Adiksyon
Alituntunin 1


“Aaluin Tayo ng Diyos sa Ating mga Paghihirap,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Aaluin Tayo ng Diyos sa Ating mga Paghihirap,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Larawan
babaeng nagdarasal habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Alituntunin 1

Aaluin Tayo ng Diyos sa Ating mga Paghihirap

“Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap” (Jacob 3:1).

Pagtanggap ng Tulong ng Diyos sa Anumang Mahirap na Sitwasyon

Ang mapanganib na mga pag-uugali (tulad ng panonood ng pornograpiya) at paggamit ng nakapipinsalang mga sangkap ay nakasasakit hindi lamang sa ating mga mahal sa buhay kundi pati na sa atin. Narito ang ilan sa mga damdaming nararanasan ng maraming asawa at kapamilya o kaibigan na may mga mahal sa buhay na nalulong:

  • Takot na ang mga mahal natin sa buhay ay hindi gumaling kailanman.

  • Takot sa posibilidad na ang mga mahal natin sa buhay ay pisikal at espirituwal na mamatay.

  • Takot sa pinsalang maaaring gawin ng ating mga mahal sa buhay sa ibang mga tao sa paligid nila, lalo na sa mga bata.

  • Pagod ng katawan sanhi ng kawalan ng tulog, stress, at pag-aalala.

  • Pagkalito kung bakit kumikilos nang wala sa katwiran ang mga mahal natin sa buhay at bakit anuman ang sabihin o gawin natin ay tila hindi nakakagawa ng anumang kaibhan.

  • Pagkawala ng tiwala at kumpiyansa sa ating mga mahal sa buhay dahil sa kanilang pagsisinungaling, panloloko, at manipulasyon.

  • Pagkapahiya at kawalan ng pag-asa kapag inako natin ang responsibilidad sa mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay.

  • Galit na niloko tayo at sinaktan ng mga mahal natin sa buhay.

  • Kalungkutan at paglayo sa iba habang sinisikap nating ilihim ang mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay para protektahan ang iba.

  • Takot na ang mga tipan sa binyag at sa templo ay masira nang tuluyan at maputol ang walang-hanggang ugnayan ng pamilya.

  • Sakit at sama-ng-loob na kaugnay ng pisikal o tunay na pagtataksil ng asawa.

  • Kapaitang dulot ng mga hamon sa pananalapi kapag naharap tayo sa sobrang paggastos, mga programa sa pagpapagamot, gastusing legal, mga multa, o pagkasira ng mga ari-arian.

  • Takot na ang patuloy na paggawa ng mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay sumasalamin kahit paano sa sarili nating kakulangan sa pananampalataya o kawalan ng kakayahang humingi ng tulong sa Diyos para sa kanila.

  • Takot sa mga bunga ng potensyal na pagkabilanggo ng ating mga mahal sa buhay o iba pang mga isyung legal.

Bawat isa sa mga alalahaning ito ay makatwiran, at sa pagsampalataya at sa suporta ng iba ay malulutas ang mga ito nang may pag-iingat at sapat na panahon. Matutulungan tayo ng Diyos sa anumang mahirap na sitwasyon, kung tutulutan natin Siya.

  • Paano nakaapekto sa iyo ang mga maling pagpili ng mga mahal mo sa buhay?

  • Alin sa mga damdaming nakalista sa itaas ang naranasan mo na? Anong iba pang mga damdamin ang naranasan mo dahil sa mga maling pagpili ng iyong mahal sa buhay?

Pag-unawa na Alam ng Diyos ang Ating Sitwasyon

Maaaring may mga pagkakataon na nag-iisip tayo kung alam ng Diyos ang pinagdaraanan natin habang nahihirapan ang mga mahal natin sa buhay. Kapag ibinaling natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, madarama natin ang Kanyang presensya at gabay. Sinabi ni Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu, “Lubos Niyang minamahal ang bawat isa sa atin at puspos ng awa at pag-unawa. Alam Niya ang lahat tungkol sa atin. Alam Niya ang mga pangangailangan natin, kahit na ang nakikita lamang natin ay ang gusto natin. Walang-hanggan ang Kanyang kapangyarihan at kakayahang tulungan at gabayan tayo. Siya ay palaging handang magpatawad at tulungan tayo sa lahat ng bagay” (“Gawing Mas Taimtim ang Inyong Personal na Panalangin,” Ensign o Liahona, Hunyo 2013, 36–37). Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Muli, mga kapatid, alam ng ating Ama sa Langit ang mga kailangan natin at tutulungan tayo kapag humingi tayo sa Kanya ng tulong. Naniniwala ako na wala tayong alalahanin na napakaliit o walang halaga. Pinagmamalasakitan ng Panginoon ang mga detalye ng ating buhay” (“Isipin ang mga Pagpapala,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 88).

