal sa buhay, kung gusto nila, gagabayan at susuportahan tayo ng Espiritu.

  • Paano napagpala ng regular, bukas, at tapat na komunikasyon ang relasyon mo sa iyong mahal sa buhay?

  • Sa anong partikular na mga paraan ninyo mapagbubuti ng mahal mo sa buhay ang inyong komunikasyon?

Muling Pagbubuo ng Tiwala

Maaaring kailangan ng mga mahal natin sa buhay na malaman kung paano muling magiging matapat at mapagkakatiwalaan. Bagama’t maaaring tama ang lahat ng sinasabi nila, maaaring mas mahalagang obserbahan natin ang kanilang mga ikinikilos. Maipapaunawa nito sa atin ang katapatan ng kanilang mga pagsisikap tungo sa pagrekober. Maaaring ayaw pa nilang gawin ang kailangang gawin para makarekober o maaari silang bumalik sa dati nilang adiksyon. Sa ganitong mga pagkakataon, maaari nating piliing magtiyaga at mahalin sila nang hindi pa sila lubusang pinagtitiwalaan.

Maaaring maragdagan ang ating tiwala kapag naoobserbahan natin na mas napapalapit sa Panginoon ang mga mahal natin sa buhay at masigasig na nagpapatuloy sa paggaling. Kapag tapat sila sa atin tungkol sa mga panahon ng kanilang paghihirap, maaari na rin tayong magsimulang maniwala na sila ay nagiging tapat tungkol sa kanilang masasayang sandali. Tutulungan tayo ng Espiritu na maunawaan kung kailan tayo maaaring magsimulang magtiwalang muli. Ang prosesong ito ay maaaring mangyari nang paunti-unti sa paglipas ng panahon.

Sa ilang pagkakataon, maaari nating madama na hindi natin magagawang magtiwalang muli kailanman dahil labis tayong nasaktan. Kahit na matapat at mapagkakatiwalaan ang ating mga mahal sa buhay, ang sarili nating takot o galit ay maaari tayong hadlangang magtiwala. Ito ay isa pang pasanin na maibibigay natin sa Panginoon. Mapagagaling ng Kanyang kapanatagan at suporta ang ating puso at gagawin nitong posible na muli tayong magtiwala sa mga mahal natin sa buhay, kapag nakamtan nila ang tiwalang iyon.

  • Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na muling magtiwala?

  • Ano ang ilang susunod na hakbang na magagawa mo sa proseso ng muling pagbubuo ng tiwala?

Larawan
mag-asawang nananalangin

Makadama man tayo ng galit o sakit dahil sa ibinahagi ng ating mga mahal sa buhay, mahalagang hindi kumilos nang may galit o hiyain ang mga mahal natin sa buhay. Tandaan na ang pagsisiwalat ay bahagi ng lubusang paggaling.