“Magsilapit sa Akin,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).
“Magsilapit sa Akin,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.
Alituntunin 4
Magsilapit sa Akin
“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).
Pag-asa sa Gabay at Patnubay ng Diyos
Maraming beses tayong nahaharap sa mga problema na tila higit pa sa sarili nating kakayahan at pang-unawa upang madaig. Ang pangangailangan natin ng tulong ay maaaring humantong sa paghiling natin ng gabay at patnubay sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Pinayuhan na tayo, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios” (Santiago 1:5). Hangad ng Panginoon na sagutin ang ating mga panalangin at mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Ang mga paramdam ng Espiritu ay darating bilang tugon sa agarang panalangin o kahit hindi hiniling kapag kailangan. Kung minsan inihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa inyo nang hindi ninyo ito hinahangad, tulad ng kapag nasa panganib kayo at hindi ninyo alam” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8).
Kailangan nating magsikap upang makatanggap ng paghahayag. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Napagbubuti natin ang ating espiritu sa pamamagitan ng pagsasanay. … Kailangan nating sanayin ang ating espiritu nang may pag-iingat tulad ng pagsasanay natin sa ating katawang pisikal.” Nagpayo siya, “Mag-ukol ng panahon upang maging banal sa bawat araw ng inyong buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 206–208). Mahalagang maglaan ng oras para magmuni-muni, magnilay-nilay, at ibaling ang ating puso sa langit. Tutulungan tayo nitong matanggap, makilala, at maunawaan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Ang mga sitwasyon sa ating mga mahal sa buhay ay maaaring mangailangan ng ating agarang pansin at talagang magpupursige tayong makahanap ng mga sagot o patnubay. Sa ating pag-aapura, maaaring umasa tayo na agarang darating ang espirituwal na tulong. Bagama’t agad dumarating ang mga sagot ng Panginoon kung minsan, itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na ibinibigay ang paghahayag nang “bilin at bilin [taludtod sa taludtod]” (Isaias 28:10). Matiyaga tayong “[makapaghihintay] sa Panginoon” (Isaias 40:31) at magtiwala na mangungusap Siya sa atin. Isang paraan ito na napipino ang ating pagtitiyaga at pagkatao. Tulad ng mga tao ni Nephi na “hindi … naunawaan ang tinig na kanilang narinig” hanggang sa ikatlong pagkakataon (tingnan sa 3 Nephi 11:3), maaaring matagalan bago natin mapansin ang personal na paghahayag.
-
Paano mo nadama na ginagabayan at pinapatnubayan ka ng Panginoon sa iyong relasyon sa mahal mo sa buhay?
-
Ano ang gagawin mo upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon para gabayan ka?
Pag-aaral ng Salita ng Diyos
Kung nais nating malaman kung ano ang ipagagawa sa atin ng Panginoon, maaari nating saliksikin at pagnilayan ang mga banal na kasulatan. Gaya ng itinuro ni Nephi sa Aklat ni Mormon, “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3). Sinabi ni Elder Richard G. Scott, “Ang mga banal na kasulatan ay tulad ng mumunting liwanag na tumatanglaw sa ating isipan at nagbibigay-puwang sa patnubay at inspirasyong mula sa kaitaasan. Ang mga ito ay maaaring ang susi na magbubukas sa daluyan ng komunikasyon sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6). Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan maaaring mangusap sa atin ang Panginoon at tulungan tayo sa ating paglalakbay tungo sa kapayapaan at paggaling. Sa pagninilay natin ng mga banal na kasulatan at mga turo nito sa ating buhay, makahihingi tayo ng patnubay mula sa Espiritu na maunawaan kung paano makakamtan ang pagpapagaling ng Tagapagligtas.
Pagtanggap ng Sakramento
Ang sakramento ay panahon para magmuni-muni. Tumatanggap tayo ng sakramento bilang pag-alaala sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo para sa atin at para mapanibago ang ating mga tipan. Ang sakramento ay maaaring maging isang sagradong oras para tayo makipagkasundo at isuko ang ating kalooban sa Diyos at espirituwal na mapalakas. Maaaring kailangan nating isantabi muna ang pag-iisip tungkol sa ating mga mahal sa buhay at magtuon sa sarili nating espirituwal na lakas. Bagama’t natural na bumaling sa ating mga mahal sa buhay ang ating isipan sa oras ng sakramento at kung paano nakaaapekto sa atin ang mga hamon nila sa buhay, kailangan tayong mag-ukol ng panahon sa oras ng sakramento na patatagin ang relasyon natin sa Diyos at sa Tagapagligtas. Tayo, dahil dito, ay espirituwal na napalalakas ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Mahalagang huwag hayaan ang anumang bagay na makagambala sa atin sa pagpapanibago ng ating mga tipan sa Panginoon, kahit ang mga kilos at pagpapasiya ng ating mga mahal sa buhay.
Bagama’t hangad nating lumapit kay Cristo at gumaling ang mga mahal natin sa buhay, ito ay isang bagay na kailangan nilang gawin para sa kanilang sarili. Matiyagang naghihintay ang Ama sa Langit na manampalataya sila kay Cristo at gawin ang mga hakbang na kailangan tungo sa paggaling. Dapat din tayong magtiyaga at umayon sa kalooban sa Diyos. Ang sakramento ay naglalaan ng pagkakataon na ipakitang handa tayong sumunod sa Ama sa Langit habang nagtitiis tayo nang may pananampalataya. Kapag pinalitan natin ang ating mga hangarin ng pagtitiwala sa Kanyang kalooban, isang paraan iyon para taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo at lagi Siyang alalahanin (tingnan sa D at T 20:77, 79).