  • Anong mga katibayan ang mayroon ka na kilala ka ng Diyos? Paano makapagpapalakas sa iyong pananampalataya at magbibigay sa iyo ng lakas ng loob ang kaalamang ito?

  • Ano ang gagawin mo kapag naramdaman mo na hindi ka pinapansin ng Diyos o kaya’y walang pakialam sa sitwasyon mo ngayon?

Batid na Hindi Tayo Pababayaan ng Diyos Kailanman

Maling madama natin na kailangang maging perpekto tayo para maging karapat-dapat sa tulong ng Diyos. Sa kabila ng ating mga pagsisikap, maaaring may mga pagkakataon na pakiramdam natin ay nag-iisa tayo at na hindi pinakikinggan ng Diyos ang ating mga pagsamo. Gayunman, nariyan Siya at pinagpapala tayo kahit tila wala nang pag-asa. Nangako ang Panginoon na hindi Niya tayo pababayaan kailanman. “Subalit, masdan, sinabi ng Sion: Pinabayaan ako ng Panginoon, at kinalimutan ako ng aking Panginoon—subalit ipakikita niya na hindi gayon. Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang kanyang anak na pinasususo, na hindi siya maaawa sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, maaaring makalimot siya, gayon pa man hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel. Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko” (1 Nephi 21:14–16). Maaari nating ipagdasal na tulungan tayo ng Diyos na maging lakas ng ating pamilya. Mapapalakas natin ang impluwensya ng Espiritu sa ating buhay kapag tayo’y nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nag-aayuno, pumupunta sa templo, at matiyagang naghihintay sa Panginoon (tingnan sa Isaias 40:31). Kapag ginawa natin ito, tutulungan tayo ng Kanyang biyaya. Magkakaroon tayo ng katiyakan na hindi Niya tayo pababayaan kailanman, at lalakas ang ating pananampalataya sa Kanya.

  • Kailan mo nadama ang presensya ng Diyos sa iyong buhay?

Batid na Sinusuportahan Tayo ng Diyos sa Ating mga Paghihirap

Ang Panginoon ay nagbibigay ng kapanatagan, patnubay, at lakas sa tuwina, kahit hindi natin ito natatanto. Dumarating ang banayad at magiliw na mga katibayan ng pag-ibig at pagsuporta ng Diyos sa iba’t ibang paraan; halimbawa, maaaring dumating ang mga ito sa tulong ng iba (alituntunin 6, “Ang Iyong mga Kaibigan ay Nakatayo sa Iyong Tabi”) o sa mga lesson, mensahe, o himno na tuwirang nangungusap sa atin. Sa ibang mga pagkakataon, isang ideya o pahiwatig ang makakatulong para magkaroon tayo ng higit na pag-unawa at direksyon at makadama ng ibayong pagmamahal. Makakatulong din na alalahanin ang napakaraming pagkakataon na napagpala at nagabayan tayo ng Panginoon noong araw. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Si Cristo at ang Kanyang mga anghel at ang Kanyang mga propeta ay magpapagal magpakailanman para pagaanin ang ating espiritu, palakasin ang ating loob, payapain ang ating puso, [at] bigyan tayo ng panibagong lakas at matatag na pag-asa” (“The Peaceable Things of the Kingdom,” Ensign, Nob. 1996, 83). Kapag patuloy tayong sumulong nang may pananampalataya, kinikilala natin na ang Panginoon ang pinagkukunan natin ng suporta. Nakikita natin na talagang sinusuportahan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa oras ng ating pangangailangan.

  • Paano ka nasuportahan ng Ama sa Langit sa iyong mga pagsubok?

  • Ano ang sasabihin mo para tulungan ang isang tao na ang pakiramdam ay hindi siya sinusuportahan ng Ama sa Langit?

Larawan
lalaki at babaeng magkasamang nagdarasal

“Muli, mga kapatid, alam ng ating Ama sa Langit ang mga kailangan natin at tutulungan tayo kapag humingi tayo sa Kanya ng tulong. Naniniwala ako na wala tayong alalahanin na napakaliit o walang halaga. Pinagmamalasakitan ng Panginoon ang mga detalye ng ating buhay.”—Pangulong Thomas S. Monson