Adiksyon
Alituntunin 12


“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Larawan
ina at ama na may hawak na batang babae

Alituntunin 12

Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo

“Ang aking kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).

Pagkakaroon ng Kapayapaan

Kapag naharap sa mga bunga ng mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay, maaari tayong magreklamo o magalit. Kung minsan nagtatanong tayo ng gaya ng “Bakit kailangang mangyari ito sa akin?” “Bakit kailangan ko pang danasin ito ngayon?” o “Ano ang nagawa ko para danasin ito?” Bagama’t ang mga tanong na ito sa una ay maaaring mangibabaw sa ating isipan at umubos ng ating lakas, maaari nating piliing ibahin ang pagtugon sa ating mga sitwasyon. Maitatanong natin sa sarili, “Ano ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula rito?” “Ano ang gugustuhin Niyang gawin ko? Sino ang mapaglilingkuran ko?” at “Paano ko maaalala ang aking mga pagpapala?” Mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang maging malaya tayo mula sa mga bunga ng mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Mahalagang tandaan na hindi Niya ibinigay sa atin ang mga pagsubok na ito—sa halip, ito ay resulta ng mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Ngunit magagamit ng Ama sa Langit ang ating mga pagsubok upang tulungan tayong lumago, umunlad, at maging higit na katulad Niya (tingnan sa D at T 122).

Kapag nanampalataya tayo, madarama natin ang nakadadalisay na impluwensya at kapayapaan ng Kanyang Espiritu, at papalitan Niya ng “putong na bulaklak [ang] mga abo” (Isaias 61:3).

Kapag nagsumamo tayo sa Panginoon, pagpapalain at aaliwin Niya tayo sa mga makabuluhang paraan. Bagama’t hindi natin natatanggap sa tuwina ang mismong hinihiling natin, pinagpapala pa rin tayo ng Panginoon. Ang mga tao ni Alma ay hindi kaagad pinalaya mula sa pagkaalipin, kundi “pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin” (Mosias 24:15). Sa tulong ng Panginoon, magkakaroon tayo ng kapayapaan.

  • Ano ang gagawin mo upang magkaroon ng kapayapaan?

  • Paano ka nakasumpong ng kapayapaan mula sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas?

Pagpapatawad

Bahagi ng proseso ng pagpapatawad ang paglimot sa mga pasaning humahadlang sa atin upang maranasan ang kapayapaan ng Tagapagligtas. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang diwa ng pagpapatawad at ugaling mapagmahal at maawain sa mga taong maaaring nagkasala sa atin ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 2). Gagaling tayo kapag pinatawad natin ang iba. Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. Inutusan tayo ng Panginoon na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10] para sa ating ikabubuti dahil ‘ang pagkamuhi ay hadlang sa espirituwal na pag-unlad’ [Orson F. Whitney, Gospel Themes (1914), 144]. Sa pagwaksi ng pagkamuhi at kapaitan lamang maaaliw ng Panginoon ang ating puso” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).

Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na kinukunsinti natin ang mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay o tinutulutan silang pagmalupitan tayo. Sa halip ang pagpapatawad ay talagang tinutulutan tayong umunlad sa espirituwal, emosyonal, at pisikal. Tulad ng ating mga mahal sa buhay na nasa pagkaalipin, ang pag-ayaw nating magpatawad ay magdadala sa atin sa pagkabihag. Kapag nagpatawad tayo, ibabaon natin sa limot ang mga damdamin na, sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson, may kakayahang “lumala, lumalim at tuluyang makapinsala” (“Mga Nakatagong Kalso,” Liahona, Hulyo 2002, 20). Sa ganitong paraan, inaalis natin ang mga hadlang sa pagkakaroon ng mas saganang paggabay ng Espiritu at maaari tayong magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo. Gaya ng paalala sa atin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Karaniwan ang pangyayaring ito sa mga naroon sa langit: Sila ay napatawad. At sila ay nagpatawad” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 77).

  • Paano ka napagpala ng pagpapatawad?

Paghingi ng Tulong sa Diyos na Magpatawad

Kapag ang pagpapatawad ay tila higit pa sa ating kakayahan, makakaasa tayo na tutulong ang Tagapagligtas na baguhin ang ating puso at pagkalooban tayo ng pag-ibig sa kapwa. Ang pagpapatawad sa isang tao na nakagawa sa atin ng mali o nakasakit sa atin ay maaaring napakahirap gawin—lalo na kapag paulit-ulit ito. Ngunit ito ay bahagi ng pagiging disipulo ni Cristo. Itinuro ni Pangulong Uchtdorf:

“Sinabi ni Jesus na madaling mahalin ang mga nagmamahal sa atin; maging ang masasama ay magagawa iyan. Ngunit nagturo ng mas mataas na batas si Jesucristo. ‘Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gumawa ng mabuti sa kanila na napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.’ …

“Mapapawi ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ang hinanakit at pagkamuhi, na nagtutulot sa atin na ituring ang iba tulad ng pagturing sa atin ng ating Ama sa Langit” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” 76).

Kailangang pagpasensyahan natin ang ating sarili habang nagsisikap tayong magpatawad sa ating mga mahal sa buhay. Sinabi ni Pangulong Faust:

“Nangangailangan ng panahon ang karamihan sa atin upang malimutan ang sakit at kawalan. Marami tayong dahilan para ipagpaliban ang pagpapatawad. Isa na rito ang paghihintay na magsisi ang mga nagkasala bago natin sila patawarin. Subalit dahil sa pagpapalibang iyon, nawawalan tayo ng kapayapaan at kaligayahang maaari sanang nakamtan natin. Kung babalik-balikan natin ang napakatagal nang mga hinanakit hindi tayo liligaya. …

“Kung mapapatawad natin sa ating puso ang mga nakasakit at nakapinsala sa atin, aangat tayo sa mas mataas na antas ng paggalang sa sarili at kagalingan (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” 68). Kung tayo ay magtitiwala sa Panginoon at hihingi ng tulong sa Kanya, matutulungan Niya tayong magpatawad, maging tulad Niya.

  • Kailan ka natulungan ng Diyos na magpatawad?

  • Paano ka matutulungan ng Diyos na magpatawad ngayon?

Larawan
mag-asawang nakaupo sa bangko

“Ang diwa ng pagpapatawad at ugaling mapagmahal at maawain sa mga taong nagkasala sa atin ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.”—Pangulong Gordon B. Hinckley