-
Paano ka mapapalakas ng ordenansa ng sakramento?
Pagdalo sa Templo
Maaari tayong mahirapang magpunta sa templo dahil ang ilan sa ating mga mahal sa buhay ay hindi makakasama sa atin. Gayunman, ang mga kahinaan at pagpili ng isang mahal sa buhay ay hindi nakakaapekto sa karapatan ng isang asawa o miyembro ng pamilya na dumalo sa templo, ni hindi ito dapat makaapekto sa ating pakiramdam na karapat-dapat tayong dumalo roon. Ang pagsamba at paglilingkod sa templo ay magbibigay sa atin ng lakas at mga pagpapala na kailangan natin upang magpatuloy at panatilihin ang ating walang-hanggang pananaw. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang mga templo ang pinakasentro ng espirituwal na kalakasan ng Simbahan. Dapat nating asahan na sisikapin ng kalaban na hadlangan tayo bilang isang Simbahan at ang bawat isa sa atin habang hinahangad nating makilahok sa sagrado at inspiradong gawaing ito” (“Ang Banal na Templo,” Ensign o Liahona, Okt. 2010, 35). Sa kabila ng mga hamon na maaaring kinakaharap natin habang sinisikap nating magpunta sa templo, makalalapit tayo sa Panginoon sa Kanyang bahay at makatatanggap ng Kanyang lakas na magpatuloy nang may pananampalataya at pag-asa.
Pagpapatuloy ni Pangulong Packer, “Kapag naguguluhan ang mga miyembro ng Simbahan o kapag nabibigatan sila sa kaiisip sa mahahalagang desisyon, pangkaraniwan na sa kanila ang magpunta sa templo. Mabuting lugar ito upang paglagakan ng ating mga alalahanin. Sa templo ay makatatanggap tayo ng espirituwal na pananaw. … Kung minsan puno ng problema ang ating isipan at napakaraming bagay na kailangan nating pagtuunan kaagad ng pansin kaya’t hindi tayo makapag-isip na mabuti at makakitang mabuti. Sa templo ay tila napapawi ang panggagambala, ang hamog at manipis na ulap ay tila naglalaho, at ‘nakikita’ natin ang mga bagay na hindi natin nakita noon at nakahahanap ng kalutasan sa ating mga problema na hindi natin batid noon” (“Ang Banal na Templo,” Ensign o Liahona, Okt. 2010, 35).
-
Paano ka napagpala ng pagsamba sa templo? Paano ka mapalalakas ng pagpunta sa templo sa mga hamong kinakaharap mo sa kasalukuyan?
Paghahangad na Makasama ang Espiritu Santo
Magagabayan tayo ng Espiritu Santo sa ating mga pasiya at poprotektahan tayo mula sa pisikal at espirituwal na panganib. Sa pamamagitan Niya, matatanggap natin ang mga kaloob ng Espiritu para sa kapakinabangan natin at ng mga minamahal at pinaglilingkuran natin (tingnan sa D at T 46:9–11). Tunay na siya ang Mang-aaliw (tingnan sa Juan 14:26). Gaya ng magiliw na tinig ng isang mapagmahal na magulang na nakapagpapatahan sa isang umiiyak na anak, ang mga bulong ng Espiritu ay makapagpapanatag sa ating mga pangamba, mapatatahimik ang mapanligalig na mga alalahanin ng ating buhay, at aaluin tayo kapag nagdadalamhati tayo. Maaari tayong puspusin ng Espiritu Santo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig” (Moroni 8:26) at siyang “magtuturo sa [atin] ng mga mapayapang bagay ng kaharian” (D at T 36:2).
Maaaring isang hamon para sa atin ang pagkilala sa mga bulong ng Espiritu, lalo na sa mga sitwasyong masyado tayong emosyonal kapag kaharap na ang ating mga mahal sa buhay. Kung minsan maaari tayong magkaroon ng pag-aalinlangan kung ang impresyon bang natatanggap natin ay sarili nating damdamin o mga pahiwatig ng Espiritu. Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Kung ikaw at ako ay may tapat na hangarin na makasama sa tuwina ang Espiritu Santo, anyayahan ang Kanyang impluwensya sa ating buhay sa pamamagitan ng ating pagsunod at mga gawa, at matutong sundin ang mga simpleng pahiwatig at kumilos kaagad, sa gayon pinatototohanan at ipinapangako ko na matutukoy natin ang kaibhan ng ating sariling emosyon na sinasabi sa atin kung ano ang gusto nating marinig at ng Espiritu Santo na nagsasabi sa atin kung ano ang kailangan nating marinig” (“Receiving, Recognizing, and Responding to the Promptings of the Holy Ghost” [Brigham Young University–Idaho devotional, Ago. 31, 1999], byui.edu). Pinagkakalooban tayo ng Espiritu Santo ng kapayapaan at gabay kapag tayo ay humingi ng patnubay at magpapatuloy nang may pananampalataya.
-
Paano ka naalo ng Espiritu Santo sa panahon ng kapighatian?
-
Paano mo natutuhang makilala ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?
-
Anong mga pahiwatig ang natanggap mo na mula sa Espiritu Santo? Paano ka kikilos ayon dito?