“Iwagwag ang mga Tanikalang Gumagapos sa Iyo,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).
“Iwagwag ang mga Tanikalang Gumagapos sa Iyo,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.
Alituntunin 2
Iwagwag ang mga Tanikalang Gumagapos sa Iyo
“Gumising … isuot ninyo ang baluti ng kabutihan. Iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa inyo, at lumabas mula sa karimlan, at bumangon mula sa alabok” (2 Nephi 1:23).
Pagkatanto na Hindi Tayo Dapat Sisihin sa mga Pagpiling Ginagawa ng Ating mga Mahal sa Buhay
Habang sinisikap nating unawain ang mahirap na sitwasyon natin, karaniwan lamang na magtaka kung bakit mali ang tinahak na landas ng mga mahal natin sa buhay. Maaari nating madama na may pananagutan tayo rito kahit paano. Bilang mga magulang, maaari tayong mag-alala kung ano ang maaari nating gawin na naiiba. Bilang mga asawa, maaaring isipin natin kung nabigo ba tayong tugunan ang mga pangangailangan ng ating asawa at tanungin ang ating sarili na gaya ng “Hindi pa ba sapat ang ginawa ko?” at “Ano pa ba ang maaari kong gawin?” Kapag hindi maganda ang kinahinatnan ng mga bagay-bagay, natutukso tayong sisihin ang ating sarili. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay maaaring umakay sa atin na ipalagay na responsable tayo sa mga pagpili ng ibang tao, na nauuwi sa pag-uusig ng budhi at kawalang-pag-asa na hindi nararapat sa atin.
Isang mahalagang elemento sa plano ng Ama sa Langit ang alituntunin ng kalayaang pumili—ang kakayahan at pribilehiyong gumawa ng sarili nating mga pagpili. Kapag pinag-aralan at inunawa natin ang alituntuning ito, patototohanan sa atin ng Espiritu na hindi tayo ang dahilan ng mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Sinabi ni Elder Richard G. Scott, “Kung wala kayong malubhang kasalanan huwag na ninyong pagdusahan ang bunga ng mga kasalanan ng iba. Bilang asawa, magulang o mahal sa buhay, mahahabag kayo sa taong sukdulan ang pait ng pagkakasala. Gayunma’y hindi ninyo dapat akuin ang responsibilidad sa mga pagkakasalang iyon” (“Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin,” Ensign, o Liahona, Nob. 2002, 88). Ang mga mahal natin sa buhay ang may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa nila. Bagama’t ang eksaktong dahilan sa kanilang pagpili ay maaaring kumplikado, hindi tayo ang mananagot sa kanilang mga pagpili. Ang isang magandang paalala ay, “Sinumang gagawa ng kasamaan, ay ginagawa ito sa kanyang sarili; sapagkat masdan, kayo ay malaya” (Helaman 14:30; idinagdag ang italics). Ang mga mahal natin sa buhay ay malamang na makagawa ng mga maling pagpili. Bahagi ng proseso ng lubos na paggaling para sa kanila ang gumawa ng mga pagkakamali ngunit akuin ang buong responsibilidad sa kanilang mga pagpapasiya. Ang ating tagumpay at kaligayahan sa buhay ay hindi dapat sukatin ayon sa kung paano pinipiling gamitin ng ibang tao ang kanilang kalayaang pumili. Tayo ay responsable lamang sa sarili nating mga pagpili at pagkilos.
-
Naramdaman mo ba na responsable ka kahit paano sa mga maling pagpili ng iyong mahal sa buhay? Kung oo, paano ito nakaapekto sa iyo?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na maunawaan na hindi ka responsable sa mga pagpiling ginawa ng iyong mahal sa buhay?
Pag-unawa na Tayo ay mga Anak ng Diyos
Ang mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay maaaring makaapekto sa pagtingin natin sa ating sarili at sa buhay. Maaari nating simulang tukuyin ang ating sarili ayon sa karanasan natin sa mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay, dahil kung minsa’y tila apektado nito ang lahat ng aspeto ng ating buhay. Mahalagang tandaan natin kung sino tayo at bakit tayo narito sa lupa. Ang Diyos ay hindi lamang natin Pinuno at Lumikha, kundi Siya rin ang ating Ama sa Langit. Lahat ng lalaki at babae ay literal na mga anak ng Diyos. Makakaasa tayo sa simpleng katotohanan na Siya ay ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak. Ang maunawaan ang relasyong ito ay naghahatid ng kapayapaan at tiwalang sumulong—hindi dahil sa ating sariling mga kakayahan kundi dahil sa kabutihan at walang-kapantay na kapangyarihan Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Anuman ang nangyayari sa ating buhay, makatutuon tayo sa walang-hanggang katatagan ng pagmamahal Niya sa atin. Dito nagsisimula ang ating proseso ng pagpapagaling. Sa gitna ng ating mga pagsubok, kapag ibinaling natin ang ating puso sa ating Ama sa Langit, ang Kanyang pagmamahal at ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Kanyang Anak, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay matutulungan tayong magkaroon ng lakas-ng-loob at pag-asa.
-
Sa anong paraan nakakatulong sa iyo ang kaalaman na ikaw ay anak ng Diyos?
-
Paano mo patatatagin ang relasyon mo sa Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagninilay, pag-aayuno, at pagsunod sa Kanyang mga utos?
Pagkilala na Malaya Tayong Kumilos para sa Ating Sarili
Maaaring madama natin na wala tayong lakas dahil hindi natin gaanong kontrolado ang pinipiling gawin ng ating mga mahal sa buhay o ang mga bunga ng mga pagpiling iyon. Bagama’t itinuturo ng ebanghelyo sa atin na tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo” (2 Nephi 2:27). Magagamit natin ang ating kalayaang pumili upang pagandahin ang ating sitwasyon at gumawa ng mabubuting pagpili anuman ang ating kalagayan. Ipinayo ni Elder David A. Bednar na, “Kapag naunawaan natin at ginamit ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sariling buhay, mananalangin at hihingi tayo ng lakas na mabago ang ating sitwasyon sa halip na manalanging baguhin ang ating sitwasyon. Tayo ay magiging taong kumikilos sa halip na mga bagay na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14)” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Ensign o Liahona, Abr. 2012, 16).
-
Paano mo gagamitin ang iyong kalayaang pumili upang kumilos at pagandahin ang iyong sitwasyon?
-
Paano naaangkop ang ikalawang saligan ng pananampalataya sa sitwasyon mo?